Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Hunyo 2003
Pelikula
TOC Orapronobis (1989)


Magbubukas ang pelikula sa Baryo Dolores, taong 1985, isang dayuhang pari ang pinaslang ni Kumander Kontra (Roco), pinuno ng milisyang kultong Orapronobis. Binasbasan kasi nito ang labi ng pinagbintangan nilang rebelde, taong sila rin mismo ang pumatay.

Lipat ang eksena sa EDSA, 1986, naganap ang pag-aalsang nagpatalsik sa diktador. Pina-laya ang mga bilanggong pulitikal, kabilang dito si Jimmy (Salvador), dating paring naging pulang mandirigma. Nakasal siya kay Trixie (Bonnevie), kasapi ng alyansang nangampanya para sa kanilang kalayaan.

Sa Dolores, minasaker ng Orapronobis ang isang grupo ng kalalakihan, tagasuporta rin umano ng mga rebelde. Sumama si Jimmy sa imbestigasyon ng pangyayari. Isa sa mga biktima ang asawa ni Esper (Alajar), dati niyang ka-relasyon at kasama sa kilusan. Nalaman ni Jimmy na may anak pala siya kay Esper, si Camilo (Herrera). Buntis na rin noon si Trixie sa kanilang anak.

Bigla namang dumalaw kay Jimmy ang dati ring kasamahan na kapwa nabilanggo (Medina). Hinikayat siya nitong bumalik sa kilusan. Tumanggi si Jimmy sa pag-aakalang ang "nagbagong" kaayusan sa lipunan ay nananawagan ng panibago ring uri ng pakikibaka. Iniwan ng bisita ang numero ng telepono kung saan siya matatawagan, pati na rin ang kanyang baril upang makaligtas sa mga tsekpoynt ng militar.

Sinugod ng militar ang pinagkanlungan ng grupo nina Jimmy sa mga taga-Dolores at dinakip ang ilang kalalakihan. Dinukot ng armadong grupo ang mag-inang Esper at Camilo. Pakana pala ito ng Orapronobis. Ginahasa at tinortyur ni Kumander Kontra si Esper sa harap ng anak. Nakaagaw ng baril si Esper at tinamaan si Kontra. Sa galit, pinagbabaril nito ang mag-ina at ang hinuling kalalakihang tagabaryo. Pinatay si Kumander Kontra ng sariling tauhan at pinalamon ang puso nito sa mga miyembro ng kulto. Huli na nang dumating si Jimmy sa Dolores. Inilayo niya ang bangkay ng anak sa pamimista ng midya at ng mga pulitiko. Nayanig si Jimmy at natauhan. Umuwi siya kay Trixie at sa kanilang anak, na noo'y payapang natutulog. Nakapag-pasya na si Jimmy. Tinawagan niya ang dating kasama at kinuha ang iniwanan niyang baril. Handa nang bumalik si Jimmy sa kilusan.

Hango sa mga tunay na pangyayari (pag-paslang ng kultong Ilaga kay Fr. Tullio Favali sa Cotabato noong 1985), ang Orapronobis ay isang mahalagang patotoo ng paggamit ng estado sa mga panatikong kulto sa kampanyang "low-intensity conflict" (LIC). Ang LIC ang programang kontra-insurhensya na nilunsad ng US upang pangalagaan ang kanilang interes sa mga bansang may banta ng rebolusyon. Ipinatupad naman ito ng rehimeng Corazon Aquino sa bisa ng total war policy laban sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Mahusay na napasinungalingan ng Orapronobis ang pag-aastang demokratiko ng rehimeng US-Aquino. Pinarangalan at pinapurihan ang Orapronobis sa labas ng bansa subalit ipinagbawal ng administrasyong Aquino ang pagpapalabas nito sa Pilipinas.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.