Binabago tayo ng Partido-
tulad kung paano binabaklas sa bao ng niyog
ang maganit nitong bunot, tinutungkab ang
milyun-milyong hibla at salansan ng pagkamakasarili
tulad ng tigang na kaingin, dinudukal ang
buhaghag na paninindigan;
tulad kung paano tinitibag ang pader ng
kamangmangan at pag-aalinlangan;
at tulad kung paano hinahawan at pinaglalagablab ngayon
ang daan-taong dawag ng sindak at pagkakimi.
Binabago tayo ng ating Partido-
ang dating walang gulugod na alipin ng gahaman
ngayo'y marangal na binubuklod ng sandatahan
mga Pulang mandirigma ng api't pinagsasamantalahan,
mga komunistang magsasaka't manggagawa
tayong bumabago ng ating daigdig!
|