Nagmamaktol ang mikrobyong
Preso sa dram at semento
Ipinagbubuntis ng Clark at Subic
Dating base militar ng Amerika sa Pilipinas.
Ang mga naunang ipinanganak
Ay kumitil nang walang habag
Sa hindi pa naisisilang,
Pinuno ang utak ng karamdaman
At pinagyabong ang kanser
Sa punlaang katawan ng mamamayan
Ng Angeles, Mabalacat, Olongapo,
At iba pang karatig bayan.
Nagkikibit-balikat ang kriminal
Hindi tumatanggi, hindi rin umaamin
Sa krimen sa sangkatauhan.
Habang patuloy na naglalakbay
Ang salot sa mga ugat ng lupa
Ay malayang hinahakot ng kawatan
Ang yaman ng bansang ninakawan;
Sa kabila nito, patuloy siyang sinasamba
Sa mga pahayagan, telebisyon, radyo,
Maging sa Unibersidad at Pamantasan;
Iniidolo ng mangangalakal sa Makati at Ortigas
Ang tikas ng kanyang negosyong monopolyo.
Nilalangaw ang bunganga ng taumbayan
Nagpuputik ang kamay at talampakan
Sa paghahanap ng mumong lunas
Sa kumikirot na sikmura at kalamnan,
Ang katawan ay nginig sa pagpapasan
Ng kitang hindi sapat sa pangangailangan.
Napakahapdi ng realidad ng lipunan
Ang timawang tagaktak pawis
Ay walang laman ang tiyan,
Kinakain pa ang laman ng salot
Karamdamang unti-unting isinisilang
Ng mga base militar ng dayuhan;
Habang ang berdugo ay malayang
Nakapaglalaro ng digmaan.
|