Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Hunyo 2003
Sanaysay
TOC Ang Digmaan sa Pelikula at ang Pagsasapelikula ng Digmaan


Pagkalipas daw ng 400 taon sa kumbento, sa sinehan naman isinuot ang mga Pilipino. Napakalakas ng impluwensya at pang-akit ng Hollywood, saklaw di lamang ang Pilipinas kundi ang buong daigdig. Mga sikat at mararangyang artista, magagarang produksyon, nakaaangat at makinis na aspetong teknikal � iyan ang alindog ng Hollywood, ang tinaguriang kabi-sera ng paggawa ng pelikula. Ito rin ang pinakapopular na ahenteng tagapagpalaganap ng ideolohiyang Amerikano (basahin ang kaugnay na sanaysay na Directed By: Uncle Sam), ibinibida, ipinanghahalina at ipinag-mamatuwid ang buhay, kaisipan at panlasang Kano. Ang pelikula at telebisyon ang pinakamakapangyarihang kasangkapan ng imperyalismong US sa pambabaluktot sa kasaysayan at sa pagkukubli sa tunay na kalagayan ng mamamayan, sa paglulubid ng mga pantasyang pang-aliw at pampalimot sa gutom at kahirapan, sa pagpapalaganap ng kaisipang pyudal, burges at makadayuhan.

Agad ginamit ng imperyalista ang pelikula upang padulasin ang pananakop sa bansa. Pagdaong ni Komodor George Dewey sa Maynila noong 1898, may kasa-kasama na siyang kameraman. Kinunan nila ang kalakaran ng pang-araw-araw na pamumuhay sa inangking kolonya - mga sabong at prusisyon, minahan ng ginto sa Paracale, ang pagtatayo ng Manila Hotel. Ang resulta'y serye ng maiikling dokumentaryo na nagpamalas ng anila'y "pag-unlad" ng Pilipinas sa kamay ng mga Amerikano. Sa US, isinapelikula naman ng Edison Manufacturing Company ang ilang pagsasadula ng umano'y mga kaganapan sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Mga Aprikano-Amerikano ang pinaganap bilang mga "insurektong" Pilipino at pulos puti naman ang gumanap bilang kasalungat na sundalong Amerikano. Pinalabas na duwag at umaatras sa labanan ang mga rebolusyonaryong Pilipino at pinapurihan naman ang "kagitingan" ng mga berdugong Kano.

Tunay ngang makapangyarihang sandata ang pelikula sa paghubog ng kaisipan at kamalayan. Wika nga, ang larawan ay katumbas ng sanlibong salita. Paano pa kaya kung pinagsunud-sunod at pinagtagni-tagni ang mga piling larawan, nilapatan ng makabagbag-damdaming tunog at itinambad sa dambuhalang pinilakang tabing o kaya'y paulit-ulit na tinanghal sa telebisyon? Kung kasangkapan ng imperyalismong pangkultura ng US ang pelikula, higit itong dapat pagyamanin, iangkop sa pakikibaka at magsilbing sandata ng mapagpalayang kilusan. Kung itinatakas ng mga bulok at dekadenteng pelikulang Hollywood ang mga manonood sa realidad ng kaapihan at kasalatan, mamumulat sila't mapapakilos ng mga alternatibong pelikulang makatotohanan, masining at makabuluhan.

Mas madali na ngayong maabot ang kagamitan at teknolohiyang kinakailangan para sa paggawa ng pelikula, subalit ang masmidya at industriya ng pelikulang Pilipino ay nananatili sa kontrol ng mga kapitalistang nakikinabang sa umiiral na kaayusan ng lipunan. Bihirang tangkilikin ng mga prodyuser ang mga progresibong pelikula. Katangi-tangi kung gayon ang mga direktor, manunulat, artista at manggagawang pangkulturang nangangahas sa larangang ito. Samantala'y lumalaganap naman ang mga bidyo-dokumentaryong nagpapakita ng tunay na kalagayan, mga panga-ngailangan at laban ng mamamayan. Naipapalabas ang mga ito sa mga pagtitipon sa kanayunan at kalunsuran, minsan pa'y sa labas ng bansa. Mabilis, madali at epektibong naibabahagi ang mga ito para sa edukasyon ng mas malawak na mamamayan, anumang dami ng manonood, nakapagbabasa man o hindi. Madali rin itong naipapalaganap sa pamamagitan ng mga CD o compact disc.

Sa pagsulong ng pambansang kamalayan at pakikibaka, tumataliba ang sining na palaban, mapanghamon at tumutuligsa sa mga tunay na kaaway ng mamamayan sa bawat yugto ng kasaysayan. May matinding labanang nangyayari sa larangan ng pelikula - ang digmaan para sa puso't isipan ng sambayanan.

Hindi makukumpleto ang isyung ito ng Ulos kung walang pagtukoy sa ilang mahahalagang pelikulang nagpatungkol sa pananakop at pang-hihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas at sa nagpapatuloy na paglaban at pakikibakang sagot ng mamamayang Pilipino. Ilan lamang ang mga sumusunod sa papahabang listahan ng mga pelikulang inirerekomenda ng patnugutan ng Ulos. Karamihan dito'y mga progresibong bidyo-dokumentaryo. Antabayanan na lamang ang susunod pang pamagat.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.