Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2000
Pabula
TOC Ang Halimaw sa Yungib


Noong unang panahon, may isang baryo na kung tawagin ay Baryo Masayahin. Masayahin kasi ang mga naninirahan dito dulot ng masagana nilang kabuhayan. Mataba ang lupang kanilang sakahan kaya mayabong ang mga pananim. Masisipag ang magkakapitbahay. Bukod sa malawak ang mga sakahan, maunlad din ang paghahayupan. Labis-labis ang ani mula sa gubat. At hindi natutuyo ang bukal ng malinaw na tubig na maiigib para sa bahay. Ganoon din kahit gawing patubig sa tumana. Sapagkat sagana rin sa pagkain, malulusog ang pangangatawan ng mga tao. At palaging masigla ang kanilang samahan. Ngunit isang araw, may kalungkutang sumulpot sa Baryo Masayahin. Nagsimula ang problema sa pagkawala ng mga manok, baboy, kalabaw, baka at iba pa. Pagkaraan, sumunod ang pagkapinsala ng mga pananim sa sakahan. Di nagtagal, kumunti ang nakukuha nilang mga produkto sa gubat. Unti-unti na ring natuyo ang mga sapa at ilog.

"Ano kaya ang kalutasan ng problema nating ito?" tanong ni Mang Kardo sa kapwa mga magsasaka. "Mahirap, tuliro kasi tayo kumbakit nagiging ganito ang kalagayan natin. Kailangan nating pag-aralan kung ano ang pinagmulan ng problemang 'to at kung bakit natin kailangang gawan ng paraan!" ang sagot ng nalilitong mga magsasaka.

Isang araw habang naggagamas si Mang Kardo sa kanyang maisan, nakarinig siya ng matinis na huni ng ibon. Sa buong buhay niya, noon pa lamang siya nakarinig ng ganoon kahimig na huni. Mayamaya, nakita niya ang pulang ibon na lumipad pagubat. Sinundan niya ito hanggang makapasok sa yungib. Sa loob, walang ibon na nakita si Mang Kardo. Ngunit may kakaibang nilalang na tumambad. "Nakupo! Anong klaseng hayop 'to?" Nakakikilabot, isang halimaw na tatlo ang ulo, nanlilisik ang mga mata, puro kaliskis ang katawan, mahahaba ang kuko at may buntot na gaya ng sa buwaya. Pinanindigan ng balahibo at nabalisa si Mang Kardo. Gayunman, sinikap niyang panghawakan ang sariling ulirat. Nagkubli siya sa bato, habang nagmamasid, nasusulasok siya sa malansang amoy galing sa sulok na kinaroroonan ng halimaw. Sa may paanan nito'y nagkalat ang maraming buto ng manok, baboy, kalabaw, baka at iba pa. Nagkalat ang mga palay, mais, saging, kamote at iba pang prutas sa gubat. Nang makatyempo, kumaripas palabas ng yungib si Mang Kardo patungong baryo.

"Mga kasama, nakita ko na ang ugat ng ating problema. Ang halimaw sa yungib!" pahangos-sigaw ni Mang Kardo. "Patayin ang halimaw sa yungib!� ang pakorong tugon ng mga magsasaka. Naghagilap agad sila�t nagsibitbit ng itak, sibat at iba pang pwedeng gawing armas. �Patayin ang halimaw sa yungib! Patayin ang halimaw sa yungib!� Agad at mabilis na kumilos ang lahat: matanda, bata, lalaki at babae ay dumamay at sinugod ang halimaw sa yungib. Asintadong pagkakaisa, tapang at determinasyon ang iniunday ng bawat puso at kamulatan ng lahat para lipulin ang halimaw: saksak sa dibdib, saksak sa tiyan; taga sa leeg, taga sa biyas; sapul sa ulo, sapul sa puso ang hayop mula sa sigasig ng lahat hanggang sa lumungayngay ang kaaway.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.