Sa muli kong pag-alis
Hindi ko kakalimutang iligpit
Ang mga itinabi mong gamit,
sipilyo
tuwalya
tsinelas
at ilang damit,
Na inyong ipinalit.
Mag-iiwan ako ng bakas,
Hindi putik sa sapatos
Mula sa babalikang larangan,
Kundi masasayang alaalang
Nakaukit sa puso
At munting katahimikan
Sa gitna ng ligalig.
Marahan kong bubuksan ang pinto
Upang huwag lumagitik.
Sa gayo'y di kayo magigising,
At di liliparin palabas
Ang huling sulyap ng gerilyang dumalaw.
Mamamaalam ako sa gitna
Ng inyong pagkaidlip.
P.S. Mahal na mahal kita, Inay
Kahit na hindi ko alam
Kung kailan tayo muling magkikita.
|