Nagdaop ang ating mga palad
Noong tayo'y magkita
Syeyring ng karanasan
Ay ating ginawa.
Biglang na-reyd ang ating pagtitipon
Tayong lahat nakaligtas, kaaway pa'ng nalagasan
Sa ating pag-atras, mga bomba'y tumutugis
Ganting putok sa atin, suntok naman sa hangin.
Sa tulong ng kabundukan at iginagalang na masa
Ligtas tayong nakalabas sa kanilang pagkubkob
Sa lakara'y gutom at pagod, bato't mga tinik
Ang ating pinapapak habang nanginginig.
Di magagapi ang mapanlabang diwa
Sa puso at isip ng mga api
Ito ang wala sa ating kalaban
Ito ang garantiya ng ating tagumpay.
Nagdaop ang ating mga palad
Sa ating paghihiwalay
Init ng pakikibaka'y
Lalupang ginatungan ng mga kaaway.
Habang papalayo ka na sa akin
Hakbang mo'y masigasig, puspusan sa gawain
Sa iyong pupuntahan sa pagganap ng tungkulin
Naghihintay ang masang ating mumulatin.
Darating ang araw ng muling pagkikita
Maaaring ikaw na lang o ako o tayong dalawa
Ngunit sa araw na ito na ating dinadakila
Alam nating liligaya ang mga anak-dalita.
|