Hindi mo mahahawakan
nang mahigpit ang duryan.
Iigkas ito, at iuulos ang tinik
na depensa ng buong katawan.
Sanlibo't isang magpapadugo
sa gahamang kamay
na nagtatangkang dumurog
sa kanyang kalamnan;
Ang bawat bakal na tinik
ay iisang bigwas na idadagok
sa ulo ng kasakiman.
Hindi mo masasaklawan
ang duryan. Laging hawak
ng laman nito ang inisyatiba ng kataasan;
nakakubli sa kadawagan, mga dahong
berde at dilaw.
Pupwesto ito doon sa mga burol, sa mga lambak,
kung saan naroroon ang nagtutunggaling
lamig ng pagsibol at init ng pamumunga;
Magsusupling ang mga butong inihasik
ng mulat at kusang paglaglag, at pagkalat,
upang umugat nang malalim
sa lupang inaaruga ng araro't kalabaw.
Kasuknong ng palayang
unti-unting nagkukulay rosas
at pumupula.
Hindi mo maikukulong
nang matagal ang duryan.
Tatakas at tatakas ito
at kakanlungin ng hangin
ang kanyang samyo't kaanyuan.
Maglalakbay ito sa mga bibig
na sinabik ng taggutom,
at doon ay mamamalagi
upang magkalaman ang
sikmurang pinanganga ng karukhaan.
Hindi, hindi mo mapipiit
ang duryan. Pupuslit at pupuslit ito
sa mga bukirin at mga pabrikang
namihasa sa amoy ng kaapihan.
|