"Ang magbuhos ng dugo para sa bayan
Ay kagitingang hindi malilimutan.
Ang buhay na inialay sa lupang mahal,
Mayaman sa aral at kadakilaan."
--awiting bayan--
--i--
Alex Boncayao: Nang buhay mo'y kitlin,
Bukiri'y nanimdim.
Marso.Abril 1978, Alex.
Naglalaro pa sa aking balintataw
ang matikas mong tindig
ang talim at alingawngaw
ng hamon at hibik.
"Sige. pahirapan n'yo kami,
apihin n'yo kami. sairin
ang aming pagtitiis!
Sige. Darating ang sandali
ng pagkalagot ng aming pagtitimpi.
at sabay-sabay kaming raragasa --
pasulong. pasugod.
daan-daan, libu-libo, milyun-milyon.
At sasagasaan namin kayong lahat!
Sa mga entablado ng kampanyang IBP 'yon, Alex.
Kumandidato ka sa kabila ng kalituhan nating lahat.
Lalahok ba ang bayan o hindi? May kabuluhan pa ba
ang eleksyon sa ilalim ng masangil na diktadura?
Anupa't ang tanong ko ay tanong mo rin,
ang tanong ng bawat isa'y tanong nating lahat.
At palibhasa'y di ang tumpak o taliwas
ang kontekstong tinugpa ng bayang nangahas
kaya't ang "ingay" ng masa'y dumagundong,
umalingawngaw, a-sais ng Abril hanggang
a-siete ng bukang-liwayway.
Yaon ang kauna-unaha't matinding noise barrage
na ikinagimbal ng mga ganid at ungas.
--ii--
Alex Boncayao
Ningas ng mithiin
Ang taglay mong giting.
At nawala na lamang at sukat
si Alex Boncayao.
Dakilang unyonista't lider-manggagawa
labas-masok ng detensyon
pinatalsik sa trabaho,
nagdanas ng lagim at tortyur.
Sahod, itaas! Presyo, ibaba!
At todo-todong ibinaba
ng manedsment at ng estado
ang kanilang pagtingin
sa isang Alex Boncayao
at kauri.
At nawala na lamang at sukat
ang isang nagtatanong, naghahanap.
Tinalikdan ang malalabnaw na sagot
mula sa makikitid na entablado't
mapanglaw na plasa't lansangan ng syudad.
Naglaho kaipala upang sa dako pa roon
ng lunting kanayuna'y muling maaaninag
ang dating tikas ng kaibang Alex Boncayao.
--iii--
Kasamang Alex:
Nang ika'y paslangin,
Kauri'y nasaling.
Wari ba'y wala nang sukat maipintas
sa pulang talulot ng alagang rosas.
Ang pag-aruga mo'y walang dudang katas
ng 'yong adhikaing walang kasing timyas.
Sa pagpanaw mo ay naulila mandin
ang maraming dampa, parang at bukirin.
Mat'wid ang panimdim na dapat halinhan
ng tapang at rubdob sa pakikitalad.
Nanalo ang tulang ito ng Ikatlong Gantimpala sa Gawad Amado,
noong 1987. Ito ay mabunying alay para kay Alex Boncayao.
|