Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC Ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar


Nagsimula ang nobela sa isang mainitang pagpupulong sa Opera house.

Magkasintahan sina Luis Gatbuhay at Eduarda Gutierrez. Isang empleyado at matapang na lider-manggagawa si Luis sa isang kumpanyang pag-aari ng isang Amerikanong si Mr. Kilsberg. Si Eduarda naman ay anak ni Don Nicanor, isang pusakal na sugarol at panatikong relihiyoso. Ang makauring tunggalian ang sentral na pokus ng istorya.

Pipilitin ni Don Nicanor na ipakasal si Eduarda kay Rojalde, isang mayamang mestizo na pinagkakautangan ni Don Nicanor dahil sa pagsusugal nito. Pumayag si Eduarda para mabayaran ang utang ng ama. Pero nagsama muna ang dalawang nag-iibigan bago ang kasalan. Makukulong si Luis sa manipulasyon ni Rojalde.

Nagtapos ang nobela sa isang pagsabog at sunog sa Kamaynilaan. Tinamaan dito si Luis habang katabi niya si Eduarda at ang kanilang anak. Bago mamatay si Luis, nakita niyang nilalamon ang Maynila ng malaking apoy, kasama na ang bahay ni Rojalde.

Sinisimbolo ng apoy ang pangangailangang radikal na pagbabago sa lipunan. Samantalang ang sanggol ay nagpapahiwatig ng bagong pag-asa, ng patuloy na pakikibaka.

Narito ang sipi mula sa isang kabanata ng nobela:

"Sa gabing pagkaapi ng isang dukha ay sumunod ang isang sikat ng araw na kaaya-aya. Ang tala ng Pasig ay nagbabangon pa lamang sa kanyang pagkakatulog. Ang kanyang mga lansangang wala pang tao at bahagya nang pinasisigla ng mangisa-ngisang karo ng tinapay ay walang pinag-ibhan sa mga daraanan sa loob ng isang ospital na bawa't bahay, malaki man at munti, ay tulad na rin sa mga hihigang pinagpapahingahan ng mga may-sakit. Wari sa gayong di pag-imik at pagpapakapipi ay ibig pagtakpan ang lahat ng sugat, ang lahat ng baho, ang lahat ng kabulukang itinatago sa kanyang sinapupunan. Sa gayong anyo ay walang magsasabi na ang bayang natutulog ay binubuo ng kakaunting mapapalad at maraming mga sawi, na doon sa maliliit nilang dampa at giring-giring na tahanan ay nanga-iisip kung talaga ngang katutubo na sa buhay ng tao ang di pagkakapantay-pantay sa kalagayan, o kaya nama'y nangyayari ang ganitong pagkakalayo dahil sa masasamang palakad sa pinopoon ngayon sa alin mang dako.

Unti-unting nadaragdagan ang sigla sa mga lansangan at sa mga bahay-kalakal at gawaan ay nag-uunahan sa pagbubukas ng kani-kanilang pinto upang lulunin ang daan-daang manggagawa na pagkabangon sa banig ay wala nang inaagapan kundi ang huwag mahuli sa pagpasok at nang di nangababawasan ng sasahurin."

Kay Mr. Kilsberg magpapahayag si Luis:

"...Kataksilan bang ipinalalagay ninyo ang pagtuturo sa mga manggagawa ng kanilang karapatan?" ang pabiglang tugon ni Luis na sa gayong mga isinusumbat ay walang kabakla-bakla. "Kataksilan bang maipalalagay ng sino mang may malamig na isipan ang pagtuturo sa mga manggagawa na kailan ma'y api, ng tamang kaparaanang ikaiilag nila sa napakalupit na paniniil ng puhunan? Hindi ko akalain, maginoo," ang tuloy na salita ng binata, "na ang aking pag-akay sa mga manggagawa rito, ang paghikayat kong magtayo sila ng isang kapisanang mapaninimbulanan kung magkasakuna, ang pagnanais kong sila-sila'y magdamayan at mangatuto ng pagsasapi-saping saan mang dako'y siyang itinitibay ng kalagayan ng mga maralita ay inyong masamain at ipalagay pang isang pananaksil."

..."Nagkakamali kayo, maginoo," ang biglang putol ni Luis na nasaktan nang labis sa gayong pagyurak sa dangal ng mga maralita. "Kami'y may katawa't ulong ikinararamdam at ikinakikilala sa kalupitan ng mga mamumuhunang hindi kaya lumilingap sa amin ay dahil sa awa, kundi sapagka't kami ang kasangkapang kinakailangan nila sa pagkakaroon ng marami pang salapi. Kung kaawaan ang nag-aakay sa inyo sa pagbibigay ng aming magagawa, ay hindi na sana maririnig kailan man ang tuwina'y panagot na: Wala kang mapapasukan ngayon dito pagka't hindi kulang ang aking manggagawa, sagot na katimbang din ng pagsasabing: Hindi ko kailangan ang iyong lakas, marami ako ring binubusabos. Iyan ang dahilan ng aming mga pagtutol: ang pagpapalagay ninyong kami'y mga alipin, hindi kapwang dapat pagpakundanganan."



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.