|
Ulos: Hunyo 2003 Pelikula TOC
MINSA’Y ISANG GAMUGAMO (1976)
|
Direksyon ni Lupita A. Concio, Panulat ni Marina Feleo-Gonzales, Tampok sina Nora Aunor, Jay Ilagan, Perla Bautista, Gloria Sevilla, Eddie Villamayor, Paquito Salcedo, atbp.
Ang Minsa'y Isang Gamugamo ang unang komersyal na pelikulang tumalakay sa mga negatibong epekto ng pananatili ng base militar ng US sa Pilipinas. Umiikot ang kwento sa buhay ng dalawang pamilyang nakatira malapit sa base militar sa Pampanga. Tipikal na petiburges ang mga pamilya nina Corazon (Aunor) at Bonifacio (Ilagan) - may mga burges na aspirasyon at kolonyal na mentalidad; maliban na lamang sa lolo ni Corazon (Salcedo) na tutol sa dominasyon ng US sa bansa. Pangarap ni Corazon ang makapag-trabaho sa Amerika bilang nars, magkaroon ng green card at sa malao'y ipetisyon ang buong pamilya patungong US. Kahati niya sa pangarap na ito ang kasintahang si Bonifacio na nagnanais namang pumasok sa US Navy.
Sa gitna ng pananabik ng lahat sa pag-lipad ni Corazon tungong Amerika, darating ang sunud-sunod na trahedya. Pagbibintangang magnanakaw ang nanay ni Bonifacio na si Yolanda (Bautista) sa pinagtatrabahuhang US Navy Exchange. Ang kapatid naman ni Corazon na si Carlito (Villamayor) ay mababaril at mapapatay ng sundalong Amerikano habang naglalaro sa tambakang katabi ng base militar - napagkamalan daw na baboy-damo!
Ipagpapalit ni Corazon ang American Dream sa paghahanap ng hustisya para sa kanyang kapatid. Sa tila imposibleng misyon ng pagsagupa sa kapangyarihang imperyalista ay masasambit ni Corazon: "...mabuti nang malaman nila na dito sa atin, minsa'y isang gamugamo ang di natakot sa lawin."
|
|
Previous | Table of Contents | Next
|
|