Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Artikulo
TOC Mga talumpati sa porum sa Yenan hinggil sa sining at panitikan
3


Dahil ang panitikan at sining ay para sa masa ng sambayanan, maaari na nating patuloy na talakayin ang suliranin ng mga panloob na relasyon ng Partido, ang relasyon ng gawain ng Partido sa panitikan at sining at ng gawain ng Partido sa kabuuan, at dagdag pa ang problema sa mga relasyong panlabas ng Partido, ibig sabihin ang relasyon sa pagitan ng gawain ng Partido sa panitikan at sining at gawain ng mga di kasapi ng Partido sa larangan ng gawaing ito, isang suliranin ng nagkakaisang prente sa mga sirkulong pansining at pampanitikan.

Ikunsidera natin ang unang problema. Sa buong mundo ngayon, lahat ng kultura, lahat ng panitikan at sining ay kabilang sa mga tiyak na uri at nakatutok sa mga tiyak na linyang pampulitika. Sa totoo, wala namang masasabing "sining para sa sining lamang", sining na nakapaibabaw sa mga uri o sining na nagsasarili o hiwalay sa pulitika. Ang proletaryong sining at panitikan ay bahagi ng buong rebolusyonaryong proletaryong adhikain; ang mga ito, sabi nga ni Lenin ay "Piyesa at Gulong"[10] ng buong rebolusyonaryong makina. Kung gayon, ang gawain ng Partido sa sining at panitikan ay umuukopa ng isang tiyak at takdang pusisyon sa kabuuan ng rebolusyonaryong gawain ng Partido at sumasailalim sa mga rebolusyonaryong tungkuling itinakda ng Partido sa isang takdang rebolusyonaryong yugto. Ang pagtutol sa ganitong kaayusan ay tiyak na tutungo sa dualismo o pluralismo, at sa esensya ay nasusuma sa "pulitika-Marxista, sining-burgis", tulad ng kay Trotsky. Hindi tayo pabor sa sobrang pagdidiin sa kahalagahan ng literatura at sining, ngunit hindi rin tayo pabor kung mamaliitin ang mga ito. Ang sining at panitikan ay sumasailim sa pulitika, bagamat sa totoo ay may napakalaking impluwensya ang mga ito sa pulitika. Ang rebolusyonaryong sining at panitikan ay bahagi ng buong rebolusyonaryong adhikain, ito ay mga "piyesa at gulong" nito, at kung ihahambing sa iba at mas importanteng bahagi, ang mga ito ay hindi kasing importante, kasing kagyat at umuukopa ng sekundaryong pusisyon, anut-anuman ang mga ito ay di-maiaalis na piyesa at gulong ng buong makina, di maiaalis na bahagi ng buong rebolusyonaryong adhikain. Kung wala tayong panitikan at sining kahit sa pinakamalawak at pinaka-ordinaryong kahulugan ng mga ito, hindi natin maipagpapatuloy ang rebolusyonaryong kilusan at hindi tayo magtatagumpay. Mali na ito ay hindi kilalanin. Dagdag pa, kapag sinabi nating ang panitikan at sining ay pumapailalim sa pulitika, tinutukoy natin ang makauring pulitika, ang pulitika ng masa, hindi ang pulitika ng iilang tinaguriang namumuno. Ang pulitika, rebolusyonaryo man o kontra-rebolusyonaryo, ay pakikibaka ng uri laban sa uri, hindi aktibidad ng iilang indibidwal lamang. Ang rebolusyonaryong pakikibaka sa mga ideolohikal at artistikong larangan ay dapat sumailalim sa pampulitikang pakikibaka dahil tanging sa pulitika lamang magkakaroon ng ekpresyon sa kunsentradong anyo ang mga pangangailangan ng uri at masa. Ang rebolusyonaryong namumuno, ang mga dalubhasa sa pulitika na nakakaunawa sa syensya o sining ng rebolusyonaryong pulitika, ay simpleng mga lider ng milyun-milyong namumuno - ang masa.

Tungkulin nilang tipunin ang mga opinyon ng mga masang namumuno, salain at kinisin ang mga ito at ibalik sa masa, na siyang tatanggap at magsasapraktika nito. Sila, kung gayon, ay hindi yaong tipo ng aristokratang namumuno na nagpupulong sa loob ng saradong silid at nag-aakalang monopolyo nila ang karunungan. Dito ay makikita ang pagkakaiba sa prinsipyo ng proletaryadong namumuno at dekadenteng burgis na namumuno. Ito ang dahilan kung bakit maaaring magkaroon ng lubos na pagkakaisa ang pampulitikang katangian ng mga likhang-sining at akdang pampanitikan, at ang kanilang pagiging makatotohanan. Mali ang hindi ito kikilalanin at palabnawin ang pulitika at pamumuno ng proletaryado.

Ikunsidera natin ang kasunod na kwestyon ng nagkakaisang prente sa daigdig ng sining at panitikan. Dahil ang panitikan at sining ay pumapailalim sa pulitika at dahil ang pundamental na problema sa pulitika ng Tsina sa ngayon ay paglaban sa Hapon, ang ating mga manunulat at artista ay, una sa lahat, kailangang magkaisa sa isyung ito, kasama ng iba pang di kasapi ng Partido na mga artista at manunulat (mula sa mga simpatisador ng Partido at mga petiburgis na manunulat at artista hanggang sa lahat ng mga manunulat at artista ng mga uring burgis at panginoong maylupa na pumapabor sa paglaban sa Hapon). Ikalawa, kailangang makipagkaisa tayo sa isyu ng demokrasya. Sa isyung ito, may isang seksyon ng mga manunulat at artista na anti-Hapones ngunit hindi sumasang-ayon sa atin, kung kaya ang saklaw ng pagkakaisa ay di maiiwasang maging makitid. Ikatlo, makikipagkaisa tayo sa kanila sa mga isyung natatangi sa daigdig ng sining at panitikan, mga usapin ng pamamaraan at istilo sa panitikan at sinig; at ditong muli, dahil sa tayo ay para sa realismong sosyalista at mga taong hindi sumasang-ayon, ang saklaw ng pagkakaisa kung gayon ay mas makitid. Habang sa isang isyu ay may pagkakaisa, sa iba naman ay may tunggalian, may kritisismo. Ang mga isyu ay kagyat na magkakahiwalay at magkakaugnay, at kahit sa mga batayang isyu ng pagkakaisa tulad ng paglaban sa Hapon, mayroon pa ring tunggalian at kritisismo. Sa nagkakaisang prente "ang lahat ay pagkakaisa at walang tunggalian" at "ang lahat ay tunggalian at walang pagkakaisa" ay kapwa maling patakaran --- katulad ng 'kanang kapitulasyunismo' at 'buntotismo' , o 'Kaliwang eksklusibismo at sektaryanismo', na isinasapraktika ng ilang kasama sa nakaraan. Ito'y totoo hindi lamang sa sining at panitikan, kundi pati sa pulitika.

Ang mga petiburgis na manunulat at artista ay bumubuo ng importanteng lakas sa mga pwersa ng nagkakaisang prente sa mga sirkulo ng sining at panitikan sa Tsina. May mga kahinaan sa kanilang pananaw at paggawa, ngunit relatibong mas kiling sila sa rebolusyon at malapit sa mga taong nagtatrabaho. Kung gayon tayo ay may espesyal at mahalagang tungkulin na tulungan silang makaigpaw sa kanilang kahinaan at mapapapanig sila sa nagkakaisang prente na naglilingkod sa masang anakpawis.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.