Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Sanaysay
TOC Ang Ngiti ni Nay Ida


"Tuloy, tuloy kayo mga kasama!" Isang kilalang-kilala at malambing na boses ang sumalubong sa aming tim, habang hinuhubad ko ang aking bota sa may hagdanan ng bahay.

Nagdaop ang aming palad at ngiti ni Nay Ida. Sabik na sabik na ako sa kanya.

Sa totoo lang, pinananabikan ko ang mga panunukso, kasiyahan at biro ni Nay Ida, na karaniwan na niyang ginagawa habang humihithit ng tresbe (tabakong hinihiwa at binibilot para gawing sigarilyo). Pero higit kong kinasasabikan ang mainit na tsokolate na lagi niyang inaalok sa amin tuwing kami'y magkikita.

Kung hindi ako nagkakamali, halos 50 taong gulang pa lamang si Nay Ida. Pero mas matanda siyang tingnan kaysa sa kanyang edad. Pinatanda si Nay Ida ng hirap ng kanyang kinagisnang buhay. Kinalakhan na niya ang pag-araro ng bukirin, o kaya nama'y paggapas at pagtatanim sa malalaking asyenda ng panginoong maylupa para lamang mabuhay.

Panahon pa ng dekada '70 unang naugnayan at namulat si Nay Ida at ang kanyang asawa na kamamatay pa lamang dahil sa sakit na TB. Pinaliwanagan at inorganisa sila ng mga kasama. Sa totoo lang, maraming kwento tungkol sa nakaraan si Nanay Ida, na magiliw niyang isinasalaysay kapag meron siyang nakikitang bagay o mukha na nagpapaalala nito sa kanya.

Katulad na lang nitong hagdanan. Ayon sa kanya, ginawa ito ng isang kasama, matapos na may madisgrasya at mahulog dito. Nakalimutan yata ng isang kasama na di pa pala tapos gawin ang kanilang hagdanan kaya hindi nag-ingat sa pagbaba. Kaya ayun, biglang lumusot sa siwang ng hagdan at nalaglag sa lupa. Bagamat nakakaawa ang kasama, hindi namin mapigilang humagalpak sa tawa sa tuwing ikinukwento niya ito!

Isinalaysay niya rin sa amin kung paanong walang-takot na hinarap nilang mga sakada ang isang panginoong maylupa para ipaglaban ang pagpapataas ng kanilang sahod. Dahil sa kanilang sama-samang pagkilos, naitaas nila sa P60-80 ang kanilang arawang sahod mula sa P40-50, noong unang bahagi ng dekada '80.

Matibay at aktibo ang organisasyong masa nina Nay Ida, partikular sa hanay ng kababaihan. Ang sabi nga ni Nay Ida, "Nagbago ang aking pagtingin sa mga bagay-bagay pagkaraang maorganisa ako." Sa kanilang mga pag-aaral, nailinaw sa kanya na ang tanging kasagutan sa kanilang mga problema bilang mga magsasaka ay ang pakikibaka laban sa mga kaaway sa uri, sa pamamagitan ng digmang bayan.

Responsableng aktibistang masa rin ang dalawang anak na lalaki ni Nay Ida. Mga kasapi ng samahan ng mga kabataan, at di nagtagal ay sumapi na sa BHB.

Bilang ina, natural lang na mag-alala si Nay Ida, pero nirespeto niya ang desisyon ng kanyang mga anak na ilaan ang buong panahon at buhay nila sa paglilingkod sa masa at rebolusyon.

Sa panahon ng lihis, namatay at naging bayani ang kanyang mga anak sa magkaibang labanan. Pero hindi ito nakapanghina kay Nay Ida. Sa halip, lalong tumindi ang kanyang tapang para labanan ang mga berdugong militar at ang mapang-aping amo nito.

Hanggang sa yugto ngayon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, hindi naglaho ang suporta at pag-aaruga ni Nay Ida sa kilusan at sa mga kasama. Higit pa, nakita niyang mas disiplinado ang Pulang Hukbo ngayon kumpara noong panahon ng disoryentasyon.

Mas humigpit ang kanyang kapit sa prinsipyo at tumaas ang kanyang tiwala't respeto sa pulang hukbo.

Anim na buwan na ang nakakaraan noong una kaming magkita ni Nay Ida. At sa unang pagkikita naming iyon, meron kaming di makakalimutang pangyayari. Panahon iyon ng aming Padepa (Pambansa Demokratikong Paaralan), at sa aming paglalakad patungo sa pagdarausan ng pag-aaral, dumaan kami sa isang ilog na malakas ang agos at madulas ang mga bato. Hinubad ni Nay Ida ang kanyang tsinelas dahil natakot siyang maanod ito. Sa kasamaang-palad, natangay ng agos ang kanyang tsinelas habang hinuhubad niya ito. Nabigla kaming lahat at napatingin sa tsinelas na mabilis na tinangay ng agos.

Naisip naming wala nang pag-asang makuha pa itong muli. Pero pinilit kong habulin ang tsinelas. Nakita ko kasing mababaw lang ang sapa, at kaya kong sundan ang lakas ng agos nito. At nahuli ko rin ang tsinelas ni Nanay Ida.

Pagdating namin sa kampo, tinuruan agad ako ni Nay Ida kung paano manabako ng tresbe. Marahil, ito ang kanyang naging paraan upang ipakita ang kanyang pasasalamat sa ginawa kong paghabol sa kanyang kaisa-isang pares ng tsinelas.

Pero hindi lang 'yon. Ipinagmalaki din ni Nay Ida na, "Sa hukbo ng sambayanan ko lamang inaalok ang pinakamaganda kong banig, pinakamasayang kwento at biro, kasama na ang pinakamasarap kong mainit na sikwate (tsokolate)!"

Umaagos na tulad ng tubig sa sapa ang pag-aaruga at pagmamahal sa amin ni Nay Ida. Nararamdaman ko ang init ng kanyang pagmamahal, tulad ng init na ibinibigay ng aking duyan 'pag ako'y hapung-hapo sa maghapong paglalakad.

Dala ko lagi ang dalisay at tamis ng mga karanasan at alaalang itinanim ni Nay Ida sa aking puso at isip. Dala-dala ko ito saan man ako pumunta, sa mga gawaing mabibigat at puno ng sakripisyo, at marahil, hanggang sa kamatayan.

Sa susunod na araw nga pala, pupunta na ulit kami sa eryang rekoberi. Mahirap na gawain ito. Pero sigurado akong mainit kaming tatanggapin ng masa, tulad ng pagtanggap at pagmamahal ni Nay Ida.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.