Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Mga Tula at iba pa
TOC Harinawa


Ngayon, nais ko sanang tumuklas muna ng ilang talinghaga ng muling paglakas ng bayang nakikidigma; nais kong namnaming kusa ang sariwang wika ng maaamong katutubo at mga tunay na kapanalig, ng mga magsasakang walang kamatayang nag-aaruga sa lupang nagbabaga at mga anak ng bayang dakila, ng mga manggagawang walang humpay sa paglikha ng mga kalakal at ng makauring lakas ng paglaya.   Ngunit, mga kaibigan ko't kasamang artista at manunulat, ako'y may nais sanang sa inyo ngayo'y ipagtatapat: Ang totoo mga kasama, sadyang hirap ako sa pagtula, hirap din sa pagpinta, huwag nang banggitin pa; minsa'y tinatamaan ng katamaran, ng pagkayamot. Nakahihinayang, mga kasama, sa tuwing maaalala ko na kasingtanda na pala ng lupang pinagpapaguran ang kanilang mga hinaing at pakikibaka. Taus-puso kong inaamin mga kasama na ako'y sadyang natutulala...   Kaya mga kaibigang artista at manunulat, nais ko sanang magpatulong sa inyo - ang mamulot ng mga bagong katha sa dinaraanang parang at liwasan; ang maglubid ng himig at mga salitang nagmumula sa mga alamat ng pakikibaka, ng mga alaala sa mahabang talaan ng mga kasamang nagbuwis ng buhay; At higit sa lahat: ang umani ng ginintuang butil ng mga pangarap na pinagpapawisan ng masa sa mga bukirin, pagawaan at kanilang mga tahanan.   Mga kasama, harinawa, ang ningning at kislap ng ating yaman ay maging sapat upang pagliwanagin, pasiklabin ang natutulog na mga damdamin upang ang mga salita at tinig, taludtod at diwa na dumadaloy sa ating katauhan ay maging tanglaw at sandata ng masa sa kanilang pakikibaka sa kanilang paglaya.  


Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.