Sumpain ang mga ibong mandaragit
Naglalaglag ng kanilang mga itlog na bakal
Walang pakundangan
Sinasalanta ang mga bukirin
Nang buong bangis
Nagsasabog ng gutom
Nagluluwal ng kamatayan
Winawarat ang dibdib
Ng mahal nating kapatid na bansa.
Byetnam! Byetnam!
Bawat bomba sa iyong dibdib
Ay dusa sa aming puso.
Ang lunsaran ng iyong hilahil
Ay nasa Mactan, Clark Field
Sangley Point at kung saan pa;
Ang nandiritong mga pugad ng kasamaa�y
Nagbibigay-aliw sa ibong maiitim
Na nagpapasakit sa iyo.
Gaano karami ang mga pugad ng kasamaang
Nabuo na
Sa iyong kalupaan?
Gaano kakapal ang apoy at lasong
Ibinuga ng ibong maiitim?
Gaano karami ang mga kukong
Nanira�t nanibasib
Ng iyong mga anak at yaman?
Iparinig sa amin ang mortar at rocket,
Land mine at panggabing reyd.
Iparinig sa amin ang laksa-laksang tunog ng iyong mga baril.
Iparinig sa amin ang iyong pakikibaka sa paglaya.
Iparinig sa amin ang maiingat na bulong
Sa iyong walang katapusang mga lagusan sa ilalim ng lupa
At ihiyaw sa amin ang pananagumpay
Sa bawat laban sa kapwa natin kaaway.
Hayaang ang mga putakti ng iyong galit
Ay magpamaga sa nakasusuklam niyang mukha.
Hayaan ang mga bundok na balian
Ng leeg ang maiitim na ibon.
Ang kanilang nakaririmarim na bunton ng mga bombang
Sumasabog at lumalason
Ay di makakatupok ni makakagapi ng iyong diwa.
Ang kalikasa�y kaibigan ng lumalabang masa,
Pamunuan ang bawat pulgada nito nang buong husay.
Gawing kalasag bawat halaman, punungkahoy at batuhan,
Bitagin ang kaaway sa sipat ng riple
O sa bitag ng matutulis na kawayang
Ikinukubli ng ilog at damuhan.
Bawat puno ng niyog
Ay maging mahigpit na busog ng palaso.
Ang hangin ng silangan Ang gagapi sa dahas ng kanluran.
|