Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Artikulo
TOC Mga talumpati sa porum sa Yenan hinggil sa sining at panitikan
4


Isa sa mga prinsipal na pamamaraaan ng pakikibaka sa daigdig ng sining at panitikan ay ang kritisismong pansining at pampanitikan. Ito ay dapat paunlarin at, tulad ng wastong tinutukoy ng mga kasama, hindi nakasasapat ang ating nakaraang gawain sa bahaging ito. Ang kritisismong pansining at pampanitikan ay isang kumplikadong usapin na nangangailangan ng masusing pag-aaral. Dito ay magtutuon lang ako sa batayang suliranin ng pamantayan sa kritisismo. Magkukomentaryo rin ako sa ilang partikular na problemang ini-angat ng ilang kasama at sa ilang maling pananaw.

May dalawang pamantayan ng kritisismong pampanitikan at pansining: ang pulitikal at ang artistiko. Batay sa pamantayang pulitikal, lahat ay mabuti hanggat ito ay kapaki-pakinabang sa pagkakaisa at paglaban sa Hapon, na humihikayat sa masa na maging iisa sa puso at isip, na tumututol sa pag-urong at nagtataguyod sa pag-unlad; sa kabilang banda, lahat ay masama kapag ito ay nakapipinsala sa pagkakaisa at pakikibaka laban sa Hapon, naghahasik ng pagtatalo at pagkakawatak-watak ng masa at tumututol sa pag-unlad at kinakaladkad paatras ang masa. Paano natin matutukoy ang mabuti sa masama? - sa motibo (suhetibong intensyon) o sa epekto (praktikang panlipunan)? Ang mga idealista ay nagdidiin sa motibo at isinasantabi ang epekto, habang ang mga mekanikal na materyalista naman< ay nagdidiin sa epekto at isinasantabi ang motibo. Kaiba sa dalawang nabanggit, tayong mga diyalektikong materyalista ay naggigiit sa pagkakaisa ng motibo at epekto. Ang motibo ng paglilingkod sa masa ay di mahihiwalay sa hangad nating makabig ang pagsang-ayon ng masa; ang dalawa ay dapat na magkaugnay. Ang motibong paglilingkod sa indibidwal o maliit na grupo ay hindi mabuti; gayundin di pakikinabangan ang motibo ng paglilingkod sa masa kung walang pagsang-ayon nila at wala itong naitutulong sa kanila. Sa pagsusuri ng suhetibong intensyon ng manunulat o artista, ito ay kung ang motibo niya ay wasto at mabuti, hindi tayo naghuhusga batay sa kanyang pahayag kundi sa epekto ng kanyang mga aksyon (pangunahin sa kanyang mga likha) sa masa sa lipunan. Ang pamantayan sa paghusga ng suhetibong intensyon o motibo ay praktikang panlipunan at ang epekto nito. Hindi natin gusto ang sektaryanismo sa kritisismong pansining at pampanitikan, at alinsunod sa pangkalahatang prinsipyo ng pagkakaisa para labanan ang Hapon, dapat nating payagan ang mga likhang-sining at akdang pampanitikan na may iba't ibang pampulitikang aktitud. Ngunit kaalinsabay nito, sa ating kritisismo ay kailangan ang matatag na pagtangan sa prinsipyo, mahigpit na pagpuna at pagbabasura sa mga likhang-sining at akdang pampanitikan na naghahapag ng mga pananaw na tumutunggali sa bansa, sa syensya, sa masa at sa Partido Komunista, sapagkat ang mga likhang ito ay nagmumula sa motibo at nagbubunga ng epektong sumisira sa pagkakaisa para labanan ang Hapon. Batay sa pamantayang artistiko, lahat ng produktong may mataas na kalidad pansining ay mainam o relatibong mainam, habang ang mga likhang mas mababa ang artistikong kalidad ay masama o relatibong masama. Dito rin syempre, kailangang isaalang-alang ang panlipunang epekto. Halos walang manunulat o artista na hindi itinuturing na maganda ang kanyang likha, at ang ating kritisismo ay dapat na nagpapahintulot ng malayang kumpetisyon ng iba't ibang likhang-sining; subalit mahalagang-mahalaga din na isalang sa wastong kritisismo ang mga likhang ito batay sa pamantayan ng syensya ng estetika, para ang sining na nasa mababang antas ay gradwal na maiaangat sa mas mataas na antas at ang sining na hindi tumutugon sa pangangailangan ng pakikibaka ng malawak na masa ay maitransporma at maging gayong klase ng sining.

Nariyan ang pampulitikang pamantayan at nariyan ang artistikong pamantayan; ano ang relasyon ng dalawa? Ang pulitika ay hindi maaaring itumbas sa sining; gayundin, hindi maaaring itumbas ang pandaigdigang pananaw sa isang pamamaraan ng artistikong paglikha at kritisismo. Tayo ay tumatanggi hindi lamang sa abstrakto at absolutong di-nagbabagong pampulitikang pamantayan, gayundin sa abstrakto, at absolutong di-nagbabagong artistikong pamantayan; bawat uri sa bawat makauring lipunan ay may sariling pamantayang pampulitika at artistiko. Ngunit lahat ng uri sa lahat ng makauring lipunan ay laging inuuna ang pampulitikang pamantayan una sa lahat at kasunod ang artistikong pamantayan. Lagi nang ibinabasura ng burgesya ang proletaryong panitikan at sining, gaano man kahusay ang meritong artistiko nito. Gayundin dapat matutong pumili ang proletaryado sa nakaraang likhang-sining at tukuyin ang aktitud ng mga ito matapos lamang masuri ang aktitud ng mga ito sa mamamayan at kung meron itong progresibo at makasaysayang kabuluhan. May mga likhang sa pulitika na lubos na reaksyunaryo ngunit may artistikong kalidad. Ang mga likhang mas reaksyunaryo ang nilalaman at mas mataas ang artistikong kalidad ay higit na nakalalason sa mamamayan, at mas kailangan na ibasura. Ang karaniwang katangian ng panitikan at sining ng lahat ng uring mapagsamantala, sa panahon ng kanilang paghina, ay ang kontradiksyon sa pagitan ng reaksyunaryong pampulitikang nilalaman at anyong artistiko. Ang hinahangad natin ay pagkakaisa ng pulitika at sining, pagkakaisa ng nilalaman at porma, pagkakaisa ng rebolusyonaryong pampulitikang nilalaman at pinakamataas na posibleng perpeksyon ng artistikong porma. Ang mga likhang nagkukulang sa artistikong kalidad ay walang lakas, gaano man ito ka-progresibo sa pulitika. Kung gayon tinututulan natin kapwa ang tendensyang lumikha ng produkto ng sining na may maling pampulitikang pananaw at tendensyang "istilong poster at islogan"; na may wastong pampulitikang pananaw ngunit kulang ang artistikong kapangyarihan. Sa mga usaping pansining at panitikan, kailangan nating isulong ang pakikibaka sa dalawang larangan.

Ang dalawang tendensyang ito ay matatagpuan sa pag-iisip ng maraming kasama. Malaking bilang ng mga kasama ang may tendensyang isantabi ang teknikang artistiko; mahalaga kung gayon na bigyang pansin ang pagtataas ng mga artistikong pamantayan. Bagama't sa nakikita ko, mas problema sa ngayon ang pampulitikang bahagi. Ang ilang kasama ay kapos sa elementaryang kaalamang pampulitika at sa gayon ay nagkakaroon ng sari-saring magugulong ideya. Hayaan ninyong magbanggit ako ng ilang halimbawa sa Yenan.

Ang "teorya ng kalikasan ng tao". Mayroon ba talagang tinatawag na kalikasan ng tao? Syempre, mayroon. Ngunit mayroon lamang kongkretong kalikasan ng tao at walang abstraktong kalikasan ng tao. Sa makauring lipunan, mayroon lamang kalikasan ng tao na may katangiang makauri; walang kalikasan ng tao na nakapaibabaw sa mga uri. Itinataguyod natin ang kalikasan ng tao ng proletaryado at masa ng sambayanan, samantala ang mga uring panginoong maylupa at burgis ay nagtataguyod sa kalikasan ng tao ng kanilang mga uri, hindi nga lang nila hayagang sinasabi pero pinalalabas namang ang kalikasan ng mga tao ng mga uring ito ang tanging umiiral. Ang kalikasan ng tao na pinamamarali ng ilang petiburgis na intelektwal ay hiwalay sa o tumutuligsa sa masa; ang tinatawag nilang kalikasan ng tao sa esensya ay walang iba kundi burgis na indibidwalismo; kung kaya, sa kanilang paningin, ang proletaryadong kalikasan ng tao ay hindi kalikasan ng tao. Ang "teorya ng kalikasan ng tao" na tinatangkilik ng ilang mamamayan sa Yenan batay sa tinatawag nilang teorya ng panitikan at sining ay pagpapalagay na nga ng ganito, at ito ay maling-mali.

"Ang pundamental na pinagsisimulan ng panitikan at sining ay pag-ibig, pag-ibig sa sangkatauhan." Ngayon, ang pag-ibig ay maaari ngang pinagsisimulan ngunit mayroon pang mas saligan kaysa rito. Ang pag-ibig bilang isang ideya ay produkto ng obhetibong praktika. Sa saligan, hindi tayo nagsisimula sa mga ideya kundi mula sa obhetibong praktika. Minamahal ng ating mga manunulat at artistang mula sa hanay ng intelektwal ang proletaryado sapagkat itinuro sa kanila ng lipunan na sila at ang proletaryado ay may parehong kapalaran. Kinamumuhian natin ang imperyalismong Hapon sapagkat binubusabos tayo ng imperyalismong Hapon. Walang pag-ibig o pagkamuhi nang walang batayan o dahilan. Tungkol sa sinasabing pag-ibig sa sangkatauhan, walang masasabing pag-ibig na sumasaklaw sa lahat, sapagkat ang sangkatauhan ay nahahati sa mga uri. Lahat ng naghaharing uri sa nakaraan ay aliw na aliw sa pagtataguyod nito, tulad ng mga tinaguriang pantas at matatalinong tao, ngunit wala naman talagang nagsasapraktika nito, sapagkat imposible ito sa makauring lipunan.
�Ang hinahangad natin ay pagkakaisa ng pulitika at sining, pagkakaisa ng nilalaman at porma, pagkakaisa ng rebolusyonaryong pampulitikang nilala-man at pinakamataas na posibleng perpeksyon ng artistikong porma.�
Magkakaroon ng tunay na pag-ibig sa sangkatauhan - pag napawi na ang mga uri sa buong mundo. Hinati ng mga uri sa maraming grupong antagonistiko ang lipunan; magkakaroon ng pag-ibig sa buong sangkatauhan kung mapapawi ang mga uri, ngunit hindi sa ngayon. Hindi natin maaaring mahalin ang kaaway, hindi natin maaaring mahalin ang mga panlipunang salot, ang ating hangad ay wasakin ang mga ito. Ito ay sentido komun; may hindi pa rin ba nakakaunawa sa ating mga artista at manunulat sa bagay na ito?

"Ang mga likhang artistiko at pampanitikan ay lagi nang nagbibigay ng pantay na diin sa maaliwalas at madidilim, pantay na pagkakahati." Ang pangungusap na ito ay maraming magugulong ideya. Hindi totoong lagi itong ginagawa ng panitikan at sining. Maraming petiburgis na manunulat na kailanman'y hindi pa natutuklasan ang maaliwalas na panig. Ang kanilang mga likha ay naglalantad lamang sa madidilim at kilala bilang "panitikan ng paglalantad". Ang ilan sa kanilang mga likha ay simpleng pag-espesyalisa sa pagsesermon ng pesimismo at pandaigdigang-panglaw. Sa kabilang banda, ang pangunahing inilalarawan ng panitikang Sobyet sa yugto ng sosyalistang konstruksyon ay ang maaliwalas. Ito rin ay nagpapakita ng kahinaan sa paggawa at naglalarawan ng mga negatibong karakter, ngunit nagsisilbi lamang ito bilang paghahambing para patampukin ang liwanag ng buong larawan, at hindi batay sa tinatawag na pantay na pagkakahati. Sa yugto ng kanilang reaksyon, ang mga manunulat at artista ng burgesya ay naglalarawan sa kanilang sarili bilang mga santo at sa rebolusyonaryong masa bilang "magugulong grupo", at sa gayon ay binabaligtad ang maliwanag at madilim. Ang tunay na rebolusyonaryong manunulat at artista lamang ang wastong makakalutas sa suliranin kung kailangang pumuri o maglantad. Ang madidilim na pwersang pumipinsala sa masa ng sambayanan ay dapat ilantad at lahat ng rebolusyonaryong pakikibaka ng masa ay dapat papurihan; ito ang pundamental na tungkulin ng mga rebolusyonaryong manunulat at artista.

"Ang tungkulin ng panitikan at sining ay lagi nang maglantad." Ang paggigiit na ito, tulad ng nauna, ay nanggaling sa pagiging ignorante sa syensya ng kasaysayan. Ang sining at panitikan, tulad nang naipakita na, ay hindi kailanman nakalaan lamang sa paglalantad. Para sa mga rebolusyonaryong manunulat at artista, hindi kailanman maaaring target sa paglalantad ang masa, kundi dapat ang mga mapanakop, mapagsamantala at mapanupil lamang at ang kanilang masamang impluwensya sa mamamayan. Ang masa rin ay may mga pagkukulang na dapat mapangibabawan sa pamamagitan ng pamumuna at pagpuna sa sarili sa kanilang hanay; at ang gayong pamumuna at pagpuna sa sarili ay isa rin sa pinakaimportanteng tungkulin ng sining at panitikan. Ngunit hindi ito dapat ituring na isang tipo ng "paglalantad sa masa". Sa panig ng mamamayan, ang batayang usapin ay edukasyon at pagtataas ng kanilang antas. Tanging mga kontra-rebolusyonaryong manunulat at artista ang maglalarawan sa mamamayan bilang mga "ipinanganak na gago" at ang rebolusyonaryong masa bilang "magugulong grupo".

"Ngayon ay panahon pa rin ng satirikong sanaysay, at ang istilo sa pagsusulat ni Lu Hsun ay kailangan pa rin." Dahil nabubuhay siya sa ilalim ng paghahari ng madidilim na pwersa at pinagkakaitan ng kalayaan sa pamamahayag, ginamit ni Lu Hsun sa pakikidigma ang nag-aapoy na panunudyo at matatalim na kabalintunaan, na kanyang hinulma sa anyo ng mga sanaysay; at siya ay tumpak. Tayo rin ay kailangang matalas na mag-alipusta sa mga pasista, sa mga reaksyunaryong Tsino at sa lahat ng pumipinsala sa mamamayan; ngunit sa hangganang rehiyon ng Shensi-Kansu-Ningsia at baseng eryang anti-Hapones sa likod ng mga linya ng kaaway, kung saan may ganap na demokrasya at kalayaan ang mga rebolusyonaryong artista at manunulat at ipinagkakait lamang ang mga ito sa mga kontra-rebolusyonaryo, ang istilo ng sanaysay ay hindi simpleng katulad ng kay Lu Hsun. Dito, pwede tayong sumigaw ng ubos-lakas at hindi na kailangang magkubli at magpaliguy-ligoy, na mahirap maintindihan ng mga tao. Kapag kausap ni Lu Hsun ang mamamayan at hindi ang kanilang kaaway, kailanma'y hindi kinutya at tinuligsa ni Lu Hsun ang mga rebolusyonaryong mamamayan at rebolusyonaryong Partido sa kanyang "panahon ng mga satirikong sanaysay", at ang kanyang mga sanaysay ay ibang-iba sa paraan kung nakatuon sa kaaway. Kailangang punahin ang mga kahinaan ng mamamayan, nasabi na natin ito, ngunit kung gagawin ito, kailangang tunay tayong manindigan para sa masa at nagsasalita nang buong puso at sigla upang sila ay protektahan at edukahin. Ang pagturing sa mga kasama na parang mga kaaway ay pagpanig sa pusisyon ng kaaway. Kailangan bang ibasura ang satire? Hindi. Laging kinakailangan ang satire. Ngunit may iba't ibang klase ng satire, bawat isa ay may kakaibang aktitud: satire sa mga kaaway, satire para sa mga alyado at satire para sa ating sariling hanay. Hindi tayo tutol sa satire sa pangkalahatan; ang dapat na alisin ay ang pangaabuso ng satire.

"Hindi ako para sa papuri at parangal. Ang mga likha ng mga tao na nagpaparangal para sa magagandang pangyayari ay hindi laging dakila at ang mga likhang naglalarawan ng madidilim na pangyayari ay hindi laging maliit." Kung ikaw ay burgis na manunulat o artista, iyong papupurihan ang burgesya at hindi ang proletayado, at kung ikaw ay proletaryadong manunulat o artista, hindi mo papupurihan ang burgesya kundi ang proletaryado at masang anakpawis, kung hindi ang isa, ang kabila. Hindi laging dakila ang mga likha ng mga tagapuri ng burgesya, hindi rin laging maliit ang mga likha ng mga taong nagpapakita sa kadiliman ng burgesya; hindi laging di dakila ang mga obra ng mga tagapuri ng proletaryado, ngunit ang mga obra ng mga taong nagpapakita ng diumano'y kadiliman ng proletaryado ay malamang na maging maliit - di ba't ito ay mga patibay ng kasaysayan kaugnay ng panitikan at sining? Bakit hindi natin papurihan ang mamamayan, ang proletaryado, ang Partido Komunista, ang Bagong Demokrasya at sosyalismo? May tipo ng tao na walang kasigasigan para sa adhikain ng sambayanan at walang siglang nanunood ng mga pakikibaka at tagumpay ng proletaryado at ng taliba nito; interesado lang siya sa at hindi magsasawang magbigay-puri, sa kanyang sarili, at marahil sa iilang indibidwal o maliit na grupo. Ang mga petiburgis na indibidwalistang ito ang tumatangging magbigay puri sa nagawa at mabubuting katangian ng mga rebolusyonaryong mamamayan o para pag-ibayuhin ang kasigasigan ng mamamayan sa pakikibaka at ang kanilang tiwala sa tagumpay. Ang mga katulad nila ay parang mga anay sa rebolusyonaryong hanay; syempre, ang mga rebolusyonaryong mamamayan ay hindi nangangailangan ng mga ganitong "mang-aawit".

"Hindi ito usapin ng paninindigan; ang aking makauring paninindigan ay wasto, ang aking mga intensyon ay mabuti at nauunawaan ko, ngunit hindi ako mahusay sa pagpapahayag ng aking sarili kung kaya nagiging masama ang epekto." Nabanggit ko na ang diyalektikong materyalistang pananaw ng motibo at epekto. Ngayon nais kong itanong, hindi ba ang katanungan ng epekto ay katanungan ng paninindigan? Ang isang tao na kumikilos batay lamang sa motibo at hindi inaalam ang epekto ng kanyang aksyon ay parang isang manggagamot na bigay na lamang nang bigay ng reseta ngunit hindi man lang inaalam kung ilang pasyente na ang namamatay sa resetang iyon. Kunin din nating halimbawa ang isang pampulitikang partido na gawa lang nang gawa ng pahayag ngunit hindi tinitiyak kung ang mga ito ay naisasakatuparan. Maaaring itanong, ito ba ay wastong paninindigan? At, ang intensyon ba rito ay mabuti? Syempre, ang mga pagkakamali ay maaaring maganap kahit sa simula pa lamang ay isinaalang-alang na ang epekto, ngunit ang intensyon ba ay mabuti kung nagpapatuloy pa sa dati nang bulok na gawi kahit pinatunayan nang masama ang epekto? Sa paghusga ng isang partido o manggagamot, tumitingin tayo sa praktika, sa epekto. Pareho rin ito sa paghusga ng isang manunulat. Ang isang tao na may tunay na mabuting intensyon ay dapat na nagsasaalang-alang sa epekto, naglalagom ng karanasan at nag-aaral ng mga pamamaraan o, sa mapanlikhang paggawa, pinag-aaralan ang teknika ng pamamahayag. Ang taong may tunay na mabuting intensyon ay dapat pumupuna ng mga pagkukulang at pagkakamali sa kanyang likha nang buong tapat at determinadong iwasto ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit ginagamit ng mga komunista ang pamamaraan ng pagpuna sa sarili. Ito lamang ang wastong paninindigan. Sa pamamagitan lamang ng seryoso at responsableng praktikang ito, posibleng unti-unting mauunawaan ang wastong paninindigan at unti-unting magkakaroon ng mahusay na paggagap dito. Kung hindi tutungo ang praktika sa direksyong ito, kung kuntento nang igiit na "nauunawaan ko na", kung gayon, ang totoo ay hindi mo pa nauunawaan.

"Ang manawagan sa atin na pag-aralan ang Marxismo ay pag-uulit ng pagkakamali ng materyalistang diyalektikong mapanlikhang pamamaraan, na pumipinsala sa mapanlikhang damdamin." Ang pag-aaral sa Marxismo ay nangangahulugan ng paglalapat ng materyalismong diyalektiko at materyalismong istorikong pananaw sa ating obserbasyon sa mundo, sa lipunan at sa panitikan at sining; hindi ito nangangahulugan ng pagsusulat ng mga lekturang pilosopikal sa ating mga likhang-sining at panitikan. Sinasaklaw ngunit hindi mapapalitan ng Marxismo ang realismo sa pampanitikan at pansining na paglikha, sa kung paanong sinasaklaw nito ngunit hindi mapapalitan ang teoryang atomiko at elektroniko sa pisika. Ang mga pormulang hungkag, tigang at dogmatiko ang totoong nangwawasak sa mapanlikhang damdamin; hindi lamang ito, una nilang winawasak ang Marxismo. Ang dogmatikong "Marxismo" ay hindi Marxismo, ito ay anti-Marxismo. Kung gayon, winawasak nga ba ng Marxismo ang mapanlikhang damdamin? Oo. Winawasak nga nito ang mapanlikhang damdamin na pyudal, burgis, petiburgis, liberal, indibidwalista, nihilista, sining para sa sining lamang, aristokratiko, dekadente o pesimistiko at lahat ng iba pang mapanlikhang damdamin na banyaga sa masa ng sambayanan at sa proletaryado. Para sa mga proletaryadong manunulat at artista, hindi ba dapat wasakin ang mga klaseng ito ng mapanlikhang damdamin? Sa palagay ko ay dapat; dapat silang lubos na wasakin. At habang ito ay winawasak; may mga bagong maaaring mabuo.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.