Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Artikulo
TOC Mga talumpati sa porum sa Yenan hinggil sa sining at panitikan
5


Ang mga problemang tinatalakay dito ay umiiral sa ating mga sirkulong pampanitikan at pansining sa Yenan. Ano ang ipinakikita nito? Ipinapakita nito na ang mga maling istilo ng paggawa ay patuloy na umiiral sa seryosong antas sa ating mga sirkulong pampanitikan at pansining at may mga kakulangan ang ilan sa ating mga kasama, tulad ng idealismo, dogmatismo, mga hungkag na ilusyon, hungkag na pagsasalita, paghamak sa praktika at paghihiwalay ng sarili sa masa, lahat ng ito ay nagpapakita ng pangangailangan ng isang epektibo at seryosong kampanya ng pagwawasto.

Marami tayong mga kasama na hindi pa rin lubos na nalilinawan sa pagkakaiba ng proletaryado at ng petiburgesya. Maraming kasapi ng Partido na sumapi sa Partido Komunista sa puntong pang-organisasyon ngunit hindi pa sumasapi sa Partido nang buung-buo o sa puntong ideolohikal. Yaong mga hindi pa sumasapi sa Partido sa kontekstong pang-ideolohiya ay marami pang dalang basura-sa-utak ng uring mapagsamantala, at walang ideya anuman kung ano ang ideolohiyang proletaryo, o komunismo o Partido. Maaari nilang isiping "proletaryong ideolohiya?" "Lumang bagay na iyan!". Hindi nila lubos na nababatid na hindi madali ang mag-angkin ng ganitong bagay. Ang ilan ay di kailanman magkakaroon ng pinakakatiting na komunistang sangkap sa kanila hanggat sila ay nabubuhay at sila'y mauuuwi lamang sa paglisan sa Partido. Kung gayon, kahit malinis at tapat ang mayorya sa ating Partido at sa ating hanay; dapat na buong kaseryosohan nating isaayos kapwa ang pang-ideolohiya at pang-organisasyong sangkap na ito kung pauunlarin natin nang mas epektibo ang rebolusyonaryong kilusan at mas mabilis na ipagtatagumpay ito. Ang pagsasaayos sa mga usaping pang-organisasyon ay nangangahulugan muna ng ating pag-aayos sa ideolohiya, ang ating paglulunsad ng pakikibaka ng proletaryong ideolohiya laban sa di proletaryong ideolohiya. Nagaganap na sa mga sirkulong pansining at pampanitikan sa Yenan ang isang pakikibakang pang-ideolohiya, at ito ay kailangang-kailangan. Ang mga intelektwal na nagmula sa petiburgesya ay palagi nang ipinagpipilitan sa iba't ibang paraan, kabilang ang mga pamamaraang pampanitikan at pansining, na patampukin ang kanilang mga sarili at ipalaganap ang kanilang mga pananaw, at nais nilang hubugin ang Partido at daigdig sa kanilang imahen. Sa mga sirkumstansyang ito, may tungkulin tayo na yanigin ang mga "kasamang" ito at mariing sabihin sa kanila, "Hindi iyan uubra! Hindi kayo mapagbibigyan ng proletaryado; ang pagsuko sa inyo ay pagsuko na rin sa uring malaking panginoong maylupa at malaking burgesya at paglagay sa peligro ng pagguho ng ating Partido at ating bansa." Kung gayon, kanino tayo dapat sumunod? Maaari lamang nating hubugin ang ating Partido at mundo sa imahen ng talibang proletaryado. Inaasahan naming ang ating mga kasama sa mga sirkulong pampanitikan at pansining ay mauunawaan ang kabigatan ng dakilang debateng ito at aktibong lalahok dito, upang ang bawat kasama ay maging mahusay at upang ang ating hanay ay tunay na nagkakaisa at konsolidado sa ideolohiya at sa organisasyon.

Dahil sa kalituhan ng pag-iisip, marami sa ating mga kasama ay hindi pa nakikita ang tunay na pagkakaiba ng ating mga rebolusyonaryong baseng erya at ng mga erya ng Koumintang at dahil dito sila ay nagkakamali. Marami din sa mga kasama ang nagmula sa mga sulok ng Shanghai, at mula sa mga sulok na iyon patungo sa rebolusyonaryong baseng erya, sila ay hindi lamang lumipat mula sa isang klase ng lugar tungo sa isa pa, kundi mula sa isang istorikal na yugto tungo sa isa pa. Ang isang lipunan ay malapyudal, malakolonyal, sa ilalim ng pamumuno ng malalaking panginoong maylupa at malaking burgesya, habang ang isa ay rebolusyonaryong bagong-demokratikong lipunan sa ilalim ng proletaryong pamumuno. Ang pagtungo sa mga rebolusyonaryong base ay nangangahulugan ng pagpasok sa isang yugtong walang kaparis sa libong-taong kasaysayang Tsino, isang yugto kung saan ang masa ng sambayanan ang may hawak ng estado poder. Dito, ang mamamayan sa paligid natin at ang awdyens ng ating propaganda ay ibang-iba. Ang nakaraang yugto ay tapos na, hindi na ito magbabalik. Kung gayon, dapat tayong lumubog sa mga bagong masa nang walang pag-aalinlangan. Kung sa pakikipamuhay sa mga bagong masa, ang ilang kasama, tulad nang nauna kong sinabi, "ay nagkukulang sa kaalaman at pag-unawa" at nananatiling "mga bayani na walang lugar para mapagtanghalan ng kanilang gilas", tiyak na haharap sila sa mga suliranin, at hindi lamang kung sila ay pumupunta sa mga komunidad; dito mismo sa Yenan ay makakaharap nila ang mga suliranin. Iisipin ng ibang kasama, "mabuti pang ipagpatuloy ko ang aking pagsusulat sa Dakilang Eryang Likuran; ito ay trabahong alam na alam ko at may 'pambansang kahalagahan'".[11] Ang ideyang ito ay maling-mali. Nagbabago na rin ang Dakilang Eryang Likuran. Inaasahan ng mga mambabasa doon sa mga awtor ng mga rebolusyonaryong baseng erya ang magsalaysay tungkol sa mga bagong mamamayan at bagong daigdig at hindi ang yamutin sila ng mga lumang kwento. Sa gayon, habang ang isang akda ay isinusulat para sa masa lalo itong nagkakaroon ng pambansang kahalagahan. Ikinuwento lamang ni Fadeyev sa "The Debacle"[12] ang tungkol sa isang maliit na yunit gerilya at wala siyang intensyon na kilitiin ang panlasa ng mga mambabasa sa lumang daigdig; ngunit ang librong iyon ay nagkaroon ng pandaigdigang impluwensya. Anu't anuman, napakalaki ng impluwensya nito sa Tsina, na alam nyo na. Pasulong ang Tsina, hindi paatras, at ang mga rebolusyonaryong baseng erya, hindi ang mga atrasadong lugar, ang nagpapasulong sa Tsina. Ito ay isang pundamental na isyu na higit sa lahat, ay dapat masapol ng mga kasama sa kilusang pagwawasto. Dahil mahalaga ang integrasyon sa bagong kapanahunan ng masa, kailangang ganap na lutasin ang problema sa relasyon ng indibidwal at ng masa. Dapat nating gawing moto ang kopla na ito mula sa tula ni Lu Hsun:

"Kunot noo, mahinahon kong hinarap ang sanlibong nandudurong daliri; Nakayuko, tulad ng isang masunuring baka, paglilingkuran ko ang mga bata."[13]

Ang "sanlibong nandudurong daliri" ay ang ating kaaway, at hindi tayo kailanman susuko sa kanila, gaano man sila kabangis. Ang mga "bata" rito ay sumisimbulo sa proletaryado at masa. Lahat ng Komunista, lahat ng mga rebolusyonaryo, lahat ng mga rebolusyonaryong manggagawa ng sining at panitikan ay dapat matuto sa halimbawa ni Lu Hsun at maging "masunuring baka" para sa proletaryado at masa, bumabalikat ng gawain hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ang mga intelektwal na nais lumubog sa masa, na nais maglingkod sa masa, ay dapat sumailalim sa proseso kung saan sila at ang masa ay malalim na magkakakilanlan. Ang prosesong ito ay maaari at sadyang may kaakibat na pagpapakasakit at tunggalian, ngunit kung ikaw ay may determinasyon, maaari mong matugunan ang mga rekisitong ito.

Ngayon ay tinalakay ko lamang ang ilan sa mga problema tungkol sa pundamental na oryentasyon ng ating kilusan sa sining at panitikan; marami pang partikular na problema na nananatili at mangangailangan ng karagdagang pag-aaral. Ako ay may kumpyansa na determinado ang mga kasama na tahakin ang direksyong tinakda. Naniniwala akong sa takbo ng kilusang pagwawasto at sa mahabang panahon ng pag-aaral at pagkilos sa hinaharap, tiyak na magagawa ninyo ang pagbabago ng inyong mga sarili at mga gawain, upang likhain ang maraming mahuhusay na obra na mainit na tatanggapin ng masa ng sambayanan, at maisulong ang kilusan sa sining at panitikan sa mga rebolusyonaryong baseng erya at sa buong Tsina tungo sa isang bago at maningning na yugto.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.