Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Hunyo 2003
Pambungad
TOC Pag-ibayuhin ang Pakikibaka Laban sa Imperyalismong US!
Patuloy na Labanan ang Imperyalismong Pangkultura!


Walang ibang landas na dapat tahakin ang sambayanang Pilipino kundi ang pagtataguyod ng rebolusyon para sa pambansa at makauring paglaya! Sa taong 2003, mahigit nang isandaang taon ang dakilang pakikibaka ng sambayanan laban sa pananakop ng United States of America - paglabang patuloy na isinusulong sa harap ng patuloy ding pandarahas at paniniil ng kaaway na imperyalista.

Ang pananakop ng US ay hindi lamang sa aspetong militar kundi sa pulitika, ekonomya, kultura at ugnayang panlabas. Sa limang aspetong ito, may kakaibang papel ang pangkulturang pananakop o imperyalismong pangkultura. Ito ang sumusupil sa nalalabi pang diwa ng pagkamakabayan ng mamamayan. Kinikitil nito ang kapasyahang lumaban ng isang bayang iginupo sa pamamagitan ng digma at karahasan.

Sa pamamaraang tuso at mapanlinlang, kinokontrol ng imperyalismong pangkultura ang isip at damdamin ng mamamayan.

Batid ng US na hindi sapat ang pagkalupig sa Pilipinas. Talos nitong ang alipin ay hindi ganap na alipin hangga't hindi alipin pati ang kaisipan. Ang tradisyon ng paglaban ng sambayanang Pilipino ay pinanday sa gitna ng apoy ng pakikibaka laban sa kolonyalismong Espa�ol. Habang naririyan pa't umaalab ang kulturang ito, hindi pa lubos ang tagumpay ng mananakop. Sistematikong ginamit ng US ang imperyalismong pangkultura upang lubos na itanikala ang kaisipan, kaugalian, gawi at panlasa ng bayan.

Nagapi ang mga organisadong pwersa ng Rebolusyong Pilipino noong 1902, ngunit marami ang patuloy na nag-alsa laban sa bagong kolonyalista. Binura ng imperyalista ang alaala ng Digmaang Pilipino-Amerikano sa ating kasaysayan. Kagyat na dumagsa ang mga guro at misyonaryong Amerikano. Layunin nilang "turuang maging sibilisado ang mga mangmang na katutubo." Itinayo at pinalawak ng US ang sistema ng mga paaralang pam-publiko upang makalikha ng mga manggagawang litereyt sa Ingles. Itinatag ang Unibersidad ng Pilipinas at dito ipinakalat ang propaganda ng demo-krasyang liberal. Ipinatupad din ang sistemang pensyonado at pinakuha ang ilang piling estudyanteng Pilipino ng mas mataas na edukasyon sa US. Ginawa ito ng mananakop upang makapagsanay ng mga lokal na ahenteng intelektwal na iluluklok sa "nagsasariling pamahalaan." Sa ilalim ng tinawag na "mapagpalang asimilasyon," nagsanay ng mga burukrata para sa papet na gubyerno. Sila ang naging katuwang ng imperyalista sa paghubog ng kaisipan ng mamamayan na pumabor sa anumang bagay na tatak-US.

Bukod dito, nagpasa at nagpatupad ang kolonyal na rehimen ng mga batas upang kitlin ang patriyotismo. Ang makabayang panitikan at dulaan, mga pahayagan, maging ang pagwawagayway ng bandilang Pilipino ay ipinagbawal at itinuring na krimen.

Malinaw na makikita ngayon ang impluwensya ng US sa edukasyon, musika, panitikan, pelikula, midya, pananamit, at iba pang larangan. Ang tindi at lawak ng impluwensya nito ay sagad sa buto ng halos kundi man ng buong sambayanan hanggang sa kasalukuyan. Naging kolonya ng US hindi lamang ang lupaing Pilipino kundi pati ang kaisipan ng mamamayan.

Gayunman, hindi ganap na napipi ang kulturang nakatuon sa pag-kamit ng pambansang kalayaan at demokrasya. Maraming makabayang Pilipino ang lumikha ng sining na walang takot na humamon sa imperyalista. Sila'y tumangging mangayupapa at paalipin sa bulok na kulturang pina-laganap ng US at ng mga alipures nito.

Ang mahabang pakikibaka ng mamamayan ay nagluwal ng isang mayamang tradisyong anti-imperyalista sa sining at panitikan. Paksa ng maraming tula ang patriyotismo at nasyunalismo. Sa larangan ng digmaan nalikha ang maraming awit sa panahong ito. Tinugis naman ng imperyalista ang mga nagtanghal ng napakabisang porma ng dulaan o teatrong "sedisyoso."

Kasama ng pakikibaka ay nagpatuloy at umunlad ang estilo at paksa ng mga likhang sining. Nagkaroon ng organisadong gabay ang paglikha ng progresibo at rebolusyonaryong sining mula nang itatag ang lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930. Sa gitna ng panunupil, yumabong ang makabayang sining sa panahon ng tuwirang pananakop ng US, sa panahon ng pananakop ng Hapon at Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at sa ilalim ng mga nagsunurang papet na republika at rehimen.

Ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968 ay hudyat ng mas malinaw na tunguhin ng Rebolusyong Pilipino. Inilatag nito ang mas matibay na pundasyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon para sa nakikibakang sambayanan. Bunsod nito ang isang "rebolusyon sa kultura" - ang pagwasak sa kolonyal, dekadente at pyudal na impluwensya ng imperyalistang mananakop. Ang serye ng mga pagkilos ng sambayanan sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 ay nanawagan din ng pagbabago sa larangan ng kultura. Inilatag ng Sigwa ang matalas na pagsusuri sa krisis, lipunan at rebolusyong Pilipino - inilantad nito ang salot na imperyalismo at pinalaganap ang linya ng pambansang demokrasya. Sa sigla ng Sigwa, nabuo ang maraming organisasyong pangkultura kung saan naorganisa at namulat ang masa at maging mga intelektwal. Napausbong ang mga bagong porma ng sining na umangkop sa mga pangangailangan ng mga kilos-protesta at pagpopropaganda sa kanayunan at kalunsuran. Naunawaan ng marami ang pangangailangan ng pagbabagong panlipunan. Marami ang sumalungat sa pasistang diktadura ng rehimeng US-Marcos. Higit pa rito, marami ang tumugon sa panawagang manandata at lumahok sa digmang bayan.

Makulay at masigla ang paglikha ng progresibo at rebolusyonaryong sining bunga ng ilang dekadang pagsisikap ng masa at mga manggagawang pangkultura. Ang impluwensyang dayuhan sa porma ng sining at panitikan ay nalangkapan ng bago at rebolusyonaryong nilalaman. Kapansin-pansin din ang transpormasyon ng mga katutubo o tradisyunal na porma ng sining sa iba't ibang lalawigan - bagong paksa ng mga ito ang buhay at pakikibaka ng sambayanan.

Ang mga pakana at pamamaraang mapanakop na ginamit ng imper-yalismong US sa Pilipinas ay walang esensyal na pinag-iba sa digmang mapanalakay na inilunsad at inilulunsad nito sa ibang bayan. "War on terror" o "gera laban sa terorismo" ang bagong islogan ng US. Ang akmang pagdurog sa mga "terorista" ang malamyang paliwanag ng US sa walang habas na gerang agresyong inilunsad nito sa iba't ibang bahagi ng daigdig, gaya ng Afghanistan at Iraq kamakailan. Wala itong pinag-iba sa gerang agresyon ng US sa Korea (1950-1953), Byetnam (1965-1975), Gera sa Gulpo (1991), Bosnia-Herzegovina (1995), Kosovo-Yugoslavia (1999), at sa iba pa.

Muli ay kinakasangkapan ng US ang kultura upang pabanguhin ang kanilang imahe sa buong daigdig. Paksa ng dagsa ng mga pelikulang Hol-lywood ang "gera laban sa terorismo." Kontrolado rin ng US ang paghahatid ng balita ukol sa gera - sa telebisyon, magasin at pahayagan, laging ang US at sundalong Kano ang bida.

Samantala, buong-buo naman ang suporta at pagpapakatuta ng rehimeng US-Arroyo sa kampanya ng US laban sa "terorismo." Sa maikling panahon sa panunungkulan, pinahintulutan ni Arroyo ang pagbabalik ng mga tropang Kano sa war games at "Balikatan." Ibinasura ng rehimen ang ilang dekada nang pakikibaka ng sambayanan upang mapatalsik ang mga base militar ng US sa bansa. Sa halip, bukambibig ng papet na pangulo ang mayabang na patakaran at asta ng imperyalista.

Espesyal at napapanahon ang isyung ito ng Ulos. Hatid nito sa mambabasa ang mga tala at larawan ng anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Nilalaman nito ang mga akda ng mga rebolusyo-naryong martir ng nagpapatuloy na rebolusyong Pilipino, gayundin ng mga kasamang nagpapatuloy at nagpupunyagi sa pakikibaka. Makikita rin sa isyung ito ang pagbabago at pag-unlad ng iba't ibang porma ng sining na nalikha at nalinang sa larangan ng anti-imperyalistang paglaban. Sa katuna-yan, kulang na kulang pa ang isyung ito upang saklawin ang lahat ng naturang likhang sining.

Gayunpaman, gabundok pa rin ang gawaing kaharap natin. Kailangang ituloy ang pagsisikap upang maging mas malikhain, matalas at mabisa sa paghahatid ng mensahe ng rebolusyon at pagbabago. Kinakailangan ng ibayong pagpupunyagi upang patuloy na likhain, linangin, isulong at ipa-laganap ang isang kulturang rebolusyonaryo, isang kulturang syentipiko, makamasa at makabayan - isang kulturang humahamon sa imperyalismo at sa bulok na kulturang iwinawasiwas nito!



Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.