Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Artikulo
TOC Mga talumpati sa porum sa Yenan hinggil sa sining at panitikan
2


Matapos lutasin ang suliraning sino ang paglilingkuran, dadako tayo sa kasunod na problema, paano maglilingkod. Kung hahalawin sa mismong salita ng ilan sa ating mga kasama: kailangan ba tayong magtuon sa pagtataas ng pamantayan o kailangan tayong magtuon sa popularisasyon?

Sa nakaraan, may ilang kasama na sa isang antas, ay nagmamaliit at isinasantabi ang popularisasyon at naglalaan ng di-angkop na diin sa pag-aangat ng pamantayan. Ang diin ay dapat ilaan sa pagtaas ng pamantayan, ngunit mali kung gagawin ito nang makaisang panig, eksklusibo, at nang sobra. Ang kakulangan ng malinaw na solusyon sa suliraning "para kanino?" na nauna ko nang nabanggit, ay masasalamin pa rin sa usaping ito. Palibhasa'y hindi nga malinaw sa mga kasamang ito ang solusyon sa suliraning "para kanino?", wala silang wastong batayan sa "pag-aangat ng pamantayan" at "popularisasyon" na sinasabi nila, at syempre mas lalo nilang hindi makikita ang wastong relasyon ng dalawa. Dahil sa saligan, ang panitikan at sining ay para sa manggagawa, magsasaka at sundalo, ang "popularisasyon" ay nangangahulugang ipopularisa sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, at ang "pag-aangat ng pamantayan" ay nangangahulugang pag-aangat mula sa kanilang antas. Ano ang dapat ipopularisa sa kanila? Ipopularisa kung ano ang kailangan at katanggap-tanggap ng pyudal na uring panginoong maylupa? Ipopularisa kung ano ang kailangan at katanggap-tanggap sa burgesya? Ipopularisa kung ano ang kailangan at katanggap-tanggap sa petiburges na intelektwal? Hindi maaari ang alinman sa mga ito. Dapat nating ipopularisa lamang kung ano ang kailangan at katanggap-tanggap sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma. Sa gayon, bago ang tungkulin sa pag-eeduka sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, may unang tungkulin na matuto mula sa kanila. Ito ay lalong totoo sa pag-aangat ng mga pamantayan. Dapat ay mayroong batayan ng pagtataas ng mga pamantayan. Kumuha ng isang balde ng tubig, halimbawa, saan ito sasalukin kundi mula sa lupa? Mula sa gitna ng alapaap? Ano ang batayan, kung gayon, para iangat ang kalidad ng sining at panitikan? Mula sa batayan ng mga uring pyudal? Mula sa batayan ng burgesya? Mula sa batayan ng petiburgis na intelektwal? Hindi, hindi sa alinmang nabanggit; tanging mula sa batayan ng masang manggagawa, magsasaka at mandirigma. Hindi rin ito nangangahulugan ng pagtataas sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma sa "antas" ng mga uring pyudal, ng burgesya at petiburgis na intelektwal; ang ibig sabihin nito ay pag-aangat sa antas ng sining at panitikan sa direksyon ng pagsulong na tinatahak ng mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, sa inaabot na pagsulong ng proletaryado. Dito ay pumapasok muli ang tungkuling matuto sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma. Ito ang tanging paraan upang magkaroon tayo ng wastong pag-unawa sa popularisasyon at pagtataas ng pamantayan at sa wastong relasyon ng dalawa.

Sa huling pagsusuri, ano ang pinagmulan ng lahat ng panitikan at sining? Ang likhang-sining at panitikan, bilang mga anyong pang-ideolohiya, ay produkto ng repleksyon sa utak ng tao at ng kanyang buhay sa isang takdang lipunan. Ang rebolusyonaryong sining at panitikan ay mga produkto ng repleksyon ng buhay ng tao sa isip ng mga rebolusyonaryong manunulat at artista. Ang buhay ng tao ay laging minahan ng hilaw na materyales para sa sining at panitikan, mga materyales na nasa kanilang natural na anyo, mga krudong materyales, ngunit mahalaga, mayaman at pundamental; at kung ihahambing dito, ang lahat ng sining at panitikan ay magmumukhang walang kulay. Ang buhay ng tao ay di matitigang na bukal, kanilang natatanging bukal. Sila lamang ang pagmumulan pagkat wala ng iba. Maaaring itanong ng ilan, di ba't mayroon pang mapupulot na materyales ng sining at panitikan sa mga libro, sa sinaunang panitikan at sining at sa ibang bansa? Ang totoo ang sinaunang sining at panitikan ay hindi bukal kundi isang ilog. Ito ay nilikha ng ating mga ninuno at banyaga mula sa sining at panitikang hinalaw sa buhay ng tao sa kanilang panahon at lugar. Kailangan nating halawin ang magagandang bagay sa ating pamanang sining at panitikan, kritikal na tipunin alinmang kapaki-pakinabang at gamitin itong halimbawa sa paglikha ng sining at panitikang mula sa mga hilaw na materyales sa buhay ng tao sa ating mga lugar at panahon. May pagkakaiba kung mayroon o walang mga halimbawang katulad nito, ang pagkakaiba ng pagiging krudo at pagiging pino, ng kagaspangan at kakinisan, ng mababa at mataas na antas, ng mabagal at mabilis na paggawa. Kung gayon hindi dapat ibasura ang pamana ng mga ninuno at banyaga o tumangging pag-aralan ang mga iyon, kahit ang mga iyon ay likha ng mga uring burgis at pyudal. Ngunit ang paggamit sa mga halimbawang ito ay hindi dapat pumalit sa ating sariling mapanlikhang paggawa; walang makakapalit dito. Ang di-kritikal na transplantasyon o pangongopya sa mga sinauna at banyagang likha ay baog at mapaminsalang dogmatismo sa sining at panitikan. Ang mga rebolusyonaryong artista at manunulat ng Tsina, mga manunulat at artistang may pangakong hinaharap ay dapat tumungo sa masa; kailangang tumungo
�Ang rebolusyonaryong sining at panitikan ay mga produkto ng repleksyon ng buhay ng tao sa isip ng mga rebolusyonaryong manunulat at artista.�
sila sa mahabang panahon nang walang pag-aalinlangan at buong puso sa masa ng manggagawa, magsasaka at mamamayan, tumungo sa init ng pakikibaka, tumungo sa tanging bukal, ang pinakamalawak at pinakamayamang bukal, para magmasid, maranasan, mag-aral at suriin ang iba't ibang uri ng tao, lahat ng uri, lahat ng masa, lahat ng malinaw na takbo ng buhay at pakikibaka, lahat ng hilaw na materyales ng sining at panitikan. Saka lamang sila makapagpapatuloy sa mapanlikhang paggawa. Kung hindi, wala kang malilikha at ikaw ay mauuwi sa isang pekeng manunulat o artista, ang klase na ipinaaalala nang mahigpit ni Lu Hsun sa kanyang anak na huwag tutularan.[6]

Bagamat ang buhay-panlipunan ng tao ay ang tanging bukal ng sining at panitikan at walang kaparis na sigla at yaman ang nilalaman, ang mga tao ay hindi nasasapatan sa buhay lamang at naghahangad din sila ng panitikan at sining. Bakit? Bagamat ang dalawang ito ay maganda, ang buhay na sinasalamin sa mga likhang-sining at panitikan ay maaari at dapat nasa mas mataas na kunteksto, mas matindi, mas kunsentrado, mas tipikal, mas malapit sa ideyal, at kung gayon, mas unibersal kaysa aktwal na pangaraw-araw na buhay. Ang rebolusyonaryong panitikan at sining ay dapat lumikha ng ibat-ibang tauhan mula sa tunay na buhay, at tulungan ang masa na isulong ang kasaysayan. Halimbawa, may nagtitiis sa kagutuman, nagwa-walambahala at nanunupil sa isang banda, at pagsasamantala at panunupil ng tao sa tao sa kabilang banda. Ang mga bagay na ito ay umiiral kahit saan at itinuturing ng mga tao na karaniwang bagay na lamang. Ang mga artista at manunulat ay nagkukunsentra sa araw-araw na penomena, inilalarawan ang kanilang mga kontradiksyon at pakikibaka at lumilikha ng mga produktong nagmumulat sa masa, nagpapaapoy sa kanilang sigasig at nagtutulak sa kanila para magkaisa at makibaka upang baguhin ang kanilang kapaligiran. Kung walang ganitong sining at panitikan, ang tungkuling ito ay hindi matutugunan, o hindi epektibo at mabilis na matutugunan.

Ano ang kahulugan ng popularisasyon at pagtataas ng pamantayan sa mga likhang-sining at panitikan? Ano ang relasyon ng dalawang tungkuling ito? Ang popular na mga likha ay mas payak at kung gayon ay mas madaling tanggapin ng malawak na masa ng sambayanan sa ngayon. Ang mga likhang mas mataas ang kalidad, dahil mas makinis, ay mas mahirap na likhain at sa pangkalahatan ay hindi naipapamahagi nang mas madali at mas mabilis sa masa. Sa ngayon, ito ang suliraning kinakaharap ng mga manggagawa, magsasaka at mandirigma: naglulunsad sila ngayon ng mapait at madugong pakikibaka sa mga kaaway ngunit sila ay walang pinag-aralan na resulta ng matagal na panahong paghahari ng mga uring pyudal at burgis at kung gayon, sila ay marubdob na naghahangad ng kamulatan, edukasyon at mga likhang-sining at akdang pampanitikan na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan at madaling tanggapin upang pataasin ang antas ng kanilang kasigasigan sa pakikibaka at kumpyansa sa tagumpay, pagtibayin ang kanilang pagkakaisa at labanan ang kaaway nang may pagkakaisa sa puso at isip. Para sa kanila ang unang pangangailangan ay hindi mas "maraming bulaklak sa hardin" kundi "gatong sa panahon ng taglamig". Kung gayon, sa kasalukuyang kondisyon, ang popularisasyon ay mas kagyat na tungkulin. Maling maliitin o isantabi ang popularisasyon.

Anu't-anuman, walang mahigpit at matibay na hangganan ang maaaring iguhit sa pagitan ng popularisasyon at pagtataas ng mga pamantayan. Hindi lamang posible na ipopularisa ang ilang produktong may mas mataas na kalidad kahit sa ngayon, gayundin ang kamulatan sa kultura ng malawak na masa ay patuloy na umuunlad. Kung ang popularisasyon ay mananatili kailanpaman sa parehong antas, at parehong produkto ang sinusuplay buwan-buwan at taun-taon; palagi nang "Little Cowherd"[7] at "Tao, kamay, bibig, sundang, baka, kambing"[8], hindi kaya kapwa manatili sa iisang antas ang guro at mag-aaral? Ano ang magiging kabuluhan ng ganitong popularisasyon? Ang mamamayan ay naggigiit ng popularisasyon, at alinsunod dito, ng mas mataas na kalidad, iginigiit nila ang mas mataas na pamantayan buwan-buwan at taun-taon. Dito, ang kahulugan ng popularisasyon ay popularisasyon para sa mamamayan at ang pagtataas ng pamantayan ay ang pagtataas ng antas para sa mamamayan. At ang pag-aangat na iyan ay hindi mula sa gitna ng alapaap o sa loob ng mga saradong pintuan, sa halip ay nakabatay sa popularisasyon. Ito ay itinatakda ng at kaalinsabay ay gumagabay sa popularisasyon. Sa Tsina sa pangkalahatan, ang pag-unlad ng rebolusyon at rebolusyonaryong kultura ay di-pantay at ang paglaganap ng mga ito ay unti-unti. Habang sa isang lugar ay nariyan ang popularisasyon at ang pagtataas ng pamantayan na nakabatay sa popularisasyon, sa ibang lugar ay hindi pa man lang nagsisimula ang popularisasyon. Kaya ang mahusay na karanasan sa popularisasyon na tumutungo sa mas mataas na pamantayan sa isang lokalidad ay maaaring subukin sa ibang lokalidad at magsilbing gabay sa popularisasyon at pagpapataas ng pamantayan, sa gayon ay naiiwasan ang maraming liko at ikot sa proseso. Sa pandaigdigan, ang mabuting karanasan ng ibang bansa, laluna ng karanasang Sobyet, ay maaari ding gumabay sa atin. Sa atin kung gayon, ang pagtataas ng mga pamantayan ay batay sa popularisasyon, at ang popularisasyon ay ginagabayan ng pagtataas ng pamantayan.

Tungo rito, mula sa pagiging balakid sa pagtataas ng mga pamantayan, ang gawain sa popularisayon, na sinasabi natin, ay nagbibigay ng batayan sa gawaing pagtataas ng mga pamantayan na ginagawa na natin ngayon sa limitadong saklaw at naghahanda ng mga kinakailangang kondisyon para maitaas ang pamantayan sa hinaharap sa mas malawak na saklaw.

Bukod sa pag-aangat ng pamantayan na tumutugon nang tuwiran sa mga pangangailangan ng masa, mayroong tipo na tumutugon nang di tuwiran sa kanilang mga pangangailangan, ito ang tipo na
�...Ang kahulugan ng popularisasyon ay popularisasyon para sa mamamayan at ang pagtataas ng pamantayan ay ang pagtaas ng antas para sa mamamayan .�
kailangan ng mga kadre. Ang mga kadre ang mga abanteng elemento ng masa at sa pangkalahatan ay may higit na pinag-aralan; higit na kailangan nila ang mas mataas na antas ng sining at panitikan. Mali na isawalambahala ito. Anuman ang gawin para sa mga kadre ay para sa masa, sapagkat sa pamamagitan lamang ng mga kadre, mamumulat at magagabayan ang masa. Kung hihiwalay tayo sa layuning ito, kung ang ibibigay natin sa mga kadre ay hindi makakatulong na edukahin at gabayan ang masa, ang ating gawain sa pagtataas ng mga pamantayan ay parang pamamaril nang walang pinipili at humihiwalay na sa pundamental na prinsipyo ng paglilingkod sa masa ng sambayanan.

Bilang pagsusuma: sa pamamagitan ng mapanlikhang paggawa ng mga rebolusyonaryong manunulat at artista, ang mga hilaw na materyales na matatagpuan sa buhay ng tao ay hinubog sa anyong pang-ideolohiya ng panitikan at sining na naglilingkod sa masa ng sambayanan. Kabilang dito ang mas abanteng sining at panitikan na pinaunlad batay sa elementaryang panitikan at sining at ayon sa pangangailangan ng mga seksyon ng masa na ang antas ay tumaas na, o, mas kagyat, ng mga kadre sa hanay ng masa. Kabilang din dito ang elementaryang panitikan at sining na, bilang pagtumbalik, ay ginagabayan ng mas abanteng sining at panitikan at kailangan pangunahin sa ngayon, ng malawak na mayorya ng masa ng sambayanan. Abante man o elementarya, lahat ng sining at panitikan ay para sa masa ng sambayanan, at una sa lahat, para sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma; ang mga ito ay nilikha para sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma at para sa kanilang gamit.

Ngayon na nalutas na natin ang suliranin ng relasyon sa pagitan ng pagtataas ng pamantayan at popularisasyon, ang relasyon sa pagitan ng mga espesyalista at mga taga-popularisa ay maaari na ring malutas. Ang ating mga espesyalista ay hindi lamang para sa mga kadre, kundi gayundin, at sa pangunahin, para sa masa. Ang ating mga espesyalista sa panitikan ay dapat magbigay ng atensyon sa mga peryodikong idinidikit sa dingding at sa mga ulat na isinusulat sa hukbo at mga komunidad. Ang mga espesyalista sa drama ay dapat magbigay ng atensyon sa maliliit na grupo ng mga artista sa hukbo at mga komunidad. Ang ating mga espesyalista sa musika ay dapat magbigay ng atensyon sa mga awit ng masa. Ang ating mga espesyalista sa sining biswal ay dapat magbigay ng atensyon sa sining-biswal ng masa. Lahat ng mga kasamang ito ay dapat lumikha ng malapit na ugnayan sa mga kasamang nasa gawain ng pag-popularisa ng panitikan at sining sa masa. Sa isang banda, kailangan silang tumulong at gumabay sa mga taga-popularisa, at sa kabilang banda, dapat silang matuto sa mga kasamang ito, at sa pamamagitan nila, humalaw ng sustansya mula sa masa, na magpapasigla at magpapalusog upang ang kanilang mga ispesyalidad ay hindi maging mga "matatayog na tore", na hiwalay sa masa at realidad at hungkag sa nilalaman at buhay. Kailangan nating itangi ang mga espesyalista, sapagkat napakahalaga nila sa ating layon. Ngunit dapat nating sabihin sa kanila na walang magagawang makabuluhan ang rebolusyonaryong manunulat at artista kung hindi sila malapit na nakikipag-ugnayan sa masa, nagbibigay ekspresyon sa diwa at damdamin ng masa at naglilingkod bilang matapat nilang tagapagsalita. Sa pagsasalita lamang para sa masa, maaari niya silang edukahin at sa pagiging estudyante lamang ng masa, maaari din
�...walang magagawang makabuluhan ang rebolusyonaryong manunulat at artista kung hindi sila malapit na nakikipag-ugnayan sa masa, nagbibigay ekspresyon sa diwa at damdamin ng masa at naglilingkod bilang matapat nilang tagapagsalita.�
siyang maging guro nila. Kung ituturing niya ang kanyang sarili bilang "amo", isang aristokratang naghahari sa "nakaba-babang saray", kahit pa siya ay mahusay, hindi siya kakaila-nganin ng masa at ang kanyang gawain ay walang kinabukasan.

Ang aktitud ba nating ito ay utilitaryan? Hindi tinutunggali ng mga materyalista ang utilitaryanismo sa pangkalahatan, kundi ang utilitaryanismo lamang ng uring pyudal, burgis at petiburgis; tinutunggali nila ang mga ipokritong umaatake sa utilitaryanismo sa salita, ngunit sa gawa ay yumayakap naman sa pinakamaramot at makitid na utilitaryanismo. Walang "ismo" sa mundo na nakapaibabaw sa mga konsiderasyong utilitaryan; sa lipunang may uri, maaari lamang ang utilitaryanismo ng ganito o ganoong uri. Tayo ay mga rebolusyonaryong proletaryong utilitaryan at pinagsisimulan natin ang pagkakaisa ng kasalukuyan at hinaharap na interes ng pinakamalawak na masa, na bumubuo ng mahigit 90% ng populasyon; sa gayon tayo ay mga rebolusyonaryong utilitaryan na naghahangad ng pinakamalawak at pinaka-pangmatagalang layunin, hindi makikitid na utilitaryan na naghahangad lang ng piraso at kagyat. Kung halimbawa binatikos mo ang utilitaryanismo ng masa subalit para sa iyong kapakinabangan naman, o sa maliit na grupo, ay ipinilit mo sa pamilihan at nagpapalaganap ka sa masa ng isang produkto na kapaki-pakinabang lamang sa iilan at walang kabuluhan o nakapipinsala pa nga sa nakararami, hindi mo lang iniinsulto ang masa kundi inilalantad mo rin ang kakapusan ng kaalaman sa iyong sarili. Mabuti ang isang bagay kung ito ay may hatid na totoong benipisyo sa masa ng sambayanan. Ang iyong likha ay maaaring kasingganda ng "The Spring Snow" ngunit kung sa ngayon ito ay para lamang sa iilan at ang masa ay patuloy na umaawit ng "Song of the Rustic Poor"[9] wala kang hahantungan kung pagagalitan mo lang sila sa halip na magsikap maiangat ang kanilang antas. Ang katanungan ngayon ay ang pag-iisa ng "The Spring Snow" at "Song of the Rustic Poor," sa pagitan ng mas mataas na mga pamantayan at ng popularisasyon. Kung wala ang ganitong pagkakaisa, ang kataastaasang sining ng kahit sinong eksperto ay mauuwi sa pagiging utilitaryan sa pinakamakitid na kahulugan; maaaring tawagin mong "puro at napakatayog" ang sining na ito ngunit ito ay katawagan mo lang na hindi tinatangkilik ng masa.

Kapag nalutas na natin ang mga suliranin sa mga pundamental na patakaran, yaong paglilingkod sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma at paano sila paglilingkuran, ang iba pang suliranin tulad ng kung susulat tungkol sa maaliwalas na pangyayari o madidilim na mukha ng buhay at ang suliranin ng pagkakaisa ay malulutas na rin. Kung ang bawat isa ay sumasang-ayon sa pundamental na patakarang ito, ito ay dapat panghawakan ng lahat ng ating mga manggagawa, mga eskwelahan, publikasyon at organisasyon sa larangan ng panitikan at sining at lahat ng mga aktibidad sa ilalim nito. Mali na humiwalay sa patakarang ito at lahat ng paglihis dito ay dapat na karampatang iwasto.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.