Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Ang Bulaklak ng Gumamela


"Kasama, magdala ka na rin ng pasalubong sa iyong mahal!"

"He-he-he," ang kantyaw ng isang kasama.

"Uuuy!" ang pamuling sabay-sabay na kantyaw ng iba pa. Nag-iinit ang pakiramdam ko kapag naiisip ko ang mga matang nakatuon sa akin.

"Heh," ang bwelta ko. "Magaling lang talaga kayong mang-inis, 'no? Inggit lang kayo." Lalong nagtawanan ang mga kasama. At sa sobrang saya, halos nabulunan ang isang kasama sa kanyang pagkain.

Hindi ko na pinansin ang pangangantyaw ng mga kasama. Inihahanda ko ang aking sarili sa limang oras na paglalakad. Medyo malayu-layo rin itong aming pupuntahan. Iskedyul ng bisita ko kay Ka Luis. Di ko na maintindihan ang nararamdaman kong pananabik.

Pagkatapos kong maihanda ang aking mga gamit, binitbit ko na ang aking pak. Kasama ko si Tay Timong, isang responsableng masang aktibista sa aming erya. Siya ang giya ko sa aking pupuntahan.

Tinahak namin ang mahabang daan. Ahon, lusong, ahon. Pagdating namin sa tuktok ng isang burol, nagpaalam si Tay Timong.

"Kas, ihi, muna ako, ha," at dali-dali itong pumunta sa isang kubling lugar. Habang hinihintay siya, bumalik sa aking isipan ang mga unang araw na nagkatagpo kami ni Ka Luis. Noon pa ma'y napagkatuwaan na kami ng mga kasama at pinagkaisahang ipares dahil kapwa kaming walang karelasyon. Marahil ay nadala rin ako sa propaganda ng mga kasama dahil sa mga sumunod na araw ay gustung-gusto ko nang nakakasama si Ka Luis. Gustung-gusto ko rin siyang tingnan kahit pa hindi siya nagsusuklay. Ang dali-dali pa niyang patawanin.

Kaya naman pagkatapos ng isang taon ng pagkakakilanlan bilang magkarelasyon, nagdesisyon na kaming magpakasal. Sinang-ayunan naman ito ng mga kasama. Hindi ko makalimutan ang huli naming pagkikita. Ang sabi niya sa akin, "Ling, kung magkalayo man tayo ng dahil sa gawain, lagi nating tandaan na tayong mga rebolusyonaryo ay tulad nitong mga bulaklak ng gumamela. Tayo rin ay dinidilig at pinapupula, ng pakikibaka at ng masang ating pinaglilingkuran."

"Day, Kas Ling!"

Ay, oo nga ano? Teka, asan na kaya itong si Tay Timong? Bakit kasi ang tagal-tagal naman niyang umihi? Lalo kaming matatagalan. Nilingon ko ang pinanggalingan ng tinig.

"Andito lang ako, kas," patuloy ni Tay Timong. Hindi maipinta ang kanyang mukha. Gaga-munggong pawis ang tumutulo sa kanyang noo, habang hinihimas niya ang kanyang tiyan. "Parang nagtatae ako, Kas Ling."

"Paano na kaya ito, 'Tay?" Natakot ako at nag-alala sa kanyang kalagayan. "Kaya n'yo pa po ba, 'Tay?" Kinuha ko ang gamot sa aking pak at iniabot kay Tay Timong. Nag-alala na ako sa aming kalagayan, lalu na't nasa liblib kami ng kagubatan.

"Huwag kang mag-alala, kas. Ganito talaga ako, madaling masira ang tiyan," sabi ni Tay Timong, sabay ngiti at nag-ayang magpatuloy na kami sa paglalakad.

Ang bilis-bilis naman niyang maglakad. Kinailangan ko tuloy lakihan ang aking mga hakbang. Sira kaya talaga ang tiyan nito?

"Pagkatapos ng burol na iyan, andiyan na tayo," ani Tay Timong, sabay turo sa burol na nasa harapan namin. Hay, salamat. Ngunit sa likod ng burol ay ilang bundok pa pala ang aming tinawid.

"Sa ngayon, ang pag-ibig ang ginagawang panukat, ngunit meron pang mas mahalaga sa lahat. Makakamtan lamang ang tunay na pag-ibig sa sangkatauhan. Kung mawawala na ang uri sa buong lipunan."
Sinalubong kami ng mga kasama. "Kumusta ka naman?" tanong ng isang kasama. Mahaba-haba rin ang aming napag-usapan sa pag-oorganisa at pagpapaunlad ng mga OG o organizing group, ng sangay ng Partido, pati na rin ng mga kilusang masa, at sa pag-aalaga at pagpapaunlad ng mga kadre. Masaya rin naming pinagkwentuhan ang pagdisarma sa isang detatsment ng pulis.

Pero naubos na ang lahat ng pwede naming pag-usapan ay wala pa ring Ka Luis.

"Kas Ling, dito ang posting ni Kas Luis, baka gusto mo nang magpahinga," ang sabi ng isang kasama. Kinuha ko ang aking pak at umupo malapit sa posting. Nagkalat ang mga libro sa duyan ni Ka Luis. "Sus, ang kalat talaga ng taong ito."

Habang inaayos ko ang mga libro at ang aking mga gamit, naulinigan kong tinatawag ako ni Tay Timong. "Nagmimiting pa pala sina Kas Luis diyan sa may bandang unahan," aniya. Napansin siguro ni Tay Timong ang aking pagkadismaya. Tila may gusto pa itong sabihin pero wala namang lumalabas sa kanyang mga bibig.

"A, ganun ho ba?" ang tangi kong nasabi. Pinakiusapan ko si Tay Timong na bukas na lang umuwi at magpatsek ap muna sa mga taga-medikal. Isa pa, nag-uumpisa na ring dumilim.

Naramdaman ko na ang pagod. Siguro dahil sa inis at pagkadismaya. Sinindihan ko ang gasera at humiga sa duyan. Kinuha ko ang isang libro at binuklat ang mga pahina nito. Paulit-ulit kong binasa ang ilang piling kataga sa Yenan Forum ni Mao. "Sa ngayon, ang pag-ibig ang ginagawang panukat, ngunit meron pang mas mahalaga sa lahat. Makakamtan lamang ang tunay na pag-ibig sa sangkatauhan. Kung mawawala na ang uri sa buong lipunan."

"Ling, kas." Tinig ni Ka Luis. Parang bumilis ang tibok ng aking puso. Biglang nawala ang antok ko. Nagtulug-tulugan. Napansin kong madilim na rin pala ang paligid. Marahil natutulog na rin ang mga kasama. Mataman kong pinakiramdaman ang mga kaluskos sa aking paligid.

"Ling, Ling, nasugatan ako, o. Ayaw maampat ang pagdugo."

Biglang napadilat ang aking mga mata. Dali-dali akong bumangon, lumabas sa aking malong at umupo sa duyan. Muntik pa akong mahulog sa lupa.

"Asan?" sabay tingin ko sa kanyang mukha habang nagtatanong. At gayun na lamang ang pagkahiya ko. Bisto ako. A, talaga namang ang linis at gwapo ng aking asawa ngayon.

"Asan ba talaga ang sinasabi mong sugat?" ang muli kong tanong sa kanya.

Pero ngumiti lang si Ka Luis. "Wala, niloloko lang kita," sabay bigay sa akin ng isang sariwang pulang gumamela. Nagtagpo ang aming mga mata. Dumaloy sa akin ang kaligayahan.

"Sori ha, tinapos pa namin ang miting. Naaalala mo ba yung problema sa bukirin diyan sa may Sta. Ines? Bukas na pala ikakasa ang kilusang masa. Kinakailangang konsolidahin ang lahat ng mga nakuhang datos." Naramdaman ko ang marahang haplos ng kanyang kamay sa aking balikat.

"Kinakailangan ding pag-isahin ang mga kasama dito at higit sa lahat, ang masa na siyang mangunguna sa ating pinakikipaglaban. Si Tatay Ikong, nangungumusta nga pala sa iyo." Napabuntong- hininga ako habang pinagmamasdan ko s'yang nagkukwento.

"Matagal-tagal ka na rin palang di nakakabalik sa Sta. Ines, ano? Di makalimutan ng masa doon ang inyong tim. Maganda nga sana kung nakaupo ka kanina sa miting pero alam naming pagod na pagod ka pa." Wala. Wala akong naintindihan sa kanyang mga sinasabi. Wala akong naririnig. Sumagi sa aking isipan ang pag-aalay n'ya noon ng pulang gumamela.

"Alam mo ba? Sa totoo lang, iyang bulaklak ng gumamela, si Tay Timong ang pumitas."

"Ano! Pambihira ka!" Umalingawngaw ang aking tinig sa buong posting. Sabay kaming napatakip ng bibig ni Ka Luis. Buti na lang, hindi nangantyaw ang mga kasama. Tahimik kaming sumabay sa simoy ng hangin at sa kagandahan ng bulaklak ng gumamela.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.