Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2000
Sanaysay II
TOC Martires
Mga dakilang pangalan sa larangan ng armadong pakikibaka


Ang sambayanan ay malimit nakakarinig ng mga balita tungkol sa Bagong Hukbong Bayan. Sa mga pampublikong brodkas ng BHB, ang rehiyunal na kumand sa operasyon at mga larangang gerilya ay kadalasa'y nakapangalan sa mga personahe-mga rebolusyonaryong martir-na di minsang nag-aanyaya ng ating pag-uusisa sa kanilang pagkatao. Dahil ang BHB ay ang hukbo ng mamamayan at may maningning
Bakit naging kaugalian na para sa BHB na angkinin ang pangalan ng mga martir ng rebolusyon? Ito'y kahuli-hulihang pagsaludo na taglay ang pangakong ipagpatuloy ang pakikibakang naulila sa kanilang pagpanaw.
na rekord sa pagtatanggol at pagsusulong ng kanilang interes, naging bukambibig na sa publiko itong mga pangalan na mistulang tatak ng kagitingan ng Pulang sandatahan. Bakit naging kaugalian na para sa BHB na angkinin ang pangalan ng mga martir ng rebolusyon? Ito'y kahuli-hulihang pagsaludo na taglay ang pangakong ipagpatuloy ang pakikibakang naulila sa kanilang pagpanaw. Para sa BHB, ito'y isa ring malaking karangalan at nagpapataas ng mapanlabang diwa, sapagkat sadyang abot-langit ang pagtingin at papuri ng masa sa mga rebolusyonaryong martir. Para sa Partido na absoluto ang pamumuno sa BHB, ito'y isang pagpaparangal para sa mga kadreng naging modelo bilang mga proletaryadong rebolusyonaryong naglingkod sa sambayanan hanggang sa kanilang pag-alay ng buhay. Sa ating pagsusulong ng armadong pakikibaka, mula Luzon hanggang Mindanao, tila mga bandilang pulang nagwawagayway ang pangalan ng mga rebolusyonaryong martir. Para mabatid ng madla ang kwento sa likod ng mga pangalang ito, baybayin natin ang mga pangalan na naging kilala na sa rehiyon ng Silangang Kabisayaan. Mag-uumpisa tayo sa mga karaniwang tao at ang naging buhay at kamatayan nilang magpasyang maglingkod sa armadong pakikibaka sa kanayunan. At sa mga larangang itatala, ang pinakahuli ay ang landas na kanilang itinahak: ang bundok. Sila ang tinaguriang-MARTIRES!

Efren Martires Command
 (Panrehiyunal na Kumand sa Operasyon)

Bantog na kumander ng BHB sa Samar si Kasamang Efren Martires, o mas kilala bilang si Ka Popong, noong kabataan ng rebolusyonaryong kilusan sa isla. Kaya nang siya'y namartir, hindi nag-alinlangan ang pamunuan ng rehiyon na ipangalan sa kanyang alaala ang rehiyunal na kumand sa operasyon ng Hukbong bayan.

Si Ka Popong ay ipinanganak noong Hulyo 21, 1951, sa Barobaybay, Lavezares, Hilagang Samar, panganay sa labing-isang magkakapatid. Mababang petiburgesya ang kanyang uring pinagmulan, kaya maaga siyang natutong magtrabaho para makatulong sa pantustos sa pamilya. Dinaanan niya ang iba't ibang trabaho tulad ng paglilimpya ng sapatos, pagbebenta ng tinapay, pangingisda, pagsasaka, at iba pa. Nahubog siya sa pagiging likas na lider dahil sa pagiging responsable sa murang edad.

Nasa ikalimang taon siya ng pag-aaral ng veterinary medicine sa University of Eastern Philippines (UEP), kung saan nahirang siya bilang "Modelong Kadete" ng ROTC, nang sumiklab ang rebolusyonaryong aktibismo sa kampus. Sumapi si Ka Popong sa Kabataang Makabayan at naging maslider ng mga estudyante. Nang idineklara ang Batas Militar noong Setyembre 1972, isa si Ka Popong sa pinaghahanap ng mga pasistang sundalo ni Marcos. Nadakip siya kasama ang tatlo pang mga aktibista nang sumunod na buwan. Mula sa piitan ng Catarman Provincial PC Command, siya'y inilipat at nakulong sa Cebu Detention Center ng Camp Lapulapu hanggang Abril 1973. Nakahalubilo niya ang iba't ibang mga detenidong pulitikal na galing sa kung saang panig ng Kabisayaan.

Sa kabila ng pampulitikang panunupil ng pasistang diktadurya, nanatiling matatag si Ka Popong at ang iba pang mga kasama. Ang layuning pahinain ang kanilang rebolusyonaryong paninindigan sa kulungan ay nabigo. Ang kulungan mismo'y ginawang paaralan ng Marxismo-Leninismo at nagpatatag sa hanay ng mga detinido. Bilang patunay sa kabiguan ng reaksyunaryong estado, sa loob mismo ng kanyang mga rehas naging kasapi ng Partido si Ka Popong!

Kaya nang mapalaya si Ka Popong at ilang mga kasama, ang kabundukan at ang armadong pakikibaka ang landas na agad-agad nilang tinahak. Nadestino siya sa Silangang Samar, kung saan tumulong siya sa pagpupundar ng rebolusyonaryong kilusan. Hinarap nila ng mga kasama ang maraming kahirapan-limitasyon sa linya ng komunikasyon, kamusmusan sa rebolusyonaryong teorya at praktika, problema sa mga praktikal na usapin ng kilusang masa, at marami pang iba. May panahon pa ngang nawalan ng gabay mula sa rehiyunal na pamunuan sina Ka Popong dahil sa panggigipit ng kaaway. Gayunpaman, nailatag at malalim nilang napaugat ang rebolusyonaryong kilusan sa pagtatatag ng BHB at sa pagsusulong ng interes ng masang magsasaka.

Naging mahusay na rebolusyonaryo at kumander ng BHB si Ka Popong. Mula sa pagiging dating "modelong kadete" sa pamantasan, siya'y naging modelong kadre ng Partido at tagasanay at pinuno ng hukbong bayan. Nakakapagbigay-buhay ang kanyang rebolusyonaryong optimismo at katalasan sa pagsusuri ng mga bagay-bagay at kaganapan. Isa siyang tunay na kaibigan at kadamay ng masang magsasaka. Matapat siya sa paglilingkod sa masa at magiting sa pakikipaglaban sa mga kaaway nila, laluna sa mga pasistang tropa na nagmamalupit sa kanila.

Noong Nobyembre 25, 1975, nilusob ng kaaway ang himpilan ng yunit ni Ka Popong, na noo'y napilay dahil ang dalawang paa niya'y nabaril sa isang aksidente. Bilang kumander, agaran niyang iniutos ang pag-atras, at dahil hindi nga makalakad, nagpaiwan na lamang siya upang mabigyan ng kober ang papaatras na mga kasama. Sa mainit na labanang naganap, tatlo sa pasistang tropa ang kanyang naibuwal bago naubusan ng bala ang kanyang Thompson submachine gun. Upang hindi mapakinabangan ng kaaway ang hawak niyang baril, dinistrungka pa niya ito at itinapon ang mga pyesa. Hanggang siya'y mabawian ng hininga, patuloy niyang hinamon ang kaaway sa rebolusyonaryong ahitasyon. Nagsakripisyo siya ng sarili upang maipagpatuloy ng iba ang dakilang layunin na inalayan niya ng kanyang buhay. Isa itong mataas na antas ng kabayanihan. Ito ang absolutong hindi pagiging makasarili:

"Ang isang buhay na inialay sa rebolusyon ni Efren "Ka Popong" Martires ay tumungo sa laksa-laksang bilang ng Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong masa. Ang dugong dumaloy noong Nobyembre 25, 1975, ay nagdilig sa lupang patuloy na nagbubunga ng rebolusyonaryong lakas at mga tagumpay." (Larab, rehiyunal na publikasyon, Nobyembre-Disyembre 1997)

Evelyn Dublin Command

Si Kasamang Evelyn Dublin, o si Ka Anya, ay nasa hayskul pa lamang sa Unibersidad ng San Carlos (USC) sa Cebu nang magsimulang kumilos sa hanay ng kabataan-estudyante. Siya'y matalino at laging may karangalan bilang estudyante. Nakapagtapos siya ng kurso sa kolehiyo sa naturang pamantasan. Nang ibaba ang batas militar ng diktaduryang US-Marcos, nagpasya siyang magpultaym. Naging manunulat siya sa Resistance at Makigbisog, mga publikasyon sa Cebu ng kilusang lihim. Kasali rin siya sa Entablado, isang progresibong grupong pangkultura. Nahuli minsan ng militar si Ka Anya ngunit nakalaya rin siya kaagad.

Bumalik siya sa USC at nagturo ng antropolohiya sa kolehiyo. Naaalala ng mga dating kasamahan niya na kumuha pa nga siya ng Ph.D. noong panahong iyon. May isang anak na babae at dalawang anak na lalaki si Ka Anya sa kanyang kabiyak, ngunit ang huli'y nagtraydor at sila'y naghiwalay. Pagdating ng 1981, nagdesisyon siyang tumungo sa kanayunan at kumilos sa Timog Leyte. Bitbit-bitbit niya ang kanyang tatlong anak na dali-dali niyang kinuha habang sila'y nakauniporme ng pang-elementarya. Ayaw raw niyang lumaking burges ang kanyang mga anak, at gusto niyang makarating sila ng sonang gerilya.

Nasa sentrong pamunuan ng buong Leyte si Ka Anya. Aktibo rin siya sa pangangasiwa ng mga dula at iba pang pangkulturang pagtatanghal at sa paglalathala ng Pag-alsa, ang rebolusyonaryong publikasyong pangmasa sa isla.

Noong 1983, tumindi ang operasyon ng kaaway sa dalawang distrito ng Leyte. May isang traydor na nagkanulo kina Ka Anya at sa kanyang mga kasamahan. Sa naganap na sagupaan, nasugatan sa paa si Ka Anya. Nang papalapit na ang mga pasista, pinaputok niya ang isang granada at siya'y binawian ng buhay kasama ang ilang kaaway.

Umabot hanggang Cebu ang balita ng kanyang pagpanaw. Ibinaba nang naka-"half-mast" ang bandila sa USC at naglunsad ng pulong parangal sa kanyang alaala ang mga estudyante't guro.

Ipinangalan sa kanyang alaala ang larangang gerilya ng Timog Leyte nitong panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Arnulfo Ortiz Command

Si Kasamang Arnulfo Ortiz o Ka Renato ay kabilang sa tatlong mga kasama na unang nag-organisa sa mga kabundukan ng Samar. Ito'y noong unang bahagi ng taong 1971, bago pa man ang batas militar ng pasistang diktadurya. Siya'y isang kasapi ng Kabataang Makabayan sa isang pamantasan sa Cebu na tumupad sa panawagan ng Partido na magbukas ng mga larangang gerilya sa kanayunan.

Siya at ang kanyang mga kasamahan ay nag-aral sa gawaing medikal upang makapagbigay serbisyo sa masa sa pamamagitan ng herbal medicine at acupuncture. Naging dahilan ito sa magiliw na pagtanggap sa kanila ng mga magsasaka sa kabundukan ng Samar. Mabilis silang nakapagtayo ng mga binhing organisasyong masa.

Subalit mayroong nagkanulo kina Kasamang Renato, at siya'y nasawi sa pakikipaglaban sa mga elemento ng dating konstabularya noong Setyembre 1971. Sa isang panahon ng kamusmusan ng rebolusyonaryong kilusan, naging modelo si Kasamang Renato sa pagharap sa sakripisyo, kahirapan at maging sa kamatayan. Bilang patunay sa kawastuhan ng kanyang dakilang layunin, itinuloy ng masang magsasaka ang nasimulan nilang organisasyon. Kaya nang balikan ng mga kasama noong 1978 ang dating erya ni Ka Renato, natagpuan nilang buhay pa ang organisasyong masa at mainit silang tinanggap ng masa.

Buhay pa hanggang ngayon ang mga naunang kontak nina Ka Renato, bagamat mapuputi na ang kanilang mga buhok. Hanggang ngayon, hindi nila nalilimutan at walang sawa nilang ikinukwento sa mga kasama, kung paano dumating ang rebolusyon sa kanila sa katauhan ng martir na si Ka Renato.

Ipinangalan sa kanyang alaala ang larangang gerilya noong 1991.

Silvio Pajares Command

Si Kasamang Silvio Pajares o si Ka Pakot ay galing sa uring maralitang magsasaka. Siya'y lumaki sa bayan ng Papad sa Hilagang Samar. Maganda ang kanyang 18-taong rekord sa kilusan, mula pa ng kanyang pagkabata. Siya ay naging tagapangasiwa ng gawaing edukasyon sa larangang gerilya. Naaalala siya ng mga kasama bilang simple at palabiro, at mahusay mag-kuratsa, ang popular na sayaw dito.

Noong Disyembre 8, 1998, siya at ang kanyang tatlong kasamahan, kabilang ang kanyang asawa, ay inambus ng kaaway. Natamaan si Ka Pakot sa paa, nagpaiwan at kinoberan ang pag-atras ng mga kasama hanggang siya'y tuluyang nasawi.

Sergio Lobina Command

Sa maagang edad ay nasa BHB na si Kasamang Sergio Lobina, kilala rin bilang si Ka Pael. Galing siya sa batayang masa, at isa sa mga pinakaunang sumampa sa BHB noong 1976. Labimpitong taong gulang pa lamang siya nang magpasyang magpultaym. Halos alamat ang kanyang kagitingan sa labanan. Dagdag pa'y mahusay din siya sa gawaing masa. Dahil sa kanyang katapangan, nabansagan siyang "ibingan" o cobra ng mga kasama.

Naging kumander si Ka Pael ng isang kumpanya. Ngunit noong panahon ng disoryentasyon sa rebolusyonaryong kilusan, siya ay inilipat sa Special Operations Unit na lihis ang tunguhin mula sa mga batayang tungkulin at gawain ng BHB. Nasawi siya noong 1992 sa isang operasyon nito at ginamit ito ng kaaway upang siraan ang kanyang pangalan. Subalit patuloy na naging mataas ang pagtingin ng masa kay Ka Pael.

Lalo niyang nakuha ang respeto at pagmamahal ng masa nitong panahon ng kilusang pagwawasto, nang ilinaw ng rebolusyonaryong kilusan ang pagiging martir ni Ka Pael.

Rodante Urtal Command

Tubong Bicol at isang mananahi si Kasamang Rodante Urtal o Ka Walog. Napunta siya sa Samar sa paghahanap ng trabaho at doon naugnayan ng mga kasama. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan at naging Pulang kumander at kadre ng Partido sa antas probinsya. Kilala siya bilang isang matapang na kumander at maalalahanin sa mga kasamang nasa ilalim ng pamumuno niya.

Nakasali si Ka Walog sa maraming matutunog na taktikal na opensiba, tulad ng mga reyd noong 1984 sa mga munisipyo ng Palapag at Mapanas. Hindi lamang siya matapang kundi maabilidad din; pinamunuan niya ang breyktru na ambus sa patag na tereyn ng Hilagang Samar.

Maganda ang rekord ni Ka Walog: sa paglaban sa kaaway, sa paglilingkod sa masa, at sa pakikitungo sa mga kasama. Mahusay siya sa kumprehensibong gawain.

Noong July 21, 1987, pinamunuan niya ang reyd sa isang platun ng kaaway kasabay ang isang reyd sa hedkwarter ng kumpanya ng mga pasista. May pagkakamali sa pagtantya sa kahandaan ng kaaway, na alerto na sa pagdating ng yunit nina Ka Walog. Subalit sa madugong labanang naganap, hindi siya nagpakita ng takot at lumaban pa rin ng buong tapang hanggang sa siya'y nasawi. Sa tindi ng labanan, nakaabot ang mga kasama sa mga foxhole ng kaaway para sa harap-harapang labanan.

Ipinangalan sa kanyang alaala ang larangang gerilya ng Hilagang Samar noong 1988.

Jovito Ragay Command

Si Kasamang Jovito Ragay ay isa sa mga pinakaunang sumapi sa BHB noong dekada 1970. Siya ay isang mahirap na magsasaka at galing sa bayan ng Calbiga. Siya ay kilala ng mga kasama bilang simple at huwaran sa gawain. Nakasama siya sa ambus sa Nabutusan, ang pinakamatunog na taktikal na opensiba na nagpakilala sa BHB sa Samar noong dekada 1970.

Nasawi si Kasamang Jovito sa isang labanan noong 1982.

Jorge Bolito Command

Si Kasamang Jorge Bolito ay ipinanganak sa bayan ng Villareal. Galing siya sa uring petiburgesya; titser ang kanyang ama. Aktibo siyang kumilos sa Kabataang Makabayan bago ang batas militar ng pasistang diktaduryang US-Marcos. Sumunod nito, tumugon siya sa panawagan na tumungo sa kanayunan bagamat siya'y masakitin.

Mahusay na gumampan ng tungkulin si Kasamang Jorge at naging kalihim ng seksyon. Marami pa sana siyang maiaambag sa rebolusyon. Ngunit dulot na rin ng paghihirap dahil sa matitinding operasyon ng kaaway, siya'y namatay sa sakit na hika noong Oktubre 1975 sa Calbiga.

Amandewin Command

Sinasabing ang mamatay para sa bayan ay simbigat ng isang bundok ang kabuluhan, kaya may pakahulugan ang larangang gerilyang ito. Bilang patunay sa makasaysayang sakripisyo ng rebolusyong mamamayan, ito ang natatanging larangang gerilya sa Silangang Kabisayaan na nakapangalan sa isang bundok. Ang Amandewin ay ang pangalan ng pinakamataas at pinakamagandang bundok sa Silangang Leyte, isang aktibong bulkan, na napapagitnaan ng mga bayan ng probinsya. Sa erya nito, naging matindi ang pakikibaka ng mamamayan dahil sa ginawang pagtataboy sa kanila upang magtayo ng isang plantang geothermal, ang pinakamalaki sa buong Asya. Ito'y makasaysayan dahil sa makulay at magiting na pakikibaka ng masa sa lugar na ito. Marami din ditong naganap na matitinding labanan sa pagitan ng BHB at pasistang militar.

Ang mga talambuhay na ito ay patunay sa makabayang pagmamalasakit ng mga rebolusyonaryong Pilipinong lubos ang pagmamahal sa bayan. Mga magigiting na halimbawa ng pag-aalay na sa pamamagitan ng kanilang makukulay at maningning na buhay at kamatayan, ay nagbibigay ng makapangyarihang inspirasyon sa mga sumusunod sa kanilang yapak. Sila ay mga tunay na Pulang bayani ng Silangang Kabisayaan. Mga dakilang mandirigma ng bayan. Sa pagpangalan ng mga larangang gerilya sa kanila, sila'y pinaparangalan upang ipagpatuloy, ipaglaban ang kanilang alaala.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.