|
Ulos: Hunyo 2003 Tula TOC
Panata sa Kalayaan
|
Amado V. Hernandez (Bilangguan ng Hukbo, Camp Murphy, Oktubre 1951)
Bilanggo: piit ng malupit
na kapangyarihang bihag din ng kanyang
takot sa matuwid;
ilang panahon nang kinulong at sukat
nang sukdulang higpit:
daming mga araw, ang aking asawa ay di makalapit,
kawawang bunso ko ay di madampian ni isa mang halik;
mga kaibigan, kasama't kapatid,
bawal ang sa aki'y makipagulayaw kahi't isang saglit;
ibong piniit na'y walang habag pa ring pinutlan ng bagwis;
mistulang salarin o isang maysakit,
biglang iniligpit
at itiniwalag nila sa daigdig;
ang aking higaa'y tablang maligasgas at wala ni banig
na iisang dangkal sa amoy-libingang simentong malamig,
ang aking pagkain ay laging mapait,
ang kasuotan ko ay laging limahid;
ang mukha ng araw, ano bang tagal nang sa aki'y nagkait?
ang luom na hangin ay singaw ng lason ang inihahatid,
ang yabag ng kawal na bantay ay dinig
sa gabing pusikit,
ang tiktak ng oras, tila tanikalang di mapatid-patid. . .
Ako'y nagtitiis. . .
A, labis at labis
ang binabata kong tiisi't hinagpis!
Bakit? bakit? bakit?
Walang sumasagot! walang umiimik.
Ako ba'y suminsay sa batas kung kaya pinagdusang tikis?
nagdaya? pumatay? nanggaga? nanggahis?
nagpayaman baga sa pamumulubi ng bayan kong amis?
Gising ang Bathala't Kanyang nababatid
na kung tunay akong nagkasala'y dapat purihin nang higit:
kasalanan kayang magdilat ng mata't magbuka ng bibig?
kasalanan kayang magtanggol-itindig
ang katotohana't katarungang lupig
ng bayang mahirap - ng dustang paggawa't
aping magbubukid?
kasalanan nga bang ang buhay ng dukha't dangal ng maliit
ibangon nang buong pagmamalasakit?
Laban sa tirano, di ba kabanalan ang paghihimagsik?
Nguni't hindi lihim sa kahi't na sino:
pag ang namumuno sa isang gobyerno
ang unang hangarin ay pananagano
sa kapangyarihan, kamanyang at gintong akibat ng trono,
ulong sa putikan pupulutin bawa't di yumukong ulo. . .
Ganyan ang istorya magmula kay Kristo
hanggang kina Burgos, Rizal, Bonifacio,
at maging nito mang itinitimpalak na malaya tayo;
lumuhod sa puno't humalik ng kamay sa palalong dayo
ang di mababaling tuntuni't panuto,
at pagkakasala sakaling matuto
ng pangangatwiran: Itong Pilipinas ay sa Pilipino!
Ako'y ikinulong ng mga kaaway ng laya't liwanag -
ng laya sa gutom, ng laya sa takot at layang mangusap,
ng layang sumamba sa Bathala't hindi sa diyos na huwad;
salamat,
at libong salamat. . .
talastas kong ako'y hindi nagiisa sa ganitong hirap,
talastas kong ako'y hindi magiisa sa pagkawakawak;
pupuong libo, laksa, yuta't angaw ang kaisampalad
ng tagapagmana ng masayang Bukas;
ang taghoy ng bawa't inang naging Sisa sa dusang dinanas,
ang may luhang dasal ng nagluksang balo sa asawa't anak,
ang iyak ng batang sa kasanggulan pa'y ulila nang ganap -
mga walang malay na di iginalang ng bangis at dahas,
ay dinig kong lahat,
mabisang balsamo sa kirot ng aking kalulwang may sugat.
|
|
Previous | Table of Contents | Next
|
|