Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2000
Sanaysay
TOC Awit at Sayaw sa Magdamag
Pagkat dakila ang araw ng pagkakatatag


Ngayong hapon, masigla't masaya ang lahat sa Pulang kampo. Punung-puno ang iskulhaws na itinayo para sa isang kursong matagumpay na nailunsad noon lamang isang linggo. Alas 2:30 na, at ang programa para sa isang espesyal na okasyon ay malapit nang mag-umpisa. Maraming inihandang bilang ang iba't ibang grupo at yunit. Galak itong inaantabayanan ng nakikipagdiwang na parag-uma (magsasaka). Para tanggalin ang inip, kinukutingting ng kung ilang paslit ang tambol, pompiyang, at beys na matiyagang inasembol ng bandang Makabugwas (bituin sa umaga) mula sa mga galunang plastik, lata, at lubid. Tinotono naman ng isang myembro ng banda ang beterano n'yang gitara, habang ang isa pa ay tila di magkanda-ugaga sa pag-aayos sa listahan ng mga itatanghal. Sa haba ng listahang ito - at sa "kagutuman," ika nga, ng mga kasama at masa sa mga pangkulturang pagtatanghal - mukhang aabutin ng takipsilim ang ika-31 anibersaryo ng dakilang Bagong Hukbong Bayan.

Si Bay (Kasamang) Mentor, balbasin at ngayo'y lalu pang pinakisig ng berde n'yang bota, ang s'yang tagapagpadaloy ng programa. Bilang panimula, tinawag niya ang lahat na magsitayo para sa Internasyunal. Kabisado ng karamihan ang bersyong Waray ng himnong ito ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo na inianak sa makasaysayang Komuna ng Paris noong 1871. At ngayon, sa marahang pagtatagpo ng matitinis at malalalim na boses ng mga kadre, Pulang mandirigma, masang aktibista at parag-uma, may kakaibang alab sa pagpapanagpo - sa Pulang sulok na ito ng Silangang Kabisayaan - ang kadakilaan ng Rebolusyong Pilipino at ng kasaysayan ng proletaryong misyong baguhin ang buong mundo.

Matapos ang pambungad na awit, babasahin ni Bay Mentor ang isang pyesang mimoryal na alay sa mga bagong martir ng rehiyon. Habang iniisa-isa ni Bay Mentor ang pangalan, palayaw at huwarang alaala ng mga kasamang sariwa pa ang ibinuwis na dugo alang-alang sa bayan, nasa paanan niya si Bay Juan - nakalugmok sa kandungan ng labing-isang taong gulang n'yang anak na si Lisa. Animo'y estatwa ng tiyak na kabiguan ang mag-ama.

Sa paligid, gumigilid ang luha sa taimtim na mga mukha ng kung ilan; mas malalim ang paghinga ng mga naroroong nakilala at naging malapit sa mga kasamang pinaparangalan. Subalit sa pagtatapos ng pyesa, sa puntong inililinaw na ni Bay Mentor ang pangangailangang gawing dumadaluyong na agos ng rebolusyon ang luha ng pagdadalamhati, tatayo si Lisa - na ngayo'y sasamahan na ng kanyang inang si Bay Maria - at itataas ang kaliwang kamao. Animo'y estatwa ng tiyak na tagumpay ang mag-ina.

Hindi lamang ito ang bilang na may tema ng pag-aalay ng buhay sa gitna ng papatinding pasismo ng reaksyunaryo't tutang estado. Ang Patay na an Akon Kasama (Patay na ang Aking Kasama), isang mabagal na awit tungkol sa katapatan ng isang kadreng pinaslang ng pasistang militar, ay sasabayan ng interpretasyon o galaw ng isang yunit gerilya. Sa saliw ng kantang Banawag han Kandila (Tanglaw ng Kandila), isang pakilat o dulang-iglap ang itatanghal ng mga kasama mula sa RGU (rehiyunal na yunit gerilya).

Samantala, inihahanda naman ni Bay Manuel, ang matipunong lider ng Makabugwas (dati siyang gitarista at dramer ng isang kombong burges noong kabataan niya), ang bilang ng kanyang banda at koro: ang OPMAK, isang bagung-bago at mabilis na kanta (kaya't tamang-tama ang paluan sa lata at galunang plastik) na tumatalakay sa bersyon ng rehimeng US-Estrada sa pasistang militarisasyon sa kanayunan na kung tawagin ngayon ay Oplan Makabayan.

Tungkol naman sa pagpupugay sa kagitingan ng mga kadre sa iba't ibang gawain ang interpretasyon ng isang yunit gerilya sa awiting Komo Kadre han Partido (Dahil Kadre ng Partido).

Hindi lahat ng kadreng naroroon sa kampo ay mapapanood ang bilang na ito. Ang ilan ay wala pa nga mismo sa iskulhaws dahil kasalukuyan pang nagpupulong sa di kalayuang kubo at tinitiyak ang ilang detalye kaugnay ng seguridad ng kampo. May mga di na nga rin yata makakapunta sa iskulhaws dahil marami pang lulutuin sa kusina; di biro ang maghanda para sa mahigit isang daang tao. Sina Bay Sergio ang natalagang timlider ng magigiting na kadre ng "Sandatahang Yunit Pangkusina!" Ang iba ay paparating pa lamang, kasama ang mga parag-umang bagong-gradweyt sa isang kursong pangmasa. Si Bay Enteng naman ay ngayon pa lamang nag-eensayo sa paligid-ligid dahil kinailangan pa muna niyang i-akyupangtyur ang isang kasamang ina-altapresyon. Komo kadre ng Partido, lahat ng ito ay kaya nilang gampanan.

Ang susunod na bilang ay isang sayaw mula sa yunit "Lente" sa saliw ng martsang Masa, Masa an Bayani. Mga kabataang babae ang yunit "Lente." Nangingimi pa ang ilan na buong-bwelong sabayan ang sayaw na itinuro sa kanila ng mga kasama. Samantala, ang isa nama'y pilit na di nagpapaapekto sa pangungulit at pagpapatawa ng isang binatilyong nanonood. Pero dahil bayani ang masa, tuloy ang sayaw at martsa; tuloy ang pakikibaka ng kabataan para sa pambansang demokrasya.

Kung tutuusi'y maituturing na nakaligtas na ang mga kabataang ito sa isang katotohanang tila kay hirap iwasan. Ang rehiyon kasi ang may pinakamataas na tantos ng mortalidad ng mga sanggol. Sa bawat 100 ipinapanganak, pito hanggang walo ang di na umaabot sa una nilang taon. Di pa dito kasama ang namamatay sanhi ng mga epidemya. Ang rehiyon din ang may pinakamataas na tantos ng malnutrisyon ng kabataan (60 hanggang 70 porsyento). Alam ng mga sumasayaw na kabataang ito ang ganitong istatistiks
at ang mga batayang panlipunang kadahilan nito. Kaya nga sila naririto, kasama ng kanilang mga kadre at Pulang mandirigmang magulang. Sa mga susunod pang araw, hindi lang ang sayaw at martsang ito - o maging ang pagbasa, pagsulat at pagkwenta (bulaan ang datos ng gubyerno na 90% ang tantos ng literasiya sa rehiyon) - ang ituturo sa kanila ng mga kasama.

Tatlong magkakasunod na bilang ang handog ng mga kasamang kababaihan: ang interpretasyon ni Bay Arya sa Awit ng Isang Ina, ang pakilat tungkol sa pang-aapi sa kababaihan, at ang parehong maaliwalas at militanteng pag-koro sa awiting Babae. Samantala, may maikling pahayag si Bay Malaya mula sa MAKIBAKA (Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan). Tinalakay nito ang kasalukuyang pyudal at burgis na pagsasamantala sa masang kababaihan at ang katapat nitong pwersa ng mga nakikidigmang rebolusyonaryong kababaihan na isinasanib ang kilusang pagpapalaya sa kasarian sa mas malawak na pakikibaka ng aping sambayanan.

Sadyang di biro ang pinapasang kahirapan, pang-aapi at panganib ng masang kababaihan sa isang lipunang malapyudal at malakolonyal. Isa ang rehiyon, halimbawa, sa may pinakamataas na tantos ng mga inang namamatay sa panganganak sanhi ng kakulangan sa nutrisyon at medisina. Marami ring kababaihan sa rehiyon ang napipilitang dumayo sa mga lungsod ng iba pang probinsya para mamasukang katulong. Mas masaklap pa, ang iba ay di maiwasang magbenta ng katawan. At bagamat sa kalakhan ay pantay ang kanilang lugar at partisipasyon sa digmang bayan, may ilan pa ring binabakang pyudal na pagtingin sa kababaihan sa loob mismo ng kilusan. Sa rehiyon, may panawagan ngayong harapin ang tendensya na malimita hanggang tuluyang manlamig sa pagkilos ang mga pultaym na kasamang kababaihan sa sandaling sila'y makapag-asawa at magkaroon ng mga anak.

Matapos ang masigabong palakpakan para sa kababaihan (sino nga bang di papalakpak nang masigabo sa kanyang gerilyang ina, anak, asawa o karelasyon?), isang pakilat namang pinamagatang Inay, Itay Ako Mabaya (Inay, Itay Ako'y Lilisan Na) ang alay ng isang yunit gerilya. Tampok sa maikling dulang ito ang isang tagpong karaniwan nang nangyayari sa kabahayan ng mga parag-uma: ang pamamaalam ng isang anak sa kanyang mga magulang para magpultaym sa Hukbo.

Sabihin pang katumbas nito ang dalamhati ng pagkakalayo, karaniwan ding buong-pusong sinasalubong - buong-galak na niyayakap - ng mga magulang na ito ang dakilang kahandaan ng kanilang anak na harapin ang buhay ng isang Pulang mandirigma. Sapagkat gagap nila na ang laban ng kanilang anak ay sa kanila rin; na ang kanilang anak ay sa sambayanan din. Sapagkat sa ganitong paglisan, umaasa sila na mawawakasan ang lahat ng iba pa - sa buong Pilipinas, ang Silangang Kabisayaan ang may pinakamalaking bilang ng mga lumilikas palabas ng rehiyon. Mula 1975 hanggang 1980, umabot na ang bilang na ito ng 106,390. Noong 1991, humigit-kumulang sa anim na porsyento ng populasyon ng Samar at Leyte ang nangibang-probinsya o tumungo sa Maynila at iba pang syudad. Lumalabas na sa bawat 100 mamamayan ng rehiyon, lima hanggang anim ang lumilikas kada taon. Karaniwang mula 15 hanggang 35 anyos (ang pinakaproduktibong mga edad) ang mga lumilikas na ito dala ng matinding kahirapan at pasistang karahasan. Umaabot na sa walong porsyento ang walang trabaho sa rehiyon. Ito ang pinakamataas na tantos ng disempleyo sa Visayas at ikalawa sa buong bansa.

Ang mga susunod na pagtatanghal ay tungkol sa iba't ibang gawain ng Bagong Hukbong Bayan. Alay ni Bay Alexis ang tulang Kami ang Gerilya habang isang sayaw naman sa awiting Ang Bahuba Nagmamartsa at interpretasyon sa awiting Pamprente nga Gerilya (Gerilyang Panlarangan) ang handog ng dalawa pang grupo mula sa RGU.

Dalawang maikling dula na kapwa produkto ng palihan sa teatro na pinangasiwaan ng mga kasama sa ARMAS ang huling bilang sa programa.

Ang una ay ang Tres-Otso. Tableau o pormang monumento ang gamit ng unang grupo. Isang malaking komposisyong estatwa ang isa-isang mabubuhay habang binabaybay ang mga alintuntunin at puntong pandisiplina ng Hukbo. Mabilis ang salimbayan ng galaw at awit; eksakto sa ritmo ang pasok ng bawat linya. May mga pagkakataon ding kasama mismo ang mga manonood sa kanilang pagtatanghal. Ilang oras lang inensayo ang maikling dulang ito pero dahil maging sa pagtatanghal ay disiplinado ang Hukbo - at syempre pa, dahil nga tungkol na rin sa disiplina ng Hukbo ang tema ng itatanghal - animo'y kung ilang araw itong pinaghandaan ng mga kasama.

Ang ikalawang maikling dula ay walang pamagat. Ganunpaman, marahil ito na ang s'yang nakapagbigay ng pinaka-masaklaw na pagtatampok sa gawain ng Hukbo. Sa pinagtagpi-tagping tagpo sa pang-araw-araw na buhay ng BHB, matapat na ipinapakita ang samu't saring damdamin ng masa at mga rebolusyonaryong pwersa sa gitna ng armadong pakikibaka. Mula sa kagalakan ng masa sa pagtanggap sa mga kasama sa kanilang umahan (taniman) hanggang sa determinasyon ng mga organisasyon sa baryo na militanteng harapin ang mga agarong may tuna (panginoong may lupa), malinaw ang direksyong binabagtas ng rebolusyong agraryo.

Sa mga nagdaang taon, marami na ang mga matagumpay na pakikibakang antipyudal ang masang magsasaka sa gabay ng rebolusyonaryong pwersa. Sa Hilagang Leyte, kung saan relatibong higit na malala ang direktang pagpapahirap ng mga malalaking agarong may tuna sa mga asyenda ng tubo at rantsohan, ay doon din sunud-sunod na inilunsad nito lamang nakaraang taon ang iba't ibang kampanyang masa. Mula
sa pagpapataas ng sahod at pagpapababa ng renta sa lupa hanggang sa pakikibakang kontra-pastulan at pagpuposisyon sa mga lupang inabanduna o rematado na ng bangko. May ilang pagkakataon ding kinukumpiska ng mga kasama ang ilang kagamitan sa ilegal na pagtotroso.

Sa Samar, inilunsad ang kampanya laban sa pagpapalikas sa mga parag-uma bunsod ng mga kontra-magsasakang proyekto ng gubyerno na nagpapapasok sa mga monopolyo kapitalista para magtayo ng negosyong komersyal at pangturismo. Ang pakikibakang ito ay nagresulta sa pag-atras ng gubyerno sa nasabing mga proyekto sa 28 baryo. Sa sentral na prente ng Samar naman, matagumpay na ikinasa ang malawakang pakikibaka sa pagpapataas ng presyo ng palay at mais.

Malinaw ding naipakita sa walang pamagat na dulang ito ang kasalukuyang pagsisinsin ng Hukbo sa gawaing militar. Tampok dito ang eksena ng isang operasyong tambang. Kung paanong ginamit ng mga nagtatanghal ang kanilang maliliksing katawan para makabuo ng isang six-by ng kaaway ay sadyang nakakamangha (at nakakataba ng puso para sa mga kasama sa ARMAS na s'yang nangasiwa sa palihan sa teatro). Nakakaaliw din ang kanilang paglalaro sa kanilang mga boses para makalikha ng kapani-paniwalang tunog ng mga pagsabog ng granada at putukan ng armalayt. At sa kaliwa't kanan ng tanghalan naroroon ang salitan ng mga Pulang mandirigma sa pagpapakita ng kanilang gilas sa front roll at tiger jump.

Nagsisilbing panawagan ang eksenang ito sa mga yunit ng Hukbo sa rehiyon para pataasin ang kakayahan sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Isang paraan sa ganitong tunguhin ang malawakang pulitiko-militar na pag-aaral at pagsasanay. Ang mga taktikal na opensibang nabigo nitong nakaraang mga taon sa rehiyon ay maiuugnay sa mga problema sa pagpapalalim sa imbestigasyon sa target, at sa ilang kahinaan sa pagpaplano at pleksibilidad sa pagtupad sa mga plano. May ilang pagkakataon ding naging pangunahing salik ang paggamit ng mga depektibong armas at bala. At habang tinutugunan ang ganitong mga problema at kahinaan, nakikitang higit na magiging wasto ang pagtutok sa mga aksyong maliliit pero may seguradong target. Idagdag pa, kailangang tiyakin ang mahigpit na ugnayan sa masa sapagkat kadalasan, ang masa ang siyang nagsisilbing mata at tainga sa panahon ng paghahanda para sa mga aksyong militar; ang masa rin sa maraming pagkakataon ang sumasalo sa mga kasama sa panahon ng atrasan.

Ang mga puntong nabanggit ay palalawigin pa ni Bay Manuel sa isang talumpati na siya na ring magsasara sa programa. Malapit na ang 6:00 ng gabi. Isa-isa nang lumalabas ang mga kasama at parag-uma mula sa iskulhaws patungong kusina. Hinihintay na sila doon ng hapunang inihanda nina Bay Sergio.

Pagkatapos ng hapunan ay magbabalik ang lahat sa iskulhaws. May mahigit limang sanggol ng mga kasama ang nakahanay para sa rebolusyonaryong binyag. At muli, susundan ang binyagan ng isa na namang serye ng mga pangkulturang pagtatanghal. Nakahanda na rin ang karamihan, kasama syempre pa ang Banda Makabugwas, para sa magdamagang kuratsa - Pulang kuratsa! #



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.