Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2000
Sanaysay
TOC Rebolusyong Pangkultura sa Silangang Kabisayaan


Mula nang malalim na magkaugat ang bagong demokratikong rebolusyon sa Silangang Kabisayaan noong dekada '70, namulaklak rin at patuloy na nagpayabong ang rebolusyon sa larangan ng kultura. Ang mayamang karanasan sa gawaing pangkultura sa rehiyon ay patunay lamang na habang ang armadong pakikibaka ang apoy na tumutupok sa reaksyunaryong sandatahan, ang rebolusyong pangkultura naman ang magarang pamaypay sa larab ng himagsikan sa puso at isipan ng masa at ng rebolusyonaryong pwersa.

Ang karanasang ito ay higit pa ngayong pinagyayaman: sa tanglaw ng mga aral ng nakaraan, sa matapat na paglulubos sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, sa hangaring tuluy-tuloy na anihin ang pag-asa ng pagtatagumpay ng rebolusyon. Sa gitna ng pagwasak sa lumang kaayusan, ipinupunla na ang binhi ng bagong kultura. Sa harap ng buhay-at-kamatayang sakripisyo ng digmaan, sadyang nakapagpapagaan sa damdamin ang rebolusyonaryong sining, nakapagbibigay ng makabuluhang kasiyahan ang makauring panitikan.

Masasabing natural na nakasabay ang gawaing pangkultura sa iba pang rebolusyonaryong gawain noon pa lamang panahon ng pagpupunla ng kilusan sa rehiyon. Mangyari, marami sa mga kasamang unang tumugon sa panawagang itayo ang Hukbo at Partido sa Samar at Leyte ay pawang may likas at masiglang pagkiling sa kultura o sa sining at panitikan. Sa katunayan, may makabuluhang bilang ng mga kasamang ito ang nagmula sa mga pangkulturang organisasyong masa gaya ng Gintong Silahis at Panday Sining (marami sa kanila ang nakikidigma - tumutula, umaawit, sumasayaw - hanggang ngayon). At sa kanilang karanasan sa rehiyon tatlong dekada na ang nakararaan, makasaysayan ang naging papel ng gawaing pangkultura sa pagkamit ng mga panimulang tagumpay.

Sa gitna ng pagsulong ng digmang bayan sa rehiyon, higit ding nasinsin ang tunguhin ng rebolusyong pangkultura sa sining at panitikan. Sa halos lahat ng naitayong larangan, may nabuong grupong pangkultura na gumampan sa mga mahahalagang gawaing nakabalangkas sa mga pampulitikang programa't kampanya. Sa huling bahagi ng dekada '70, isang kalitatibong pag-unlad ang maaabot ng pagsisinsin sa gawaing pangkultura sa rehiyon nang buuin ang isang komite ng Partido para lamang dito, na tatagal hanggang unang hati ng dekada '80.

Isa sa mga mayor na pagsisikap ng komiteng ito ay ang pagpapakilala sa iba't ibang porma ng pagtatanghal gaya ng pantomima (paglalahad ng istorya sa pamamagitan ng malikhaing galaw), interpretasyon (pagsaliw ng galaw at sayaw sa awit) at pakilat (dulang-iglap). Sumabay dito ang paglulunsad ng mga pangkulturang treyning na naging mabisang paraan upang maipalaganap ang mga bagong pormang nabanggit.

Tradisyon at Rebolusyon

Patunay sa malalim na pagkagagap ng mga kasama sa mga prinsipyo ng rebolusyonaryong sining at panitikan ang kanilang maagap na pagtukoy kung alin sa mga tradisyunal na porma sa rehiyon ang maaaring marebolusyonisa. Pagtalima ito sa panawagan ng Tagapangulong Mao Zedong na maaaring gamitin ang ilan sa mga tradisyunal na porma ng sining at panitikan para sa rebolusyonaryong tunguhin ng bagong kulturang makauri.

Sa batayan, ito'y isang praktikal na paraan lamang upang higit na maunawaan ng masa ang nais ipaabot ng mga rebolusyonaryong likhang sining - kung pamilyar na ang masa sa porma, mabilis na nilang maiinternalisa ang nilalaman. Sa isa pang paglalarawan, kung ano ang salita ng masa, mahalagang makipag-usap sa kanila tungkol sa buhay at pakikibaka sa salita ring iyon.

Ang ganitong dinamiko at tapat na paglalapat ng linyang masa sa gawaing pangkultura ang nagbunsod sa pagpapakilala sa masa at sa kilusan ng rebolusyonaryong ismayling, Pulang kuratsa at pabulang bayan.

Isang makulay na tradisyunal na awit at sayaw ang ismayling. Makulay sapagkat di lamang matitingkad at bulaklakin ang kasuotan (pati na ang mga payong) ng mga magsasakang dumadalo sa mga ismaylingan, kundi karaniwan na rin itong napapatingkad ng masigla nilang kantyawan at tuksuhan. Mabulaklak ding masasabi ang mga letra ng awiting ismayling; mapalamuti kundi man ay may dobleng kahulugan gaya ng sa bugtong o balagtasan.

Kung tutuusin, ang ismayling ay balagtasan din. May dalawang tao (kadalasa'y babae at lalake) ang nagsasagutan para linawin ang mga paksang nakalilibang sa masa, gaya ng pagliligawan, tampuhan ng mag-asawa, o mga pakikipag-sapalaran sa pagsasaka at iba pa. Subalit di gaya ng balagtasang popular sa Katagalugan, ang ismayling ay inaawit at sinasayaw pa nga sa saliw ng gitara at iba pang instrumento.

Malapit ang ritmo at tono ng ismayling sa iba pang tradisyunal na porma gaya ng binisaynon, isang mahabang tulang inaawit. Kaiba sa ismayling, ang binisaynon ay di naglalahad ng tagisan ng dalawang magkasalungat na ideya kundi ng isang tagpo lamang o pangyayari.

Tampok ang ismayling sa pagsasaya ng mga magsasaka (partikular sa mga bayang gaya ng Calbiga, Basey at Santa Rita) pagkatapos ng maghapong paggawa sa bukid, laluna sa panahon ng pagtatanim at anihan. Sa pag-unlad ng armadong pakikibaka at kilusang masa sa mga larangang gerilya sa Samar, lalung sumigla ang awit-sayaw (tula na rin dahil sa tugma at talinghaga) na ito subalit di na lamang bilang isang simpleng ekspresyon ng tradisyon kundi isang maunlad na sining ng rebolusyon.

At dahil likas sa pormang ito ang banggaan ng kaisipan gaya ng sa balagtasan o debate, isa itong napakabisang paraan upang sagutin ang pangkaraniwang tanong kaugnay ng mga prinsipyo ng rebolusyon. Malinaw din nitong naisasalarawan ang mga tunggalian sa damdamin ng masa sa pang-araw-araw na pagharap sa buhay at pakikibaka.

Inilalahad, halimbawa, ng ismayling na nalathala sa Ulos noong 1982 ang pag-aalinlangan ng isang ina sa pagpupultaym ng anak sa Bagong Hukbong Bayan na agad namang sinasagot nang malinaw, sabihin pang sa matalinghagang paraan, ng isang kasama:

SELAY:Malawak ang natamnan mo.

Kung di lang sumumpa ang anak ko,

Siguro'y malawak din

Ang natamnan namin.

Alasti man udoy, napakahirap lang talaga,

Ako'y mahina, heto't tumatanda na;

Sa pagpapalaya'y ano ang inuuna,

Di ba ang pamilya bago pa ang iba?

AMBO:Mga nakikinig, inyong ipagpaumanhin,

Ako ay sasagot kahit lang katiting;

Tayong naririto'y naghihirap, di ba,

Kahit walang anak na sa Hukbo'y sumampa?

Sa pagdarahop, tayong maralita'y

Parang nakasakay sa inaanod na bangka;

Pag hindi sumagwa't sa hangi'y sumalubong,

Tayo'y lalagi sa laot at hindi dadaong.

Nakakatuwang isipin na ang dating pyudal na tradisyon, na mula sa tawag na balitaw ay pinangalanang ismayling (mula sa "smiling") ng mga sundalong Amerikano, ay ginagamit ngayon laban sa kaayusang malapyudal at malakolonyal.

Bukod sa ismayling, ang kuratsa ay isa pang masiglang pormang tradisyunal na mayroon na ngayong rebolusyonaryong katangian.

Noong mga unang taon ng pagpupunla ng kilusan sa rehiyon, ang mga rebolusyonaryong awitin at pagtatanghal ay lagi nang pormal, lubhang seryoso at taimtim. Lagi nang nakakunot ang noo ng mga kasamang nagtatanghal, lagi nang matitigas ang nagmamartsang katawan. Naging dogmatiko o mekanikal, sa madaling salita, ang ilang mga kasama sa pagtatakda kung ano ang dapat na laging ekspresyon ng rebolusyonaryong sining at panitikan.

Subalit di nagtagal at natuto ang mga kasama, mula na rin sa mga aktwal na karanasan, na di naman laging nawawala ang militansya o ang pagka-rebolusyonaryo kung ang awit at pagtatanghal ay masigla. Pwede ang malugod na hiyawan. Pwede ang paspasang padyakan. Pwede ang maindayog na kuratsahan.

Sa tradisyunal nitong bersyon, ang kuratsa ay patagalan sa sayawan sa pagitan ng babae at lalake; kung sino ang unang huminto ay s'yang talo. Mula sa bahaging mabagal, ang sinasabayang tugtog ay bigla na lamang bumibilis pagkakatapos ng ilang linya. Kailangan ding mabakas sa galaw ng nagsasayaw na pares ang pagbabago ng tyempo ng indayog, lalu na yaong bahaging biglang-bilis; mas malaki at bibo ang mga ikot at hakbang kapag paspasan na ang sayaw.

Wala namang halos pinag-iba dito ang Pulang bersyon ng kuratsa. Ganun din ang padron ng tyempo; ganun din ang malarong pagkampay ng mga kamay at maliksing pagkandirit ng mga paa. Subalit kakaiba na ang damdamin. Sa masang magsasaka at mga kasamang sumasayaw, ito'y hindi na ang pansamantalang pagtakas sa kalungkutan ng hirap at api nilang buhay. Ito ngayon ang masiglang pagharap sa pag-asa na wawakasan ng digma ang kahirapan at pang-aapi - ang masayang pagsalubong sa papalawak na pagkakaisa ng mamamayan na isulong ang digmang ito. Ganito nga mismo ang nais sabihin ng Kuratsa Mayor, isa sa pinakapopular na Pulang kuratsa na isinulat noong 1985:

"Kayo ay 'wag nang magtaka

Kung bakit may sayawan

Masaya'ng pagkakaisa

Na isulong ang digmaan."

Sa panitikan, samantala, may ginamit ding tradisyunal na porma ang mga kasama sa rehiyon. Ang pabula o maikling kwentong kadalasa'y hayop o mula sa kalikasan ang mga tauhan, ay popular sa ilang bahagi ng Leyte. Ikinukwento ito sa mga kabataan at layon nitong makapaghatid ng aral tungkol sa kabutihang-asal. Maging ang matatanda ay nagpapalitan din ng pabula sa kanilang huntahan o diskusyon upang patingkarin ang puntong nais ibahagi ng bawat isa, lalu na ang mga usaping may kinalaman sa pagharap sa mga suliranin sa buhay. Kaya't kung kabutihang-asal din lamang at pagharap sa suliranin sa buhay ang pag-uusapan, laging naririyan ang mga dakilang salaysayin ng rebolusyon, na kay dali namang angkupan ng kung anumang tauhan at tagpong karaniwang makikita sa isang pabula.

Ang kabutihang-asal kung gayon ng pabulang bayan ay ang mga rebolusyonaryong aktitud na hinihiling ng lipos na pagsisilbi at pagsasakripisyo alang-alang sa kagalingan at interes ng lubos na nakararami. Ito, halimbawa, ang tema ng isang pabula tungkol sa kawayan na isinakripisyo ang kanyang tangkad at kariktan upang magamit ng komunidad sa patubigan ng kanilang palayan.

Ang pagharap naman sa suliranin sa buhay, ayon sa mga pabulang bayan, ay laging matatagpuan sa pagtukoy sa pinaka-ugat ng suliranin at sa sama-samang pagkilos upang labanan ito. Ganito ang aral ng Halimaw sa Yungib. Sa pabulang bayang ito, ang mga mamamayan ng isang baryo ay nagkaisang siyasatin ang sanhi ng pagkatuyot ng kanilang ilog at pagkasalanta ng kanilang pananim at hayupan.

Nang matiyak na nila't matagpuan ang sanhing ito - isang halimaw sa yungib na may tatlong ulo! - nagkaisa silang labanan hanggang mapuksa ito.

"Asintadong pagkakaisa, tapang at determinasyon ang iniunday ng bawat puso at kamulatan para lipulin ang halimaw: saksak sa dibdib, saksak sa tiyan; taga sa leeg, taga sa biyas; sapul sa ulo, sapul sa puso ang hayop mula sa sigasig ng lahat."

May kung ilang beses na ring isinadula ang pabulang bayang ito at sa tuwina, nanggigigil ang mga manonood na masa at kasama na sugurin ang halimaw at pag-uumpog-umpugin ang tatlong ulo nitong sumasagisag sa tatlong salot ng lipunan.

Samantala, marami ring awit na nagmula pa sa mga unang taon ng pananakop ng Estados Unidos ang popular pa hanggang ngayon sa mga sonang gerilya sa rehiyon. Nagpapaalala ang mga ito sa mahaba at masidhing kasaysayan ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Silangang Kabisayaan. Ang paglipol, halimbawa, ng mga rebolusyonaryo sa mga sundalong Amerikano sa Balangiga, Samar noong 1901, at ang halos isang dekadang pakikidigma ng mga Pulahanes sa Samar at Leyte, ay ilan sa pinakamatingkad at maagang yugto ng kasaysayang ito. Mga yugto ng kagitingan na nagluwal sa mga awiting gaya ng Hadki an Tuna (Hagkan ang Lupa; may mas bagong bersyon ito na ginawa noong 1983) at Iroy nga Tuna (Lupang Tinubuan). Samakatwid, maging sa makabayang sining at panitikan ay may tradisyon na ring matutukoy sa rehiyon, na siyang higit pa ngayong pinagyayaman sa gitna ng isinusulong na bagong demokratikong rebolusyon.

Walang Hanggang Awit

Sa pagbubukas ng mga unang larangan sa rehiyon, partikular sa Samar, dala ng mga kasama ang mga awiting naging popular noong Sigwa ng Unang Kwarto. Karamihan sa mga ito ay Pilipino (karaniwa'y salin ng mga awit ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina), kaya't maagap na tinugunan ng mga kasama ang pagsasalin sa mga awiting ito sa Waray. Ang Makibaka, Huwag Matakot, halimbawa, ay kaagad na niyakap ng masa sa Samar bilang Makigbisog, Ayaw Kahadlok.

Samantala, may mga awiting Pilipino na kinailangang hindi maging tuwiran ang pagsasalin. Ang Mendiola, halimbawa, na tungkol sa pagkamatay ng mga aktibista sa Daang Mendiola noong Sigwa ng Unang Kwarto, ay hinalaw sa Waray bilang Dugo ha Calbiga. Mangyari'y di gaanong kilala ang Daang Mendiola sa mga interyor na baryo ng Samar. Naisip ng mga kasama na higit na magiging mabisa ang isang kwento tungkol sa pasismo ng estado kung maitatampok dito yaong naganap mismo sa Samar; at sa awit ngang ito, ang isang aktwal na pagmasaker ng mga sundalo sa mga magsasaka ng Calbiga.

Di nagtagal at di na lamang mga salin o halaw ang naging popular na rebolusyonaryong awit sa rehiyon. Sadyang mangyayari't mangyayaring makalilikha ng orihinal na awit ang mga kasamang may kakaibang hilig at sigasig sa pagtugtog at pag-awit.

Hindi na maalala ng mga kasama sa rehiyon ang rebolusyonaryong awit na siyang unang naisulat sa Samar at Leyte, subalit nagkakaisa ang marami sa kanila na ang pinakaunang naging popular na orihinal na komposong Waray ay ang Pasista nga Kaungguyan (1975). Isa itong madamdaming awit-parangal sa kadakilaan ng isa sa pinaka-unang martir ng rehiyon na si Efren Martires; sa alaala ni Martires o ni Kasamang Popong nakapangalan ngayon ang kumand pangrehiyon ng Bagong Hukbong Bayan sa Silangang Kabisayaan.

Mula sa awit-parangal na ito ay isa-isa nang magsusulputan (sabay-sabay pa nga sa maraming pagkakataon) ang napakaraming komposo. Di maglalaon at halos may tono nang katapat ang bawat rebolusyonaryong paksa, panawagan at istorya. Mayroong awit tungkol sa tres-otso ng Hukbo gaya ng Puthaw nga Disiplina (1978); mayroong tungkol sa katangian ng kadre gaya ng Komo Kadre han Partido. Mayroong awit para sa bawat sektor; ang Kababayen-an (1981), halimbawa, ay tungkol sa pagpapalaya sa kababaihan habang ang Batan-on (1981) ay panawagan naman sa kabataan para yakapin ang landas ng rebolusyon. Mayroon para sa iba't ibang rebolusyonaryong okasyon at pagdedesisyon gaya ng awit ng pagpapakasal at pagpupultaym. May awit tungkol sa kalikasan; may awit tungkol sa mga tula na tungkol sa kalikasan. May awit tungkol sa pagsayaw at pag-awit ng rebolusyonaryong sayaw at awit.

Ang pinag-uusapan dito ay di kung ilampung komposo lamang kundi daan-daan. Pagdating ng huling hati ng dekada '80, higit na sa 300 orihinal na rebolusyonaryong awit ang tinatayang naipalaganap sa masa at rebolusyonaryong pwersa sa iba't ibang larangan ng rehiyon. Maaari ngang kamangha-mangha, subalit pumapatak sa ganitong pagtatantya na may isang rebolusyonaryong awit ang nalilikha kada dalawang linggo.

Kapansin-pansin sa maraming taga-rehiyon, masa man o mga kasama, na madali nilang nasasabayan ang mga tono; mabilis din nilang nakakabisa ang mga letra. Kung sa bagay, di naman lubhang mahirap ang sumabay sa tono o magkabisa ng letra, subalit kung ang mga awit ay labis na mahaba gaya ng karaniwan na sa rehiyon, sadya ngang masasabing may kakaibang "pagkahumaling" ang mga taga-Silangang Kabisayaan pagdating sa awit. Ang OPMAK, halimbawa, isang bagong awit tungkol sa tumitinding kontra-rebolusyonaryong programang militar sa kanayunan, ay mayroong siyam na parapo; idagdag pa dito ang koro, na siyam na beses ding inuulit, at tiyak na di bababa ng limang minuto ang isang pasada ng awit na ito.

Nariyan din ang BHB Medley I at II; ang una (isinulat noong 1979 at ginawan ng bagong bersyon nito lamang 1999) ay may limang mahahabang parapo, habang ang huli ay mayroon namang siyam. At syempre pa, ang pinakamahaba sa lahat ng medley sa rehiyon at marahil ay siya na ring pinakamahabang rebolusyonaryong awit sa buong bansa: ang Pasismo Medley, na mayroong labingwalong parapo!

Ang mga nabanggit na medley ay pawang walang koro na karaniwan nang kailangan sa isang awit upang mabilis na matandaan ang tono nito at letra. Ganunpaman, popular ang rebolusyonaryong medley; karaniwan nang hindi naliligaw sa kahabaan ang mga umaawit nito, at taliwas sa maaaring maging pagtanggap sa isang napakahabang awit, hindi naiinip dito at nagsasawa ang masa at mga kasama. Palibhasa'y maliksi ang ritmo at pamamaraan ng pag-awit sa mahahabang awiting ito, na karaniwan din sa iba pang katamtaman lamang ang haba. Isang tatak na nga ito marahil ng awit sa rehiyon - yaong habang inaawit ay totoong mahirap maiwasang sabayan ng panggigigil; hanggang ang bibong pagpadyak ay tuluyan nang mauwi sa sayawan.

Lalunang umaangkop sa ganitong masiglang tono at tyempo yaong maaaring tawaging ulat-awit: awit na animo'y detalyadong kalatas o koresponsal na malugod na nag-uulat sa isang matagumpay na aksyong militar ng Bagong Hukbong Bayan. Tampok ang dalawa sa pinakaunang matagumpay na taktikal na opensiba sa Samar, ang mga awiting Ambus ha Barayong (1977) at ang Reyd ha Gamay ngan Mapanas (1979), ay mga klasikong halimbawa ng malikhaing pag-uulat na ito.

Simple lamang ang karaniwang balangkas o pormula sa mga awit na ito. Una muna'y ang paglalahad kung saan at kailan naganap ang taktikal na opensiba. Sa gitna nito ay ang animo'y listahan kung ilan ang mga nasawing sundalo ng kaaway at, syempre pa, kung ilan at kung anu-ano ang nasamsam na mga armas:

"29 na armas, garan, karbin, tomson at pistola

Transiber at bala ang nakuha nila."

(Reyd ha Gamay ngan Mapanas);

"Nalipol ang walong pasista

Limang armalayt, bar at transiber

At kay daming bala ang ating nakuha."

(Ambus ha Barayong).

At sa huli ay ang masidhing pagpupugay sa mga Pulang mandirigma at sa prinsipyo ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba batay sa kakayahan at sa papalawak at papalalim na baseng masa. Sa mabilis na bigkasan ng salita, sa kumpas ng masigabong tyempo, ang mga salaysay ng taktikal na tagumpay na ito - mula Barayong hanggang Gamay at Mapanas - ay may pangmatagalang pag-asa at kumpyansang hatid sa masa at mga kasama.

Sining ng Pagwawasto

Ang dalawang ulat-awit na nabanggit ay tungkol sa mga taktikal na opensibang mahigpit na tumangan sa mga batayang prinsipyo at praktikal na oryentasyong gumagabay sa estratehiya at taktika ng matagalang digmang bayan. Subalit sa signipikanteng bahagi ng dekada otsenta, gaya ng nangyari sa iba pang rehiyon, di naging ligtas ang Silangang Kabisayaan sa mga kahinaan at pagkakamaling lihis sa mga batayang prinsipyo ng teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino.

Isa ang rehiyon, sa katunayan, ang nakapagtayo ng halos batalyong pormasyon sa balangkas ng di-napapanahong regularisasyon ng Hukbo. Ang adbenturistang militar na tunguhin sa pagmimintina ng malalaking pormasyon ay maglalagay sa Hukbo sa tiyak na disbentahe at peligrosong posisyon bilang maaalwang target ng kaaway. Sa lubhang kapabayaan sa wastong pagpapatupad sa minimum na programa ng rebolusyong agraryo at sa masinsing pagbubuo ng baseng masa, ang ganitong makaisang-panig na pagtugon sa gawaing militar ang unti-unting magpapalala sa pagkahiwalay ng Hukbo at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa masa.

At dahil sa ang gawain sa sining at panitikan ay bahagi ng napabayaang pagsisinsin sa gawaing masa at sa pangkalahatang tungkulin sa ideolohiya, di naiwasang mabalaho ang wastong buwelo ng rebolusyong pangkultura sa Silangang Kabisayaan. Sa panahong ito, sa katunayan, nabuwag ang komite ng Partido na dating nangasiwa sa mga pangkulturang pagsisikap sa buong rehiyon.

Ngayon na lamang muli, mula nang bumungad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) hanggang sa paglulubos nito sa kasalukuyan, tumampok ang wastong kasiglahan ng rebolusyonaryong sining at panitikan sa rehiyon. Armado ng di matatawarang aral sa rebolusyonaryong pakikibaka, mas mahigpit ngayong nagkakaisa ang mga larangang gerilya sa kahalagahan ng gawaing pangkultura bilang bahagi ng kumprehensibong gawain ng Hukbo at Partido.

Sa mga unang taon pa lamang ng IDKP, namalas na ang naging makabuluhang ambag ng sining at panitikan sa mismong pagpapalaganap ng diwa ng pagbabalik-aral sa mga batayang prinsipyo ng Partido at sa tuluy-tuloy na pagwawasto. Kasabay ng matitinding pagpapaliwanagan sa gitna ng malalimang paglalagom sa karanasan ng rehiyon, nakatulong ang mga bagong awit upang makalikha ng masigla at optimistikong damdamin sa pagtangkilik ng rehiyon sa kilusang pagwawasto. Binabaybay, halimbawa, sa mga awiting Kagiusan Pagtutul-id (1993) at Diri Mahadlok ha Pagtutul-id (1994) ang mga mayor na paglihis at pagkakamali ng kilusan at ang paraan ng pagwawasto sa mga ito.

Upang higit na maipalaganap, inilathala ng Larab (opisyal na rebolusyonaryong pahayagan ng Silangang Kabisayaan) sa isang koleksyon ang mga awiting ito noong 1996. Kasama sa songbuk na ito ang iba pang awit ng IDKP gaya ng Batakan nga Aktitud (1994), Tara Na! (1996), at Kun Waray, Rebolusyonaryo nga Teorya, Waray Rebolusyonaryo nga Kagiusan (1994); ang huling dalawang awit ay panawagan para sa masikhay at malawakang kampanyang pang-edukasyon na s'ya namang pangunahing praktikal na katangian ng IDKP bilang isang rebolusyonaryong kilusang pag-aaral.

Pagkatapos ng apat na taon, susundan ng Larab ng isa pang bolyum ang songbuk na ito, sa pakikipagtulungan sa patnugutan ng Ulos. Kasama dito ang mahigit na 80 luma at bagong awiting Waray at Cebuano mula sa Samar at Leyte. Maliit na bilang nga lamang ito sa naunang nabanggit na mahigit 300 awiting mayroon na ang rehiyon noon pa lamang dekada '80. Marami na kasi sa mga awiting iyon ang nalimot na sanhi na nga ng pagtumal sa pagpapalaganap sa mga ito noong panahon ng paglihis, at dahil na rin sa kahinaan sa pagsisinsin sa gawaing dokumentasyon. Ang iba pa ay sadyang nakitang may maling linya palang dala kaya't hindi na isinama sa koleksyon.

Sa mga bagong awitin, kapansin-pansing may mga bagong ulat-awit na rin. Ang Ronda ha Urdaneta (1998), Reyd ha Giparayan (1998), at Ambus ha Vigan (1999) ay mga patunay na naikakasa na ang matatagumpay na taktikal na opensibang wasto sa oryentasyon, matapos bakahin at maiwaksi kapwa ang lantay-militar na kaisipang latak ng panahon ng paglihis at ang ilang hibo ng konserbatismo na nakita mismo sa maagang bahagi ng IDKP sa rehiyon.

Ilan lamang ang mga bagong awit na ito na isasama sa teyp na kasalukuyan ngayong nakasalang para sa rekording. Mas magiging mabilis at mabisa nga naman ang pagpapalaganap kung ang songbuk ay masasabayan ng teyp. Habang hinihintay pa ang pinal na rekording, may kung ilang teyp din ng mga awit na ito na bagama't di ganun kapino ay lagi't laging kinasasabikan - pinag-aagawan - ng masa at mga kasama.

Samantala, lagi't lagi na ring kinasasabikan ng masa at mga kasama ang paglulunsad ng programa ng mga pagtatanghal sa tuwing may rebolusyonaryong okasyon, pangunahin na halimbawa ang anibersaryo ng Partido at Hukbo. Sa ganitong mga pagdiriwang, bawat yunit ng Hukbo, grupo ng Partido at mga organisasyong masa mula baryo hanggang antas ng bayan ay naghahanda ng kani-kanilang pangkulturang pagtatanghal. May "hamunan" pa nga sa pagitan ng mga baryo sa pagandahan ng mga pagtatanghal, ngunit ito nama'y sa mapagkasamang diwa.

Hindi naman nawala ang ganitong tradisyon maging sa panahon ng paglihis. May panahon pa nga noong mga taong iyon na maraming baryo ang di na ipinagpipista ang kaarawan ng kanilang mga patron kundi ang mga rebolusyonaryong kaarawan na lamang gaya ng Araw ng Manggagawa at Magsasaka. Subalit ngayon, kasabay ng mga nabanggit na selebrasyon, may kakaibang diing ibinibigay sa mga pangkulturang pagtatanghal pagkatapos ng mga pag-aaral bilang masiglang pagpapatampok sa kahalagahan ng gawain sa edukasyon. Halos kahanay na nga rin ng mga dakilang anibersaryong nabanggit ang okasyon ng gradweysyon o pagtatapos sa isang rebolusyonaryong kurso.

Maging sa mga taktikal na opensiba, nakikita na muli ang puwang ng sining at panitikan. Bilang bahagi ng tinatawag na mobilisasyong pulitikal na inilulunsad bago at pagkatapos ng isang aksyong militar ng Hukbo, ang mga pangkulturang pagtatanghal ay nakapagpapataas ng moral at palabang diwa ng mga Pulang mandirigma. May isang ngang aktwal na pangyayari na matapos ang di matagumpay na taktikal na opensiba - kung saan nasawi pa ang isang Pulang kumander - napanumbalik ang ahitasyon at rebolusyonaryong optimismo ng isang yunit ng Hukbo sa pamamagitan ng isang pangkulturang programa.

Makabuluhang Pagsulong

Ang mga pagsisikap na ito sa gawaing pangkultura ay pawang mga inisyatiba ng iba't ibang larangan sa rehiyon. Bagama't wala pa ring tumatayong pangrehiyong pangasiwaan para sa rebolusyonaryong sining at panitikan, malinaw sa pamunuan ng Partido ang pangangailangang laging maging bahagi ng kanilang programa sa pulitika at ideolohiya ang rebolusyong pangkultura. Malinaw sa kanila kung paanong napapadali ang mga gawain kung ginagamitan ng pamamaraang kultural. Taliwas ito sa pagtingin na ang gawaing pangkultura ay dagdag na kumplikasyon lamang sa iba pang rebolusyonaryong gawain.

Sa mga sariwang karanasan sa rehiyon, totoong malaking tulong at di pabigat ang mga pamamaraang pangkultura sa iba't ibang larangan ng gawain laluna sa edukasyon, propaganda, at maging sa kampanya sa disiplina.

Ang tula, halimbawa, kagaya ng awit ay mabisa sa pagpapatampok ng iba't ibang rebolusyonaryong usapin at panawagan. Laluna yaong may kakayahang pagsanibin ang talas ng pagsusuri at lalim ng damdamin, makapangyarihang pamamaraan ang tula sa ahitasyon. Nailalathala ang mga huwarang tula sa Larab at karaniwang binibigkas sa mga pangkulturang pagtatanghal. Isa sa mga tulang nalathala sa Larab, ang tulang An Pag-aram Diri Naukoy, Diri Napahuway ni Felipe Basa ay bahagi ng isang kampanya sa loob ng isang yunit ng Hukbo para harapin nang malugod ang rebolusyonaryong pag-aaral.

Di gaanong popular, kumpara sa awit, ang tula sa masa at mga kasama sa Silangang Kabisayaan. At hindi magiging mahirap ang paglikha ng tula para sa mga taga-rehiyon dahil isa sa hinihinging kakayahan na kailangan dito ay ang pagtugma na di na rin naman kaiba sa pagsusulat ng awit. At batay sa mga naging obra ng mga kasama mula sa isang palihan sa tula na pinangasiwaan ng mga kasama mula sa ARMAS-NDF, maningning ang hinaharap ng rebolusyonaryong panulaan sa rehiyon.

Samantala, relatibong maunlad na rin ang ilang karanasan ng rehiyon kaugnay ng sining-biswal. Sapul ng mga kasama sa rehiyon ang pwesto ng sining-biswal sa gawaing propaganda, edukasyon, at iba pang praktikal na pangangailangan.

Ang bawat artikulo, halimbawa, sa Larab ay lagi nang tinatapatan ng ilustrasyon upang higit na maging interesante sa mga mambabasa na ang karamihan ay nagmula sa uring magsasaka. Ganun din sa iba pang publikasyong pinapangasiwaan ng patnugutan ng Larab-ang dalawang songbuk, halimbawa, na kanilang inilabas ay tadtad din ng magagarang ilustrasyon. At marahil s'ya nang pinakamakabuluhang ambag ng Silangang Kabisayaan sa rebolusyonaryong sining-biswal, nakabuo na ang mga kasama dito ng isang kumpletong set ng mga ilustrasyong gabay sa pagtuturo ng bagong edisyon ng Batayang Kurso ng Partido.

Nagamit na rin ang sining-biswal sa mga manwal sa pagsasanay militar, kung saan ang bawat klase ng baril at paraan ng paggapang at pagtalon sa labanan ay may ilustrasyon. Maging manwal ng akyupangtyur ay ginamitan na rin ng mga ilustrasyon. Ilan lamang ito sa mga praktikal na gamit ng sining-biswal sa rebolusyon.

Hindi rin pahuhuli ang rehiyon sa paggamit ng mga bagong midya at makabagong teknolohiya para sa pagpapalaganap ng makabayan at makabuluhang pelikula o dokumentaryo. Sa ilang kampuhan at sa mga kabaryuhang inaabot na ng generator, namamaksimisa ang Betamax, VHS at kompyuter para sa pagpapalabas ng mga pelikulang tulad ng Ora Pro Nobis, Sa Liyab ng Libong Sulo, Ten Days that Shook the World (tungkol sa rebolusyong Sobyet), Flor Contemplacion at iba pa. Mabisang pangtapat ito sa mga dekadente, burgis at kolonyal na inilalakong pelikula at programang pantelebisyon ng dominanteng kultura.

Sa gitna ng lahat ng mga pangkulturang pagsisikap na ito, naroon lagi ang paghihikayat sa masang magsasaka, kababaihan at kabataan na sila mismo ay makilahok sa mga kasamang pultaymer sa paglikha ng sining at panitikan. Kaugnay nito, may inihahanda nang mga palihan at treyning pangkultura ang ilang larangan para sa Hukbo at mga organisasyong masa. Sa tulong ng ilang kasama mula sa kalunsuran, may nabuo na ring panimulang modyul para sa mga pagsasanay na ito.

Batay sa makauring prinsipyo na ang sining at panitikan ay mula at para sa masa, masugid ang mga kasama sa rehiyon sa pagtiyak na ang bawat likhang-sining at panitikan ay malapit sa puso't damdamin ng masa - tumutugon sa kanilang interes at kahilingan, nagpapaalab sa kanilang mapanlabang diwa, nagpapanday sa kanilang produktibong kakayahan at syentipikong kaisipan. Sa pamamagitan ng malayang pagsasalang sa proseso ng rebolusyo-naryong kritisismo, nakikilatis ang kalidad pangsining at pampulitika; sa pagkuha sa mismong pagtingin ng masa, natutukoy kung paano higit pang mapapaunlad ang mga obrang ito.

Sadyang di matatawaran ang mga pangkulturang tagumpay sa Pulang rehiyon ng Silangang Kabisayaan. Makabuluhan, kundi ma'y makasaysayang pagpapatotoo ang mga ito sa kawastuhan ng rebolusyonaryong teorya at praktika na gumagabay sa gawaing pangkultura partikular sa sining at panitikan. Patunay din ang mga ito na sa pamamagitan lamang ng mahigpit na pamumuno ng Partido, at sa malikhaing pagsisikap nito, mapalalahok ang malawak na bilang ng rebolusyonaryong pwersa at masa sa rebolusyong pangkultura.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.