Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Agosto 1999
Sanaysay
TOC Panitikan at Paninindigan*


*Isinulat sa loob ng piitan ng Fort Bonifacio at binasa sa isang kumperensya ng UP Writer�s Club noong 1983.

Nais kong ipaabot ang pinakamainit na pagbati sa aking mga kasama sa UP Writers� Club. Hinahangad ko ang tagumpay sa lahat ng inyong pagsisikap na lumikha ng mga bagong akda, magpa-unlad ng inyong kahusayan sa pagsusulat at maunawaan ang kaugnayan ng panitikan sa lipunan.

Kahit bilang malikhaing manunulat, hindi ninyo lubos-maisip kung gaano ako kasabik na makasama kayo sa mga talakayan. Syempre, higit tayong makakapagpalitan ng kuro-kuro kung magkakaharap. Sa anu�t ano man, kahit ako�y nakapiit ngayon sa kulungan, maaari akong makapagbahagi sa inyo ng ilang ideya sa inyong talakayan ukol sa panitikan at paninindigan.

Sa tingin ko, may kabuluhang panlipunan at pangkultura ang dakilang panitikan sa iba�t ibang panahon sa daigdig at ang mga pangunahing akdang naisulat sa kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas dahil naninindigan ang mga ito sa adhikaing lumaya at sumasalamin, nang may malalim na pag-unawa, sa kalagayang panlipunan at sa pakikibaka para sa higit na kalayaan.

Batay sa kongkretong katibayang-pangkasaysayan, hinihikayat ko ang lahat ng malikhaing manunulat na Pilipino na ilaan ang kanilang puso, isip at akda sa pakikibaka para sa kalayaan. Walang alinlangang magiging makabuluhan ang kanilang akda dahil sinasalamin, pinayayaman, at binibigyang inspirasyon ang pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Dapat mas epektibo kaysa nakaraan ang paglilingkod ng panitikan sa sambayanan.

Ang pinakamahahalagang usapin at tunggalian sa lipunan ay nananawagang matukoy, mailahad, at malutas sa mga akdang pampanitikan. Ang sambayanan ay pinahihirapan ng mapaniil na pasismo � na mapait na bunga naman ng pyudalismo at dominasyon ng dayuhan� sa mabilis na lumalalang krisis pampulitika at pang-ekonomiya; at magiting silang nagbabalikwas upang igiit ang kanilang pambansa-demokratikong karapatan at ipaglaban ang kanilang kalayaan.

Para sa mga malikhaing manunulat na Pilipino ngayon, wala nang mas mayaman pang bukal na mapagkukuhanan ng tema at mga sangkap kaysa ang tumatalas na tunggalian ng reaksyon at rebolusyon. Wala nang mas mabuti pang paraan upang isulong ang panawagan para sa kalayaan sa panitikan ng Pilipinas kundi ang paksain ang kasalukuyang atrasadong sistemang pampulitika at ang paglago ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa kalayaan ng sambayanan.

Kapag binanggit ko ang sambayanan, ang tinutukoy ko ay ang masang anakpawis na manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong puwersa tulad ng petiburgesyang lungsod at pambansang burgesya. Mula sa mga uring ito ay may isang magbibigay ng pinakawasto o posibleng pinakamatalas na pagtanaw para sa mga malikhaing manunulat.

Ang tinutukoy ko ay ang uring manggagawa. Hindi lamang ito ang produktibong taliba para sa industriyalisasyon at modernisasyon kundi ito rin ang batayan ng pinakaprogresibong pananaw sa daigdig at pamamaraan upang maunawaan ang lahat ng pwersang panlipunan at ang pagsulong ng mga ito sa kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon at pati na sa kalauna�y sa sosyalistang rebolusyon.

Hangga�t nagkakasundo ang dalawang ideolohiyang ito sa kahalagahan at bisa, ang rebolusyonaryong liberalismo ng makabayang seksyon ng burgesya ay pumapangalawa sa proletaryong ideolohiya. Gaya nang napatunayan mula nang magapi ang lumang demokratikong rebolusyon, hindi na maaaring manguna ang rebolusyonaryong liberalismo sa muling pagpapalakas ng rebolusyong Pilipino. Kung nag-iisa ang rebolusyonaryong liberalismo, hindi nito magagapi ang maka-imperyalistang liberalismo na upisyal na ideolohiya ng estado ng malaking kumprador-panginoong maylupa.

Isang malaki at mapagpasyang bentahe para sa malikhaing manunulat sa Pilipino ang yakapin ang proletaryong pananaw. Sa pamamagitan nito, nauunawaan nang husto ang pang-ekonomya, pampulitika, at pangkulturang aspeto ng lipunan at napapatalas ang batayan at tunguhin na umiiral sa ilang kontradiksyon: sa pagitan ng pwersa at relasyon sa produksiyon; sa pagitan ng pinagsasamantalahan at mga nagsasamantalang uri; sa pagitan ng estado at sambayanan; at sa pagitan ng reaksyunaryo at rebolusyonaryong kultura.

Ang proletaryong malikhaing manunulat ay may malawak at malalim na pag-unawa sa obhetibong panlipunang realidad at nagiging isang rebolusyonaryong tagapagtaguyod ng dakilang pakikibaka para sa kalayaan, katarungan, at kaunlaran. Kung sa pag-iisip, nahihigitan niya ang makasarili, makitid, at putul-putol na kaalaman ng isang hindi nagpapanibagong-hubog na petiburges na intelektwal, at syempre, ang malaon nang atrasadong pyudal na mga ideya at pagpapahalaga.

Ngunit isang bagay lamang ang magkaroon ng wasto at progresibong kaisipan at pampulitikang pananaw. Ibang bagay din naman ang paglikha ng pinakamahusay na akdang pampanitikan. Ang husay sa pagsulat ay nangangailangan ng masining na imahinasyon. Nakapaloob dito hindi lamang ang isip kundi ang natatanging kaisahan ng isip at damdamin; ng laman at anyo; ng paksa at estilo; at iba pa.

Sa paglikha ng makabuluhang akda, ang proletaryong malikhaing manunulat na gumagamit ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri ay may bentaheng maunawaan ang karaniwan mula sa kalat-kalat na panlipunang realidad. Ngunit tungkulin niya, tulad ng lahat ng malikhaing manunulat na may iba�t ibang pananaw, na isakongkreto at bigyang-buhay sa masining na paraan ang karaniwan at konseptwal.

Ang batayang materyal ng isang malikhaing manunulat ay ang salita na bukod sa may isang tiyak na kahulugan ay may iba pang kahulugan. Ang mga anyo at pamamaraang pampanitikan ay nagpapatingkad kapwa sa isip at damdamin, gayunman may pagpipigil dito upang magkaroon ng katiyakan, hiwaga at ganda. May likas na diwang ispontanyo ang lahat ng anyong pampanitikan ngunit mayroon din namang diwa ng disiplina na kailangan ng paksa at pagpapaunlad nito.

Ang malikhaing sanaysay ang pinakamalinaw na paglalatag ng mga ideya sa pamamagitan ng mga punto at kontra-punto kahit halaw sa kongkretong obserbasyon ang matinding damdamin. Ang pagbibigay-buhay sa karanasan ng tao at ang kahusayan ay higit na tumatalas sa mga prosa at dula dahil sa ugnayan ng mga tunggalian sa pagitan ng mga tauhan o maging sa loob mismo ng mga tauhan. Higit namang nagkakaroon ng tensyon ang damdamin at isip sa tulang may kakaunting salita, gayunman may mas hayag na diwa ang mahabang tula kaysa maikling tula.

Ang malikhaing pagsulat ay isang gawaing lubhang suhetibo; pinagsasanib nito ang isip at damdamin. Isa ito sa pinakamatalas at pinakamataas na produkto ng kamalayan ng tao. Isa itong mahalagang sangkap ng kultura na angat ngunit hindi hiwalay sa ekonomiya at pulitika. At ang kultura ay sumasalamin at nakaugnay kapwa sa ekonomya at pulitika.

Sa kasaysayan ngayon, lubos na sinasalamin ng proletaryong malikhaing pagsulat sa kasaysayan ngayon ang kalagayang panlipunan, ang pakikibaka at mithiin ng sambayanan, lalo na ng mga anakpawis na manggagawa at magsasaka. Gayundin naman, ito ay nagbibigay-sigla at tumutulong sa paglilinaw sa rebolusyonaryong tunguhin ng mamamayan. Pinahahalagahan nito ang mga bayani at dakilang kaisipan mula sa karaniwang mamamayan at rebolusyonaryo na kundi man minamaliit ay binabalewala o tinututulan ng mga di proletaryong malikhaing manunulat.

Sa Pilipinas ngayon, ang burges na malikhaing pagsulat ay may dalawang pangunahing kategorya ng manunulat: ang rebolusyonaryong liberal at ang maka-imperyalistang liberal. Kinikilala ng mga proletaryong malikhaing manunulat ang kritikal na realismo, syentipiko, at demokratikong pagkiling ng rebolusyonaryong liberal. Gayunman, syempre, tinututulan kapwa ng proletaryong malikhaing manunulat at rebolusyonaryong liberal na manunulat ang sagad-sagaring reaksyunaryong laman ng mga akda ng maka-imperyalistang liberal, kahit namumukod-tanging magaling ang estilo.

Ang programang �sining para sa sining� ay bunga ng suhetibismong burges at maka-imperyalistang liberalismo, kahit gaano pa man nagkukunwari na hiwalay ito sa alinmang uri. Isa itong pagkalulong sa pangingiliti sa sariling isip, isang paglalako ng kamangmangan at pagkauyam sa pulitika, o paglalakbay sa pantasya dala ng pagkahumaling sarili. Ang islogan na �sining para sa sining� at mga obrang produkto nito ay nagpapakita ng layaw ng ilang manunulat na petiburgesya na hindi nagpapanibagong-hubog.

Ang posibilidad ng malikhaing pagsulat mula sa rebolusyonaryong proletaryong pananaw ay nagsimula noong 1930 nang magbinhi ang Marxismo sa Pilipinas. Ilang proletaryong akdang pampanitikan na may iba�t ibang antas ng kalidad ang naisulat noong dekada �30 at sa unang bahagi ng dekada 40. Ngunit noong mga huling taon ng dekada �50 pataas, lalo itong sumigla at ibayo pang tumingkad pagpasok ng dekada �70 hanggang sa ngayong dekada �80. Kabilang dito ang mga akda ng yumaong Amado V. Hernandez at ng marami sa mga batang manunulat ngayon.

Ang proletaryong malikhaing pagsulat ay tagapagmana ng kolektibong diwa ng bayan na nasa katutubong panitikan; ang kritikal na realismo sa romantikong alegoryang Florante at Laura ni Balagtas; ang pagpabatikos sa istruktura at gawi ng lipunan, at ang anti-kolonyalismo at demokratikong layunin ng Noli at Fili at mga sanaysay ni Rizal; ang anti-Amerikanong mga dula na may makabayang diwa sa mga unang taon ng kolonyal na paghahari ng US; at ang kritikal na realismo at demokratikong diwa na nasa maikling kuwento, nobela at tula sa mga dekada ng ika-20 siglo.

Habang lumalakas at sumusulong ang rebolusyonaryong kilusan ng sambayanan, ang produksyong pampanitikan ng mga proletaryong malikhaing manunulat, sa lahat ng anyo, ay tiyak na darami at tataas ang antas ng kasiningan ng mga ito. Ang kanilang pananaw, paksa, bayani, kuwento at direksyon ay nagpapasigla sa matalas na interes ng pinakamalawak na mambabasa at awdyens � ang masang anakpawis.

Ang paggamit sa pambansang wika ay may mapagpasyang papel sa pagpapasigla kapwa sa paglikha ng proletaryong panitikan at sa interes ng masa sa mga proletaryong akdang pampanitikan. Ito rin ang maghihiwalay sa mga sagadsaring maka-imperyalistang liberal at iba pang reaksyunaryong malikhaing manunulat na nais magpanatili ng kanilang teoryang pampanitikan at panlasa na mula sa reaksyunaryong burgesya na mga aklat sa Ingles dulot na rin ng pangingibabaw ng kulturang US.

Ang ganap na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang magtitiyak na mamamayani ang makabansa, syentipiko, at pangmasang kultura at ng pinakapaborableng kundisyon upang higit na mapayabong ang proletaryong malikhaing pagsulat.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.