Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Sanaysay
TOC Ang Maging Isang Rebolusyonaryong Artista


Nagmula sa uring petiburgis. Naging aktibista sa kolehiyo at nang malao'y naging rebolusyonaryong kadre. Sa simula pa lang, ang pagsapi niya sa kilusan ay hindi lang dahil sa nakikita niyang matinding kahirapan ng masa. Nariyan ang naramdaman niya ang pangangailangan na ialay ang kanyang talento sa sining para sa masa.

Marahil, hindi na ito bago at kakaiba sa marami. Pero para sa isang katulad ni Ka Lenny hindi simple ang lahat.

Sino si Ka Lenny? Isang rebolusyonaryo bilang artista o isang rebolusyonaryo bilang babae? "Ah, basta. Ako ngayon ay isang rebolusyonaryong artista, babae, Pulang mandirigma, kadre at kasama." Ganito ang paglalarawan niya sa kanyang sarili.

Ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang nagbunsod sa maraming masang aktibista at kadre mula sa sektor ng kabataan-estudyante upang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Isa na rito si Ka Lenny. Tumungo sa kanayunan, una bilang exposuree hanggang sa nahimok ng mga kasama na kumilos na nang pultaym.

Sa umpisa ay mabibigla si Ka Lenny. Ayon sa kanya, "Kuntento na ako noon sa pagiging aktibistang masa dahil marami pang puwang, panahon at pagkakataon para ihiwalay ang aking sarili at ang aking sining sa rebolusyon". Nagpupumiglas pa siya sa ideya ng isang entidad na gaya ng Partido na manghihimasok sa kanyang buhay at sa nililkha niyang mundo. Ano pa kaya ang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan?

Pero naisip-isip ni Ka Lenny na kung lilikha man siya ng sining na para sa masa, paano kaya niya ito magagawa? Ano pa ba ang mas mainam kung hindi ang sumailalim sa gabay ng taliba ng proletaryo? Kaya naman nang siya'y kulitin ng mga kasama na magpaiwan at mapadeploy na sa kanayunan, hindi na nagpapigil si Ka Lenny. Kung tutuusin hindi na siya kailangang kulitin pa dahil sa piling ng masa at mga kasama, nagkaroon ng ibang kabuluhan ang kanyang pagiging isang artista.

Siya'y naging isang Pulang mandirigma. Napasama sa isang Sandatahang Yunit Propaganda ng Bagong Hukbong Bayan. Gumampan ng gawaing masa. Sumabak bilang isang artista at sa iba't ibang linya ng gawain ng Partido.

Mula dito ay maraming bagong bagay siyang matututunan. Natutunan niyang tanggapin ang mga limitasyon at arogansya ng uring kanyang pinanggalingan. Natutunan niya ang lengguwahe ng masa, ang ABAKADA ng pakikibaka, at ang lumaban. Sa maraming pagkakataon, sa pakikisalamuha niya sa masang magsasaka at mga Pulang mandirigma, kanyang mararanasan ang tunay na kahulugan ng pagpapakasakit, sakripisyo at kamatayan.

Kanyang makikilala na bagamat siya'y sumampa sa Hukbo upang ialay ang kanyang talento sa sining, ang masa pala ang siyang tunay na mga dalubhasa sa pagbibigay ng buhay at kulay sa sining at panitikan. Sila na kahit walang pormal na pagsasanay ay nakahahabi ng mga rebolusyonaryong awitin at larawan ng kanilang buhay at pakikibaka.

Pero hindi nga ganun kasimple ang lahat para kay Ka Lenny. Ang desisyon na magpultaym sa Hukbo ay dumating matapos ang mahabang proseso ng pagdadalawang-isip, pakikitunggali sa sarili, ng pagbalik sa mapait na kahapon (dahil minsa'y naging biktima ng abusong pisikal at sekswal), at ng pagsasabuhay ng mga pangarap ng isang artist.

Noon pa ma'y pinangarap na ni Ka Lenny na maging isang artista upang takasan ang masasakit niyang nakaraan at magpakayaman. Bagamat hindi natural para sa lahat ang maging tiyak sa kanilang mga balak sa napakaagang edad, bata pa lamang ay ginawa na niyang parang karet ang lapis, ginagapas ang papel sa nakikita ng kanyang mga musmos na mata. Ginamit niya ang "kanyang sining" bilang paraan ng pagpapahayag ng sariling kasiyahan, kahit sa ang totoo siya'y masalimuot, temperamental at may problematikong kabataan.

Sa pamamagitan ng sining, pinilit niyang gawing mabuti at maganda ang mga negatibo niyang karanasan. Ginawa niya itong lagusan ng kanyang mga kasiyahan at pananaig sa personal niyang digma, pagkamalay sa sarili, sa kakayanang makapagpapabatid at umunawa. Sa kabilang banda ito rin ang ginawa niyang pansala sa realidad. Naglagay siya ng mga hadlang laban sa mga tao, ideya at pangyayari sa kanyang paligid nang hindi niya namamalayan. Gumawa siya ng sariling mundo upang hindi masaktan ng buhay at tinanggihan ang paghingi ng tulong. Sa maikling salita, "Ako'y naging indibidwalistang artista," dagdag pa ni Ka Lenny.

Aniya pa niya, "Hindi lamang ako naging indibidwalista, naging masugid din akong burgis na materyalista. Naniwala sa kredong "art for art's sake" ng akademya (isang pananaw na ang sining ay hiwalay sa pulitika at lipunan), naging lumpeng kulturati at maangas. Mangangarap na maging susunod na Antonio Luna-temperamental ngunit may talento. Gusto ko pa sana noong kumuha ng study grant sa ibang bansa; maging laman ng mga art gallery, kumuha ng masteral degree o mag-imbento ng bagong kilusan sa sining at magpresyo ng libo para sa aking mga trabaho. Pinaggiitan ko na ang sining at panitikan ay hindi nasasakop ng tunggalian ng mga uri."

Sa ngayon, si Ka Lenny ay isa pa ring artista. Pero hindi na para may takasan o magpakatanyag. Artista dahil kanyang minamahal ang proletaryado at ang masa. Umaambag siya sa pakikibaka ng sambayanan, nagpupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos ng masa, lumilikha ng mga rebolusyonaryong obra, ginagamit ang kanyang kakayahan sa paggawa ng mga gabay sa pag-aaral at gumagampan ng iba't ibang tungkulin sa rebolusyon. Mas maluwag na niyang natatanggap na sekundaryo ang kanyang pagiging artista dahil higit sa lahat siya'y isang rebolusyonaryong kadre. Bagamat hindi niya tinatawaran na sa pagiging rebolusyonaryo, siya ay artista pa rin.

Madalas nating naitatanong ang "Para kanino ang sining?" at lagi nating inuulit na ang sagot ay laging "Para sa masa, tungo sa masa". Napakasimpleng pakinggan. Pero iisa lamang ang laging paalala ni Ka Lenny sa mga artista at manunulat ng bayan na nais maging rebolusyonaryo. "Ako'y laging mapagbantay sa sarili sapagkat ang pagpapanibagong-hubog at internal na pakikibaka ay walang katupusan, gaya ng ang rebolusyon ay isang nagpapatuloy at walang katapusang pakikibaka.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.