Kapitalista:
Ano ang mamahalin at mumurahin?
Mahal kung bilhin ang mahirap hanapin,
Mababang presyo kung sa gilid pulutin,
'yan ang batas di maaaring baliin!
Mura pag marami, mahal pag kaunti
Pamilihang-batas na di mababali,
Sa dami ng manggagawang naglipana
Lakas-paggawa ay talagang bababa.
Manggagawa:
Binansagan kaming aliping sahuran
Tinig nami'y di pinahahalagahan
Hindi raw kami tao kundi kalakal
Buhay nami'y takda ng sahod na bigay.
Salaysay ng makauring tunggalian
Isinasabuhay namin nang lubus-lubusan
Pagtaas ng sahod ay marapat kamtin
Kung tutuusin ito'y talagang amin.
Kapitalista
Kapag sa mura ay mataas ang singil
Para na kaming tinutukan ng baril
Mga tubo nami'y magsisibabaan
Ang sasapitin namin ay kalugihan
Mga pabrika nami'y magsasarahan
Gutom na lang ang sa inyo'y maiiwan
Masaya kami kahit nakatunganga
Kayo nama'y patay kung walang paggawa.
Manggagawa
Ano 'yang tubo na inyong sinasambit?
Malaki o maliit man tubong banggit
Tubo pa rin 'yan sa kapagura't pawis,
Pakinabang ninyo'y aming pagtitiis.
Bawas sa kita sa inyo'y pagkalugi
Kahit bundat pa kayo'y mistulang api
Kabusuga'y di sapat sa matatakaw
Kahit manggagawa'y magkamatay-matay
Kapitalista:
Hiling ninyo'y walang katwiran
Walang lohika't di makatarungan
Pagtaas ng sahod, tataas ang presyo
Pagbagsak ng negosyo, kawalan ng trabaho
Dagdag na sahod hindi sagot sa krisis
Sa buhay na kay lupit handang magtiis
Welga't protesta sama sa terorismo
Dapat sagutin ng lantarang pasismo
Manggagawa:
Baryang kakaunti ang dagdag na hiling
Di hamak kay layo pa sa tatawirin
'sangdaan taon nang sahod ay inipit
Habang ang tubo'y malayang humihirit
Di ba't kayo ang ama ng terorismo?
Bakit ngayon kami'y inyong ginagago?
Panahon na ngayon gapos ay lagutin
Tayo'y may lakas, karapatan angkinin!
Kapitalista:
Tigil n'yo 'yang pagtatapang-tapangan,
Sundin ang tuntunin ng ating lipunan
Huwag ninyong labagin batas ng merkado
Lalayo kami't sa iba ang negosyo
Isang tawid lang sa eroplano't bangka
Maraming manggagawa ang naglipana
Sa sahod na inyong ikinapopoot,
Handang magpakasakit sa kakarampot
Manggagawa:
Batas ng pamiliha'y may katapusan,
Tatapusin ng makauring hidwaan.
Wala nang manggagawang magpapaapi
Sa lahat ng dako kayo'y magagapi.
Mababago ang lipunang nakagisnan,
Sosyalistang lipunan ang siyang iiral.
Manggagawa ng buong sandaigdigan!
Imperyalismo ay tiyak wawakasan!
|