Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Sanaysay
TOC Teatro ng Masa


Sentro! Freeze! Tableaux! Mga termino sa teatro na bago sa pandinig ng mga Pulang mandirigma na masiglang lumahok sa palihan na inilunsad ng mga kadre ng Kawanihan sa Kultura.

Katatatag pa lamang ng nasabing kawanihan. Kaya sa pag-uumpisa nito, halos lahat ay eksperimental mula sa kurikulum hanggang sa porma ng mga ipapalabas.

Unang naumpisahan ang nasabing aktibidad sa hanay ng masa at saka isinunod ang para sa mga Pulang mandirigma. Mahigit tatlong buwang naglagi ang mga kasama at kadreng pangkultura ng rehiyon sa isang yunit mismo ng Pulang Hukbo. Nailunsad ang pagsasanay gamit ang mga karanasan sa hanay ng masa. Positibo ang naging epekto sa loob ng hukbo. Lalong tumibay ang pagkakaisa sa loob ng yunit at naging malikhain sila sa gawaing pag-oorganisa sa masa laluna sa eryang rekoberi. Naging mabisa din ang porma ng teatro sa kampanyang bayanihan at komunal.

Hinati sa tatlong bahagi ang bawat workshop. Ang unang parte ay kinapalooban ng mga batayang prinsipyong panteatro. Ang ikalawa ay hinggil sa kung paano magtanghal. At ang huli naman ay ang pagpapalabas sa mga karatig sityo o community tour. Sa aktwal na palabas, makikita ang bisa ng porma na ginamit, o sa ibang salita, ang epekto ng teatro sa manonood.

Tinitiyak na ang bawat palihan ay may ibinubungang pagtatanghal. Unang produkto na nga ang hinggil sa isyu ng pagmimina. Dito, hindi lamang naaliw ang masa kundi nadagdagan ang kanilang pag-unawa sa kabulukan ng mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno sa usapin ng pagmimina.

Ang ikalawa ay tungkol sa militarisasyon at Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CAHR-IHL). Nag-alab ang tapang ng masa nang kanilang malaman ang kanilang mga karapatan bilang sibilyan habang kanilang pinagtatawanan ang mga karikatura sa palabas.

Pero wala nang hihigit pa sa lahat sa pinakahuli at tampok nilang produksyon: ang isinadulang Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Ito'y mahigit isang oras na dulang-musikal ng kasaysayan at ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Nagsilbing pinakapinale ng buong palihan ang musikal. Gustung-gusto ng masa at ng mga kasama ang palabas. Anupa't mas madali nilang nasasabayan ang iba't ibang kataga ng rebolusyon sa mga awiting katulad nito:

"Tulad ng isang pana

May buntot, katawan at sima

Ang DRB ay may tatlong sandata

Ang Partido, Armadong Pakikibaka

At Nagkakaisang Prente"

Tanging teatro ng masa ang isinagawang mga pagtatanghal. Maliban sa malapit sa puso nila ang nilalaman, ang bawat palabas ay isang kilusang masa mismo. Walang humpay ang mainit na pagsuporta ng masa: mula sa pagluluto, pagbibigay ng gulay at bungang-ugat, hanggang sa paggawa ng props at entablado at ang pagtitiyak sa seguridad. Higit sa lahat, ang pagpapaunlak ng mga magulang na maging artista sa pulang teatro ang kanilang mga anak.

Ang mga karanasang ito ang naghahawan ng daan at naglilinang ng sining para sa mas makulay at mas masiglang pagsusulong ng gawaing pangkultura sa rehiyon. Malinaw na ang gawaing pangkultura ay nakakatulong sa pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos ng masa. Kung kaya naman, naging likas na rin na sa bawat pagtatapos ng palabas ay may mga nagpapahayag ng kagustuhang sumampa sa BHB. Kaya naman, sa tuwina'y may naiiwang dakilang awitin, tula, ningning at kislap sa isip at puso ng masa at ng mga kasama.

Ganito ang kapangyarihan ng teatro ng masa. Hindi man kasing halaga ng iba pang gawain tulad ng pag-oorganisa at edukasyon, agraryong rebolusyon o armadong pakikibaka, ang teatro at iba pang gawaing pangkultura ay mga piyesang di maaaring mawala sa pag-andar at pagsulong ng buong rebolusyonaryong makinarya.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.