Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ngayon hanggang bukang-liwayway
TOC 1910-2000
Tatang ng Hukbong Bayan
Ceferino �Tatang� Lacara


Nang yumao si Ceferino Lacara noong Hunyo 2000 ay saka

lamang nagkaroon ng pangalan at mukha para sa maraming kasama at masa si �Tatang�--ang pangunahing tauhan sa testimonyal/biograpikal na librong Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway.

Ang isang nangingibabaw na katangian ni Ceferino Lacara o Tatang ay ang pag-aalay ng buong 90 taon ng kanyang buhay sa rebolusyon. Inialay niya ang kasiglahan ng kanyang kabataan, pati natitirang lakas ng kanyang katandaan, para sa pagsusulong ng rebolusyon.

Makulay at mayaman sa aral at karanasan ang maraming taong inilaan ni Tatang sa rebolusyonaryong kilusan. Mula sa pagtatabas ng tubo sa Pampanga at Nueva Ecija; hanggang sa pagsapi sa mga unyon at organisasyong progresibo at makabayan; hanggang sa pag-oorganisa sa mga maralitang komunidad sa lungsod; tungo sa pagbubukas ng mga larangang gerilya sa kanayunan. Nasubaybayan, naging bahagi at namuno si Tatang sa pagbibinhi at pagyabong ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa at magsasaka at ng Partido. Sa kabuuan ng kanyang buhay ay naging bahagi siya ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Ipinanganak si Ceferino Lacara noong 1910 sa Bacnotan, La Union. Dahil mahirap ang kanilang pamilya, nagtrabaho si Tatang bilang tabasero ng tubo sa mga asyenda sa Pampanga at Nueva Ecija. Dito siya namulat sa pagsasamantala ng panginoong maylupa sa mga kasama.

Naging aktibo siya sa pag-uunyon at naging kasapi ng KAP (Katipunang Anak-pawis ng Pilipinas) at KPMP (Kalipunang Pambansa ng Magbubukid sa Pilipinas). Kalaunan ay naging kasapi siya ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas at patuloy na kumilos bilang organisador sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka. Naging bahagi din siya ng pagbubukas ng mga bagong lugar na kikilusan at sa pagtatayo ng mga grupo ng Partido.

Nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumapi si Tatang sa Hukbalahap. Pagkatapos ng gyera ay naging aktibo siya sa CLO (Congress of Labor Organizations). Dahil sa matinding panunupil sa militanteng kilusan, noong 1952 ay dinakip at nabilanggo si Tatang tulad ng ibang lider-manggagawa at magsasaka. Lubos siyang napalaya noong 1961. Nagsimula ulit siyang kumilos sa hanay ng maralitang tagalunsod--una sa Tondo, at kalaunan ay sa Constitution Hill (Batasang Pambansa ngayon).

Noong 1968, isa siya sa mga inanyayahang dumalo sa mga pagpupulong para sa muling pagtatatag ng Partido. Bilang kasapi ng muling itinatag na Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), isa siya sa mga kadreng tumugon sa panawagan ng pagpapalawak ng Partido noong 1969. Kumilos siya sa Ilocos, kanlurang Pangasinan, La Union, at bulubunduking lugar ng mga Igorot. Naging bahagi siya ng pagpapaunlad sa mga lugar na ito at pagrerekluta ng mga kabataan para sa larangang gerilya sa Isabela.

Nang suspindihin ang writ of habeas corpus noong 1971 ay nasa Maynila na ulit si Tatang. Umatras siya sa Silangang Rizal at doon kumilos. Noong 1976 ay inatasan siyang mag-organisa sa tri-boundary ng Kalinga-Apayao, Abra at Ilocos Sur. Pagkatapos ng tatlong taon, dahil uminit na siya sa mata ng kaaway, nalipat si Tatang sa Ilocos Sur kung saan siya kumilos mula 1980-1981. Dito ay muli siyang uminit sa mata ng kaaway, kung kaya't bumalik siya sa Maynila. Kumilos siya muli sa hanay ng manggagawa kung saan siya nagsimula. Noong Hunyo 2000, dito na rin natapos ang mahaba at masiglang pakikibaka ni Tatang, sa edad na 90.

Si Ceferino Lacara ay isang huwarang rebolusyonaryo. Mahusay siyang makipagkapwa-tao, mahusay sa panlipunang pagsisiyasat, mahusay tumangan ng seguridad, matiyagang magpaunlad ng mga abanteng elemento mula sa masa __ mga katangiang mahalaga lalo sa mga kadreng naatasang magbukas ng bagong gawain o larangan. Kahit di nakapag-aral ay matiyaga siyang nag-aral ng teorya at pakikibaka ng makauring pakikibaka. Makikita rin ang tatag ng kanyang rebolusyonaryong paninindigan sa harap ng pagbabanta at pagkabihag ng kaaway.

Higit sa lahat, si Ceferino Lacara ay isang rebolusyonaryong hindi nawalan ng sigla, sa lahat ng panahon, ng kanyang makulay at mahabang buhay at pakikibaka.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.