Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ngayon hanggang bukang-liwayway
TOC Liham


Disyembre 11, 2001

Mahal kong anak,

Merry Christmas sa iyo, anak. Kamusta ang pagdiriwang ninyo ng Tatay mo para sa Pasko? Pagpasensyahan ninyo ang aking padalang pa-Christmas para sa noche buena at bagong damit. Napakahirap gawin ang sulat na ito dahil hindi na naman kita makakapiling ngayong Kapaskuhan kagaya ng iyong pangarap na magkasama tayo.

Matagal-tagal na rin akong hindi nakakauwi, kagaya nitong darating na Pasko. Pasensya ka na talaga anak. Ako'y matagal nang nagtitiis at nalulungkot dito at gusto kitang makapiling kasama ng Tatay mo dyan sa atin. Pinangarap kong magkasama man lang tayo kahit na ngayong Pasko pero hindi ako pinayagan ng aking amo at kung ako ay magpipilit na umuwi, matatanggal ako sa trabaho ko at lalo lang tayong mahihirapan.

Sa totoo lang, gustung-gusto na kitang makita. Ang laki-laki mo na sa mga picture na pinapadala ni Tatay.

Sana maintindihan mo ako anak. Para sa atin at lalong para sa iyo ang pag-aabroad ko. Basta isipin mo lagi na kaya nagtitiis si Nanay dito sa abroad ay para sa iyong magandang kinabukasan.

Katulad din sa pagkilos ko dito. Alam ko hindi mo pa rin gaanong nauunawaan pero kahit dito, may inoorganisa kami. May kumausap kasi sa akin. Mga kasama. Katulad ng mga bumibisita sa atin sa probinsya pero wala nga silang armas. Pero ganoon din ang programa nila. At kung yung layunin ng mga kasama diyan ay tulungan tayo sa pagsasaka ng lupain niya -- dito naman, tinutulungan nila kami sa usapin ng amo. At nililinaw din kung ano yung tanging paraan kung paano kami makauwi diyan for good.

Wala tayong maaasahan talaga sa gubyerno, anak, bilang magsasaka o bilang migrante.

Kailanman, hindi magkakaroon ng makabuluhang programa ang gubyerno para sa pagpapanatili ko diyan sa probinsya. Dahil sa tinatawag na Labor Export Program ng pamahalaan, lalo na ni President Macapagal-Arroyo, patuloy ang pagkakalakal sa amin. Kami lang kasi ang nakakapagpadala ng bilyun-bilyong dolyares sa Pilipinas. Kaya ngayon, ang iyong nanay, ay kabilang din sa libu-libong manggagawang Pilipino na kinakalakal at ine-export ni Pres. Arroyo. Kaya di rin ako lumayo sa bukid natin. Ginawa pala akong parang palay na in-export sa ibang bansa!

Tuwing linggo kami nagmi-meeting dito kasi ito nga lang yung day-off namin. Sabik din akong makita sila. At sa mga activities namin, the whole week kasi, para kaming preso na nasa bilangguang bahay ng aming amo. Hindi nga ako pinapayagang lumabas, makipag-usap sa mga kapitbahay na katulong at bihira ang panahon na natitikman ng balat ko ang sikat ng araw.

Kaya pagdating ng linggo, parang pinalaya ako talaga. Kaya kahit kaunti lang ang oras ko, agad akong pumupunta sa tambayan ng mga kasama para makipagkita sa kanila. Sa mga talakayan, pag-aaral at pagkilos nila, namin, doon ko nakikita kung paano talaga ang maging malaya. Malaya nang hindi lamang for one day, pero habang-buhay.

At hindi lang para sa atin, kung hindi para sa sambayanan. Kaya mahal kong anak, sana makita mo rin ang kahalagahan ng aking pagkilos dito.

Kahit nasa labas ako ng bansa, at napakalayo na mula sa magsasakang pinapawisan sa bukid at manggagawang inaabuso sa pabrika, dala-dala ko pa rin ang adhikain nila. Bilang isang magsasaka at manggagawa hangad ko rin ang tunay na kapayapaan at demokrasya para sa ating mamamayan. Hanggang ngayon, nangangarap pa rin ako.

At kapag nakikita ko ang mga kasama tumitibay ang aking pananalig sa mga mithiin ng ating bayan. Hindi ko iniwan ang mga pangarap na iyon sa pagsakay ko ng eroplano.

Kaya araw-araw, lalo na tuwing linggo, binubuhos ko ang aking panahon sa pag-aaral at mga gawain sa kilusan. Dahil alam ko na darating din ang araw na magkakasama tayo at ng ating bayan.

Nagmamahal,

Nanay



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.