Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC Bayani


Ako'y manggagawa; butil ng buhangin, sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din; buhay ko'y sa Dios utang nga marahil, nguni't ang palad ko'y utang din sa akin. Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling sa sariling pawis ang iyong kakanin."   Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang at pikit ang mata ng sangkatauhan: dahilan sa aki'y kaharia't bayan ang nangapatayo sa bundok at ilang, aking pinasikat sa gabi ang araw at tinanglawan ko ang diwa't ang buhay.   Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma, ako ang nagbagsak sa palalong Troya: ang mga kamay ko'y martilyo't sandata - pambuo't panggiba ng anumang pita! Kung may kayamanan ngayong nakikita, paggawa ko'y siyang pinuhunan muna!   Ako'y isang haring walang trono't putong, panginoong laging namamanginoon, daming pinagpalang binigyan ng milyon ay ako't ako rin itong patay-gutom; sila ay sa aking balikat tumuntong, naging Mamo't Nabob ang dati kong ampon!   Sambundok na ginto ang aking dinungkal, kahi't na kaputol, di binahagihan! ang aking inani'y sambukiring palay, nguni't wala akong isaing man lamang! ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay habang nasa bingit ako ng libingan!   Ang luha ko't dugo'y ibinubong pawa sa lupang sarili, nguni't nang lumaya, ako'y wala kahit sandakot na lupa! Kung may tao't bayang nangaging dakila, karaniwang hagda'y akong Manggagawa, nasa putik ako't sila'y sa dambana!   Kung kaya sumulong ang ating daigdig, sa gulong ng aking mga pagsasakit: nilagyan ang tao ng pakpak at bagwis, madaling nag-akyat-manaog sa langit; saliksik ang bundok, ang bangin at yungib, ang kailaliman ng dagat, saliksik!   Ang mga gusali, daan at sasakyan, ay niyaring lahat ng bakal kong kamay; sa tuklas kong lakas - langis, uling, bakal, naghimala itong industria't kalakal; nguni't lumawak din naman itong pagitan ng buhay at ari. nasupil ang buhay! Ang mundo'y malupit: ngayo't ako'y ako, nakamihasnan nang dustain ng mundo; gayon pa ma'y habang tao ay tao, gawa ang urian kung ano't kung sino; batong walang ganda'y sangkap sa palasyo, sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo.   Tuwi na'y walin man ako ng halaga, iyan ay pakanang mapagsamantala; ang ginto, saan man, ay gintong talaga, ang bango, takpan man, ay di nagbabawa; itakwil man ako ng mga nanggaga, walang magagawang hadlang sa istorya!   Kung di nga sa aki'y alin kayang bagay ang magkakasigla at magkakabuhay? Puhunan? Likha ko lamang ang Puhunan! Bayan? At hindi ba ako rin ang Bayan? Walang mangyayari, pag ako ang ayaw, mangyayaring lahat, ibigin ko lamang!   Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila ang karapatan kong laong iniluha, ang aking katwiran ay bigyan ng laya at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala sa aking panata sa pagkadakila. Taong walang saysay ang di Manggagawa!        


Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.