Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Pahayag
TOC Mapulang Pagbati sa Ika-100 Taon ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas!


ANG 100 TAON sa makasaysayang pakikibaka ng uring manggagawa sa mundo ay isang maigsing kabanata lamang kung ikukumpara sa epikong pakikipagbuno ng masang anakpawis laban sa matinding pagsasamantala�t pang-aapi. Pero ang nakaraang 100 taon sa dahon ng kasaysayan ng manggagawang Pilipino ay isang makabuluhang pagsulong, isang kinakailangang pagtugon, para tuparin ang dakilang misyon ng kanyang uri para sa lahat ng pinagsasamantalahan at inaapi.

Ang kilusang paggawa sa Pilipinas ay nakapagbigay ng di-matatawarang ambag sa makauri at makabayang pakikibaka nang iginuhit ang nakaraang 100 taon. Ito'y sa panahong naghihingalo na ang sistemang kapitalista sa yugto ng imperyalismo at sumusulong ang proletaryong rebolusyon sa daigdig kabilang ang mga militanteng pakikibaka at armadong rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya.

Ang imperyalismong US ay madugong nanakop, naghahari at nandarambong sa ating bayan. Naninibasib ito ngayon sa pag-atake sa kilusang paggawa. Katuwang ang lokal na reaksyunaryong estado, paulit-ulit na dinarahas, hinahati at sinusupil ang mga manggagawa. Katoto ang mga dilawan tulad ng mga aristokrata sa TUCP, FFW at mga oportunistang taksil tulad ng nasa BMP-PMP, SKM-SPP, NCL, at Alab-Katipunan, nilalason nila ang isip at pilit inililigaw ang pakikibaka ng mga manggagawa.
Pero patuloy na lumalakas ang ating mga rebolusyonaryong unyon. Ito'y dahil sa wastong proletaryo-rebolusyonaryong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa masikhay na armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan at matatag na pagkakaisa at paglaban ng sambayanan sa pamamagitan ng Pambansang Nagkakaisang Prente ng Pilipinas.

Lumilingon sa nakaraan ang mga manggagawa. Pero, taglay ang mga ginintuang aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, nakatanaw ito nang pasulong sa maningning na hinaharap. Hindi pa tapos ang kasaysayan. Isang bagong kabanata pa nga ang ating isusulat - sa tanglaw ng di-nagmamaliw na liwanag.

Sa ngayon, patuloy na lumalakas at lumalawak ang kilusang manggagawa sa mga pabrika't komunidad, sa mga minaha't plantasyon, sa mga enklabo't export processing zone, sa mga lunsod at nayon. Paparaming aktibista ang nagbubuo ng Pulang Brigadang Manggagawa. Isinusulong ang kilusang unyon, welga at protesta bilang instrumento ng pambansang demokrasya. Daan-daan hanggang libu-libo pa ang tinatanggap at sinasanay ng Partido at Hukbong Bayan mula sa hanay ng manggagawa bilang mga pulang kadre't mandirigma.

Kaisa ang sambayanan, laluna ang nakararaming aping magsasaka, papupulahin ng manggagawang Pilipino ang Silangan nang hindi pa nasasaksihan sa tanang kasaysayan ng mundo. At sa pag-ukit ng bagong kabanata natin sa sosyalismo, tatanghalin nito dili't iba kundi ang dakilang manggagawa't anakpawis na Pilipino kaisa ang nakikibakang mamamayan sa buong mundo!

Mabuhay ang magiting na pakikibaka ng manggagawang Pilipino sa nakaraang 100 taon!

Ipagwagi ang pambansang demokrasya't kalayaan! Sosyalismo'y itatag at isulong!

Ibagsak ang imperyalismo at lahat ng lokal na reaksyon!



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.