Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Editoryal
TOC Pag-ani sa Timog


Si Joseph Estrada pa ang presidente nang tumungo sa Katimugan ng Pilipinas ang patnugutan ng Ulos. Mapalad kami at naroroon kami sa Timog Mindanao habang pabulusok na ang rehimeng US-Estrada. Hindi lamang namin nasusundan ang mga kaganapan sa pambansang antas; kaalinsabay nito'y nasasaksihan din namin at nalalahukan sa isang larangang gerilya ang patuloy na paggulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan.

Habang nahaharap si Estrada sa malakas na kilusang protesta at impeachment sa Senado, nakikisalamuha naman kami sa mga kasama at masa. Dito namin nakilala at naging kaagapay sa pang-araw-araw na rebolusyonaryong gawain ang mga kadre at kasama sa Partido at Bagong Hukbong Bayan, mga manggagawa, magsasaka at lumad (pambansang minorya sa Mindanao). Kasabay ng kaganapan sa EDSA at pagwawakas ng rehimen ni Estrada ay siya namang pagtatapos sa treyning ng mga kasama at paglulunsad ng isang taktikal na opensiba.

Liban pa sa lahatang-panig na mga rebolusyonaryong tungkulin, naging buhay na karanasan para sa amin ang gawaing pangkultura sa kanayunan. Hindi kaila sa marami na mahaba at mayaman ang tradisyon sa kultura ng Timog Mindanao. Nagaganap dito ang pagtatagpo ng mga lumad, Muslim at ng iba pang nanggaling sa Luzon at Visayas. Subalit kung tutuusin, hindi rin lubos na mauunawaan ang pangkulturang tradisyon dito, kung isasantabi ang mahabang istorikong proseso ng pagsasamantala, pang-aapi at paghati-hati sa mamamayan bunsod ng pandarambong sa likas na yaman dito.

Kaya nama't nakakamangha at nakakataba ng puso ang kakaibang rebolusyonaryong pagkakaisa ng mamamayan sa Timog Mindanao. Dito nagsasama-sama sa isang kilusan ang mga nag-ugat sa mga lumad, Cebuano, Ilongo, Bikolano, Tagalog, at maging Ilokano mula sa Hilagang dulo. Nagkakasundo silang lahat sa rebolusyonaryong pagbabago at sa paglikha ng kultura ng bagong demokrasya. Makikita ito sa nilalaman ng kasalukuyang isyu ng Ulos, na ayon nga sa pamagat ng isang kwento dito ay isang "briktru". Mismong mga kadre't kasama sa Timog Mindanao ang nag-ambag ng halos lahat ng tula, sanaysay, maikling kwento, kanta at mga likhang biswal para sa isyung ito.

Maaaninag ang lalim ng kahulugan ng paglilingkod sa sambayanan sa mga tula, gaya ng "Tamis ng Puspusang Pakikibaka" at "Hinundayan, Kampalili at Iba Pang Kabundukan." Makikita naman sa mga kwento tulad ng "Ang Kumprontasyon", "Pangayaw" at "Briktru" ang paggagap sa lokal na kalagayan at mga karanasan sa armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng base. Sa kauna-unahang pagkakataon, nabibigyan tayo ng buhay na larawan ng mga kasamang bakla na kumikilos sa kanayunan bilang mga kadre at Pulang mandirigma sa sanaysay na "Si Lyndon at Si Liam."

Iba't ibang himig naman tungkol sa mga lumad, BHB at kilusang masa ang maririnig sa mga kanta ng Timog Mindanao. May ispesyal na seksyon din tungkol sa isang dula na batay sa Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino. May mga pangkiliting eksena sa seksyong "Kwentong Kusina" at maiikling kwentong tulad ng "Milagro sa Akyu" at "Ang Bulaklak na Gumamela."

Panimulang handog pa lamang ang mga ito mula sa bumubukadkad na gawaing pangkultura sa Timog Mindanao. Kagaya ng kabuuang gawain sa kultura sa ilalim ng kilusang pagwawasto, dumadaan pa rin sa isang panahon ng pagpanibagong-sigla ang sining at panitikan sa rehiyon. Umaasa tayo na mula sa mabungang unang engkwentro nating ito sa Timog Mindanao, patuloy tayong aalukin ng mga kasama at masa roon ng "tamis ng pakikibaka", "briktru", "milagro" at "bulaklak".

Nang lumisan kami'y si Gloria Macapagal-Arroyo na ang bagong papet na pangulo. Nagwakas ang isang rehimen, nasa poder ang bagong lalabanan. Nangyaring sumibol at lumipas ang EDSA II, pero bumukas ang panibagong yugto ng pagpapatuloy ng paglaban. Isang pagsasara at pagbubukas, gaya ng aming karanasan sa Timog Mindanao. Mula sa mga alaalang tulad ng naranasan namin sa piling ng mga kasama, nabubuo ang mga likhang sining na mananatiling bahagi ng kasaysayan ng rehiyon. Mga alaalang matagal na mawawala sa isipan, kung mawawala man.



Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.