Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Hunyo 2003
Sanaysay
TOC Rebyu ng mga pelikulang Collateral Damage at Black Hawk Down
Directed By: Uncle Sam


Hindi malilimutan ang petsang Setyembre 11, 2001 sa kasaysayang Amerikano. Sa araw na ito, ang opensiba ay dinala sa puso mismo ng US � sa gitna ng maunlad at tanyag na lunsod ng New York. Pinasabog at pinaguho ng mga terorista ang �twin towers� ng World Trade Center (WTC) � kabilang noon sa pinakamatataas na gusali sa buong daigdig. Libu-libong sibilyan ang namatay sa pagguho ng naturang mga gusali.

Kinondena ng buong daigdig ang atake sa World Trade Center. Lahat ay nakisimpatya sa trahedyang naganap sa mga mamamayang Amerikano. Lahat ay nakisimpatya - hanggang sa ilunsad naman ng gubyernong US ang isang "kontra-atake" sa mga tinagurian nitong "terorista." Nanawagan si Pangulong George W. Bush ng US ng isang "war on terror" o "gera laban sa terorismo." Tutugisin umano ng gerang ito ang mga nagpakana ng pagsabog sa WTC - ang mga teroristang grupo gaya ng Al-Qaida at ang network o mga galamay nito sa buong daigdig. Dahil sa naganap noong Setyembre 11 (9/11), nakahanap ng dahilan ang US upang buong-yabang na ilunsad ang mga panibagong digmaan.

Ngunit "terorismo" nga ba ang target ng gera ng US? O pakana ito ng imperyalista upang patuloy na protektahan ang sarili nitong interes?

Hindi lamang mga baril at tangke ang sandata ng US sa "war on terror." Ginamitan din nito ng lakas at impluwensya ang internasyunal at lokal nitong masmidya - sa radyo, telebisyon, magasin, pahayagan at maging sa pelikula. Kinakailangan ang "opensibang pampropaganda" upang daklutin ang puso't kaisipan ng mga mamamayan ng buong daigdig - upang lokohin at paniwalain ang lahat na tama at makatarungan ang gera laban sa "terorismo" na inilulunsad ng imperyalistang US.

Nang lusubin ng US ang bansang Afghanistan sa huling bahagi ng 2001, nagkaroon ng ispesyal na utos sa mga reporter ng Cable News Network o CNN, isang sikat na istasyon ng balita sa telebisyon. Inutusan ang mga tagapagbalita na "iangkop" ang kanilang mga report upang itago ang pagka-matay ng napakaraming sibilyang Afghan dahil sa pambobomba ng US. Ayon pa sa tagapangulo ng CNN na si Walter Isaacson, "Kinakailangang maintindihan ng mga manonood na kung may mga sibilyang nangamatay o nagdurusa sa Afghanistan, ito ay dahil sa isang teroristang atake na naging napakasakit para sa mga Amerikano." Dapat umanong ipatampok ang suporta para sa walang pakundangang kampanyang militar ng US.

Gayundin ang kanilang ginawa sa larangan ng pelikula. Pagkatapos ng 9/11, nagkaroon ng pulong ang kinatawan ni Pangulong George W. Bush at ang mga pinakamakapangyarihang tao sa Hollywood, ang sentro ng pag-gawa ng pelikula sa US. Dumalo sa pulong na ito ang may-ari ng Viacom, Inc. (na nagmamay-ari ng istudyong Paramount, CBS at UPN), at ang mga kinatawan ng iba pang malalaking istudyo ng pelikula: ang Warner Bros., Twentieth Century Fox, Columbia Pictures, Universal Studios, Metro-Goldwyn-Mayer at DreamWorks SKG. Sa pulong na ito, pinag-usapan kung ano ang "maitutulong" ng Hollywood sa kampanya ng gubyernong US laban sa "terorismo." Hindi raw dinidiktahan ng gubyernong US ang Hollywood sa tema o paksa ng mga gagawing pelikula. Sa halip, ginagawa raw ito ng Hollywood sa ngalan ng "patriyotismo," o katapatan sa bansang Amerikano.

Paulit-ulit na pinapaalala ng mga ito na "ang lahat ay nagbago matapos ang 9/11." Ngunit alam naman ng marami na noon pa man ay kinakasang-kapan na ng imperyalismo ang Hollywood sa paglikha ng mga pelikulang kumakatawan sa mga adhikaing Amerikano - sa pamamagitan ng eskapismo at promosyon ng tinaguriang American Dream.

Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinomisyon ng gubyer-nong US ang direktor na si Frank Capra upang lumikha ng mga pelikulang "magsisilbing inspirasyon" sa mga tropang Amerikano. Bunga nito ang serye ng pitong pelikula na pinamagatang Why We Fight (Kung Bakit Tayo Nakiki-digma) noong 1942 hanggang 1945.

Nang umuwing talunan ang mga tropang Kano mula sa pagsalakay sa Byetnam, nagsimula namang lumabas ang napakaraming pelikula na bumabaluktot sa kasaysayan ng naturang bansa. Sa mga pelikulang ito, pinalabas na "kontrabida" ang mga Byetnames. Minaliit ang dakilang pakikibaka ng mga mamamayan ng Byetnam. Halimbawa ng mga pelikulang ito ang Green Beret at ang serye ng mga pelikulang Missing in Action ng aktor na si Chuck Norris. Ilang dekada matapos ang digmaan, animo namang paghahanap ng "katubusan" mula sa pagkatalo ang paglalabas ng Hollywood ng napakaraming pelikula patungkol sa hirap at pagdurusa ng mga sundalong Amerikano sa gerang ito.

Tahasang rasismo at ultra-nasyunalismo ang pinamalas ng ilang pelikula sa pagtatapos ng Cold War sa pagitan ng US at dating Sosyalistang Unyong Sobyet (halimbawa ang serye ng pelikulang Rambo, Air Force One). Sa mga pelikulang gaya ng Independence Day at Armageddon, pinatampok ang US bilang pinakamakapangyarihang tagapagligtas ng sangkatauhan at ng daigdig mula sa mga sakunang dulot ng kalikasan. Noon pa man, pinapaksa na ng mga pelikulang Hollywood ang paniniktik at pang-eespiya. Sa mga kwento ng "secret service," pinalalabas na tama o normal - at makisig o fashionable pa nga - ang pakikialam sa mga internal na suliranin ng iba't ibang bayan (gaya ng serye ng mga pelikulang James Bond at Mission Impossible). Kapansin-pansin ang pagdami ng mga pelikulang nagpupugay at pumupuri sa militarismo at interbensyong isinasagawa ng US.

Pambihira ang halos sabay-sabay ngayong paglabas ng napakaraming pelikulang Hollywood na pumapaksa sa pakikidigma at panghihimasok ng US. Dalawa sa napakaraming pelikulang ito ang Collateral Damage at Black Hawk Down.

Ang Collateral Damage (Pinsalang Kolateral) ay isang pelikulang ginawa bago ang 9/11. Ngunit ipinagpaliban ang pagpapalabas nito sa panahon ng 9/11 dahil masyadong malapit sa katotohanan � at masakit para sa mga Amerikano � ang mga eksenang ipinapakita nito (sa pelikula, mayroon ding sasabog na gusali sa New York). Ipinapahiwatig lamang nito na wala naman talagang binago ang 9/11. Ang �sinematikong paglalarawan� ng Hollywood ay kasabay at kaugnay ng militaristang patakaran ng gubyernong US. Ang paglikha ng mga pelikulang gaya nito bago pa man maganap ang 9/11 ay depiksyon lamang ng pananalakay at gerang agresyon na matagal nang isinasagawa o pinaplano ng imperyalista.

Nambabaluktot ng kaisipan ang mga pantastikong eksena sa mga pelikulang gaya ng Collateral Damage, na kinatatampukan ni Arnold Schwarzenegger. Napakaraming pangyayari sa pelikulang ito na hindi talaga kayang paniwalaan kung ilalagay sa loob ng mala-makatotohanang tema ng pelikula.

Lantarang kasinungalingan at pambabaligtad sa realidad ang pagla-larawan ng pelikula sa mga gerilya ng kilusang mapagpalaya sa Colombia. Alinsunod sa imperyalistang propaganda, inilarawan ang mga gerilya ng Colombia bilang mga prodyuser ng drogang cocaine � ito�y upang mabihisan ang anti-mamamayang digma ng US sa anyo ng digmang anti-droga. Labis na kakatwa na ang lider pa mismo ng mga gerilya na pinangalanang El Lobo ang lalabas-masok sa US upang siya ring magtanim ng mga bomba at personal na lalabas sa mga bidyoteyp na nagbabanta laban sa US. Labis din ang paglalarawan ng kawalang-pakundangan sa buhay ng mga gerilya. Ipinakita kung paano pinarurusahan ni El Lobo ang isang nagkamaling kasamahan � pinakain ng buhay na ahas kasabay ng pagsesermon na �sa pakikibaka para sa paglaya ay walang lugar para sa mga pagkakamali.� Ipinakita pang may mga sikretong pagmumuwestra ng kamay ang mga gerilya na parang may hipnotikong bisa sa mga tagasunod ni El Lobo.

Parang gang ang paglalarawan sa mga gerilya ng Colombia. Taliwas ito sa pagmamalasakit sa mga kasama at sa sambayanan na tinataglay ng alinmang hukbong bayang mapagpalaya sa bayan. Nalalaman din ng sinumang rebolusyonaryo na hindi maiiwasan ang mga pagkakamali sa alinmang bagay na pinag-aaralan at pinapaghusay na gawain tulad ng paglulunsad ng rebolusyon. Ang pinakamahalaga ay ang pagkatuto mula sa pagkakamali.

Sa pelikula, tuso at mapanlinlang ang paggamit sa terminong �collateral damage.� Sa isang eksena, tagasuporta ng mga terorista ang gumamit sa terminong �collateral damage� upang tukuyin ang mga taong nadamay sa pagpapasabog ng bomba malapit sa embahada ng Colombia sa US. Labis itong ikinagalit ni Schwarzenegger, na gumanap bilang isang karaniwang bumbero na ang asawa�t anak ay namatay sa naganap na pagbobomba. Pilit nililimot at binubura ng pelikula ang katotohanang inimbento at unang ginamit ang terminong ito ng mga publisista at heneral ng US upang tumukoy sa laksa-laksang mamamayang sibilyan na napinsala�t napuksa ng kanilang pambobomba sa Digmaang Gulpo noong 1991. Hindi makatao ang terminong �collateral damage.� Sintomas at bahagi ang terminong ito ng kahayupan ng establisimentong militar ng US. Ang terminong �collateral damage� ay hindi ginagamit ng mga lumalaban sa imperyalismong US. Nais palabasin ng pelikula na �masama� ang mga nakikibaka para sa pambansang kalayaan.

Kakaiba sa Collateral Damage, na uminog sa �malakatotoha-nang� naging pantasya, nangangahas naman ang Black Hawk Down na ilarawan at isalaysay ang isang pantasya bilang �totoong pangyayari.�

Magsisimula ang pelikula sa pagpapaliwanag at pagdadahilan ng panghihimasok ng US sa bansang Somalia noong 1993. Itinala na higit sa 300,000 �sibilyan� ang namatay dahil sa labis na kagutuman na sanhi diumano ng rehimeng umiiral doon. Ipinakita ang isang Amerikanong kumakanlong at nagpapainom mula sa isang tasa ng isang may sakit at namamatay na Somali. Nagpakita rin ng hile-hilerang sanggol na namamatay sa sakit at gutom. Samakatwid, sinasabing sapat na ang dahilan ng �mapagkawanggawang� US upang manghimasok sa Somalia � gumastos ng milyun-milyong dolyar at ilagay sa panganib ang kanyang sariling mga sundalo. Ginawa raw nila ito upang iligtas lamang ang mga mamamayang Somali nang walang iniisip na pakinabang para sa sarili!

Kapansin-pansin sa pelikula ang magkakasalungat na paglalarawan sa mga sundalong Amerikano at sa mga Somali. Alinsunod sa pagbabansag ng mga rasistang militaristang Amerikano sa mga Pilipino bilang �googoos� at sa mga Byetnames bilang �gooks,� ang tawag naman ng mga sundalong Kano sa mga Somali ay �skinnies.� Inilarawan ang mga mandirigmang Somali bilang mala-gangster at gigolo � may mga bandana sa ulo, naka-shades, nakasuot ng fatigue jacket, palaging masungit at nambubulyaw, at higit sa lahat, laging may hawak na sandatang walang pakundangang pinapaputok kahit saan (mga AK-47 ang ipinapakitang armas sa kabila ng pangyayaring ang US ang pangunahing tagasuplay ng armas sa daigdig, pati na rin sa Somalia).

Ang mga mandirigmang Somali ay inilarawan gaya ng mga gang na Aprikano-Amerikano sa Hollywood. Sa kabila ng naipakitang kakayahan ng mga Somali sa pagpapabagsak ng mga helikopter (dalawang Black Hawk), kinutya pa sila ng isang sundalong Kano, �Somalis can�t shoot shit.� (�Di marunong umasinta ang mga Somali.�) Kahit ang ipinakitang kaisa-isang Somaling Muslim na nagdarasal ay may bitbit-bitbit ding riple. Ang ganitong paglalarawan ay kaugnay ng demonisasyon sa relihiyong Islam na pinapalaganap ng midya sa US. Sa ganitong klase ng pelikula, ang ating mga kapatid na Muslim ay lagi na lang inilalarawan bilang �masama.�

Habang natatalo na ang mga sundalong Amerikano sa mga dumaragsang mamamayang Somali, sasabihin ng isang lider-mandirigmang Somali sa sundalong Kano na hindi naiintindihan ng mga Amerikano na �palaging magkakaroon ng patayan dito, sapagkat ito ang kalakaran ng aming daigdig.� Luma at rasista ang ganitong pag-uugat ng dahas at gulo sa �ibang mga bansa.� Laging sinisisi ng US ang �kultura ng dahas� na taglay umano ng ibang mga bansa. Ang kulturang ito ay hindi raw talaga maiintindihan ng mga �mapayapang� sibilisasyon ng mga puti at Kanluranin. Inilarawan pa sa pelikula ang pagkakasangkot ng mga babae at bata sa mga mandirigma bilang patunay ng ganitong ideya.

Samantala, tatlong larawan naman ng sundalong Amerikano ang lumitaw sa pelikula:

Una, panay ang romantikong paglalarawang-bayani at pagpapaporma sa mga sundalong Amerikano. Tila ipinaparada ang kanilang magagarang sasakyang panghimpapawid at panlupa � ipinapakita pa ang pagkarami-raming suot na haytek at parang mahiwagang kagamitan at sandata. Ikalawa, may mga sundalo namang nais �makatulong� sa mga sawi ng daigdig. Inilalarawan ang mga sundalong ito na madalas �maluha-luha� at nagpa-paliwanag ng kanilang ideyalismo at malasakit sa mga kapuspalad ng daigdig. Ikatlo, inilarawan ang sundalong �propesyunal.� Paliwanag nga ng isang tauhang gumanap na kabilang sa elite na Delta Force, �wala nang puli-pulitikang pinag-uusapan kapag nagsimula na ang putukan.� Pinakita sa pelikula ang pagsisikap ng mga marino at Delta Force � nang tila �walang pag-alala sa sarili� � para iligtas ang kanilang mga kapwa sundalong Kano mula sa mga nagwawala at karamiha�y di-armadong Somali.

Sa pagtatapos ng pelikula, papansinin dito na higit 1,000 Somali ang nasawi sa labanang sinimulan ng US habang 19 na Amerikano lamang ang namatay. Ililista sa dulong bahagi ang mga pangalan ng bawat isa sa mga sundalong Kano habang mananatiling walang pangalan ang libu-libong sibilyan at mandirigmang Somali na pinagpapatay ng iilang sundalong Amerikano lamang. Sa bawat sundalong Amerikanong namatay, mababa pa ang bilang na limampu bilang katumbas sa mga pinatay na Somali.

Imbes na mga bayani ay dapat ituring na mga mass murderer o mamamatay-tao ang mga sundalong Kanong ito. Parang mga langaw na maramihang pinagpapaslang ang mga Somali ng mga epektibong sandatang pamuksa ng mga sundalong marino at Delta Force. Binabaluktot ng pelikula ang kasaysayan at binabaluktot din ang persepsyon ng manonood sa pagkuha nito ng simpatya para sa mga �bayaning sundalong Amerikano.�

Ito ang proyekto ng Hollywood sa tinagurian nitong �patriyotismo� sa paglikha ng mga pelikula. Ipinapakita sa mga pelikulang ito na ang anumang digmang inilunsad ng US ay isang �makatarungang digma.� Samakatwid, ang digmang isinusulong ng US laban sa �terorismo� ay isang digmang laban sa kasamaan. Sa gayon, dapat suportahan ng mga mama-mayan ng daigdig ang kabayanihan ng mga sundalong Amerikano. Dapat umano silang hangaan sa kanilang tapang at giting.

Diskriminasyon at rasismo ang itinuturo sa atin ng mga pelikula. Sinasanay nito ang ating isip na ang sinumang Muslim o sinumang katutubo ng mahihirap na bansa ay posibleng maging terorista. Sinasabi ng mga pelikula na puro karahasan at pananakit lang ang nasa isip ng lahat ng nakikipaglaban sa gubyerno. Sinisiraan nito ang digmang bayan at ang mga kilusang mapagpalaya sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga ito sa mga gawaing terorismo at droga. Isinasantabi at binabalewala ng mga pelikula ang lehitimong pakikibaka ng mga mamamayan. Samantala, laging inilalarawan ang US bilang isang �superman� na magliligtas sa lahat ng mga kawawa at api sa buong daigdig.

Walang katotohanan ang mga larawang ito. Sa pamamagitan ng mga imaheng ito, ang mabangis na agresyon at pakikialam ng US ay nagiging marapat at tama. Pantasyang imperyalista ang inilalako ng Hollywood sa buong mundo.

Tunay na mapandigma ang imperyalismo. Ang totoo, ang gerang inilunsad ng US ay hindi naman talaga laban sa terorismo. Sa kasaysayan � dahil napakalaking negosyo ng US ang pagbebenta ng armas � ang US mismo ang bumuo at nag-armas sa mga grupong terorista na kinakalaban nila ngayon. Ang US ang pasimuno o instigador ng di-pagkakaunawaan at digmaan ng maraming bansa. At sa rekord nito ng pananalakay at gerang agresyon, ang US mismo ang numero unong tagapaghasik ng gutom, kamatayan at takot sa kasaysayan ng modernong daigdig. Napakahaba ng listahan ng lahat ng mga nangamatay na sibilyan dahil sa pambobomba ng US sa napakaraming gera at panghihimasok na inilunsad nito sa iba�t ibang panig ng daigdig � sa ating sariling baybayin sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, sa Korea, Byetnam, sa Digmaang Gulpo sa Gitnang Silangan, sa Bosnia-Herzegovina, Afghanistan, sa Iraq kamakailan, marami pang iba. Ang imperyalistang US mismo ang numero unong terorista sa buong mundo! Ang totoo, ang �war on terror� ay isang �walang katapusang digma� laban sa lahat ng tumututol sa pandarahas at pagsasamantala ng US.

Kailangang maging kritikal o mapanuri ang karaniwang manonood sa mga eksenang dapat o di-dapat paniwalaan sa mga pelikulang ito, lalo na�t proyektong imperyalista pala ang nasa likod ng pinilakang tabing ng Hollywood. Sa panahong ito, marami na ring progresibo at rebolusyo-naryong artista at direktor ang lumilikha ng mga pelikulang humahamon sa bulok na kulturang dala ng Hollywood. Dapat hikayatin at tangkilikin ang mga progresibong pelikulang ito.

Ngunit sa labas ng mga sinehan, dapat ding tandaan na naroroon ang tunay na digmaan. Sa gerang ito, ang bida at hukbo ay binubuo ng sambayanan. Wika nga ng isang awitin �ang masa ang tunay na bayani��



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.