Konsyerto ng palaka sa saliw ng banda ng insekto
Kaluskos ng usa, alamid at baboy-damo
Huni ng mga ibon at iyak ng mga tsonggo
Himig nga ng kagubatan ito.
Konsyerto ng mga punglo sa saliw ng banda ng granada
Kaluskos na likha ng gerilyang pumaplangka
Huni ng rebolusyon sa buong laranga'y kinakanta
Ito ang maalab na himig ng digma.
Lagaslas ng tubig sa sapa, batis at talon
Pagaspas ng hangin sa mga puno at dahon
Buhos ng ulan, dagundong ng kulog at kidlat sa maghapon
Ito ang himig ng kalikasan sa mabagyong panahon.
Lagaslas ng nag-aalimpuyong galit ng masa
Pagaspas ng nag-aalsang gutom na magsasaka
Buhos ng welga ng inaaping manggagawa
Dumadagundong sa lupain kong hanap ay paglaya.
Ang himig ng kagubatan ay himig ng digmang bayan
Himig din ng digmang bayan ang himig ng kalikasan
At ang himig ng digmang baya'y sonata ng kalayaan
Ang sonata ng kalayaa'y musika ng sangkatauhan.
|