Mula sa La Tondena Hanggang pondohan,
Tondo at Navotas ay magkapintigan:
Iisang daigdig, iisang hinakdal,
Iisang lunggati't pakikipaglaban.
Buhay manggagawa'y kubkob ng pangamba,
Lublob sa tiising di magkakaiba:
Butas sa sikmura at hungkag na bulsa
at inuuwiang abang aksesorya.
Laksang suliranin ay pinagnanaknak
Ng mapambusabos na utos at batas:
Kapakanan nating manggagawa'y utas,
Sa kapitalista ang nakawatawat.
Gayunpama'y bunsod ng iisang mithi,
Tayong manggagawa ay magpupunyagi:
Ang makahulagpos sa panduruhagi
Ng "bagong lipunang" karsel na pusali.
Subalit pag-asam nating anakpawis,
Sa kalakhang masa'y ipinagkakait:
Marapat ay walang-tugot na igiit
Interes ng uri't bayang laong piit.
Madlang manggagawa'y di maigugupo,
Kapag isang uri't lakas na tumayo:
Tagumpay sa welgang natigmak sa dugo,
Pagliyabin ngayong libu-libong sulo.
Malawakang welga ay punlong ituon
Sa iilang dayo't katutubong poon:
Uri nati't Inang Baya'y ipagtanggol,
Magkaisang higit, paglaba'y isulong!
|