Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Pangayaw!


Isinama kaming mga nasa APT (armed propaganda Team) sa mga nanay at kabataan. Inilagay kami sa pinakaligtas na lugar. Kami, na tinuturing na mga mandirigma ng mamamayan, ang siya ngayong inilalagay sa ligtas. Ayaw pumayag ni Datu Mansulimay na isama kami sa mga bagani. "Ipaubaya n'yo na lang sa amin ang paglaban," aniya.

Tanghaling-tapat sa Batiawan. Walang ingay. Walang maririnig kahit na huni ng mga ibon. Sa dalawang burol sa baryo, tahimik na tahimik din ang may 50 Dibabawon, mga baganing nagkukubli sa gubat. Naghihintay ang mga mandirigma ng target. Hawak ang mga pana't sibat. At sa pinakapaborableng pusisyon, nakalagay ang dalawang armalayt na hiniram ni Datu Mansulimay sa yunit ng hukbong bayan.

Sa kabilang ibayo, sa Sityo Katihan, nasa pusisyong pang-ambus din ang mga kalalakihan. Mga mandirigma ni Mosandong. Armado din sila ng mga sibat at pana. Umaabot sa undersized coy ang kanilang bilang.

Sa pinakaibabang bahagi, sa daan patungo sa igiban, nakapusisyon ang isa pa ring iskwad. Sinumang kaaway na magkamaling uminom o kaya'y sumalok ng tubig, siguradong tatamaan ng matinding salakay ng mga lumad na ito.

Kahit ang maliit na burol na nakapalibot sa baryo ay nilagyan ng halos 100 na suyak at batik. Matatalas na kawayan ito na tiyak na makakapatay kapag natapakan. Walang kahit maliit na butas na pwedeng lusutan ang mga sundalong kaaway.

Sa totoo lang, okey na ako dito. Ewan ko lang kay Ka Bagwis, ang aming tim lider. Natatakot akong sumama sa mga bagani. Matindi silang bumanat. Walang takot at sanay sa gyera.

Mula nang madeploy ako dito, marami-rami na rin akong nasaksihang labanan. Noong minsan, kami pa ang nag-alis sa tinik na tumimo sa paa ng isang Dibabawon na biktima ng pangayaw. Sa dami ng dugong tumagas, ang akala ko'y mamamatay na siya. Kinabahan ako nang husto pero di ako nagpahalata.

Pero iba si Ka Bagwis. Siguro dahil na rin sa tagal niya sa erya ng mga lumad at sa kilusan. Ewan, pero talagang matapang ang taong ito. Kahit ano yata, kaya niyang harapin. Matapang pero hindi pikon o mainitin ang ulo. Kaya nakikinig sa kanya ang mga lumad, bata o matanda, mayaman o ordinaryong lumad. Kung wala nga siya, baka wala rin kami dito. At sumagi sa aking isipan ang nakaraang ilang araw...

Padilim na nang dumating si Datu Mansulimay sa aming posting. Humahangos. Basa ng pawis ang kanyang tubaw at may mga damo pang nakakapit sa kanyang pantalon. Tahimik siyang lumapit sa kinauupuan ni Ka Bagwis, inayos muna ang dala-dalang sibat bago siya nagsalita.

"Pwede bang makahiram ng armalayt? Bisan darwa lang ka armalayt?"

"May problema ba, Datu?" ang kalmanteng tanong ni Ka Bagwis, sabay abot ng tresbe (tabako) na dinukot niya mula sa lalagyang nakasabit sa kanyang kaliwang dibdib.

"Gagamitin ko para maipaghiganti ang kamatayan ni Ikit!" sagot ni Mansulimay kasabay ng pag-iyak.

Si Ikit pala ang namatay. Ang paboritong pamangkin ng datu. Ang sinasanay niyang papalit sa kanya kung sakaling mamatay siya. Kaya naman pala. Ngayon ko lang nakitang sumusulak sa galit si Mansulimay. Gustung-gusto talaga niyang gumanti.

Kung sa bagay, ang nangyari kay Ikit ay isa ring pagganti mula sa nauna nang pangayaw. Nagsimula ito nang sumama ang isang may-asawang babae sa ibang lalaki. Naglunsad ng pangayaw ang pamilya, gumanti ang kabilang pamilya, hanggang sa halos magkaubusan na ng lahi.

Hindi agad sumagot si Ka Bagwis sa ipinahayag ni Mansulimay. Malinaw ang patakaran. Hindi pwedeng gamitin ang baril ng mga kasama sa pangayaw.

"Ang baril ay para lang sa tunay na mga kaaway, hindi sa mga magkakapatid na katutubo." Ito ang lagi naming idinidiin sa paghawak sa KRL (kilusang rebolusyonaryo ng lumad). Ewan, pero parang hindi maintindihan ng mga lumad kung sino ang tunay nilang kaaway. Dahil kung naiintindihan nila, bakit kinakailangan nilang maglaban-laban?

"Ganito kasi, Datu. Ikinatutuwa ng mga sundalong kaaway kung lagi tayong naglulunsad ng pangayaw. Kung tayu-tayo ang naglalaban, sino pa ang maiiwang lalaban sa kanila?" Sa malumanay na tinig ay inumpisahang ipaliwanag muli ni Ka Bagwis kay Datu Mansulimay ang tungkol sa pangayaw na dapat ay hindi gawin laban sa kapwa lumad o laban sa mga inaapi't pinagsasamantalahang Dibabawon. Dahil may mas malalaki pang kaaway na dapat harapin ang tribu. Dahil may mga dayuhang nais agawin ang kanilang lupang ninuno. Ang mga kumpanyang nagwawasak sa kagubatan. At dahil sa gubyernong gumagamit ng batas para supilin at lupigin ang tribung lumad.

Hindi umiimik ang datu. Umiiyak pa rin ito. Mandi'y tumatalab sa kanya ang mga binitiwang salita ni Ka Bagwis.

Sinamantala ni Ka Bagwis ang pananahimik ng datu para kausapin at paliwanagan siya tungkol sa malaking problemang kinakaharap ng Batiawan - ang pagpasok ng SEM(Southeast Mining), ang pinakamalaking kumpanya sa pagmimina ng ginto sa erya.

"Ito nga, datu, o," ang patuloy ni Ka Bagwis, sabay bigay sa papeles na may tatak na NOTICE OF EJECTION. "Papaalisin na raw tayo dito sa ating lugar. Tatlong araw lang ang ibinigay nilang palugit. Bukas, ibubuldoser na nila ang buong baryo, kasama ang ating mga bahay at pananim. Mag-uumpisa na raw sila sa pagmimina."

Winagayway ni Ka Bagwis ang papeles sa pagpipilit na maintindihan ng datu ang nakaambang panganib sa tribu. Ngunit hindi nagbago ang mukha ni Mansulimay.

"Huwag muna nating pag-usapan 'yan! Huwag na nating paramihin ang problema!" ang matigas na tugon ng datu. Sa madaling sabi, wala siyang naririnig. Baril lang ang kanyang sadya. Hindi itong papeles na galing sa SEM.

"Basta kami, gagawin namin ang gusto naming gawin," dagdag pa niya. At lumakad na papalayo ang datu.

"Taym 'sa, bay! Datu!" ang habol ni Ka Bagwis. "Mag-usap muna tayo!" Ngunit hindi na nakinig ang pinuno ng tribu.

Hay! Ang hirap talaga. Ang hirap talagang magpaliwanag. Sinisikap mong mailinaw nang maayos ang mga bagay-bagay, bigla ka na lang tatalikuran.

"Sige lang, kasama. Ganyan talaga ang pagkilos," ang sabi ni Ka Bagwis na parang nabasa ang takbo ng aking iniisip. Wala pa akong nakilalang kasing pasensyoso niya. Ngunit sa totoo lang, alam kong nag-aalala din siya. Ilang taon na kaming kumikilos sa lugar na ito pero parang hanggang ngayon, wala pa ring pagbabago.

Nang araw ding iyon, batay na rin sa mungkahi ni Ka Bagwis, pinuntahan namin ang matikadong, ang mga lider ng komunidad. Isa-isa silang pinaliwanagan. Ipinaintindi sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaisa para sa hinaharap na laban, ang pagpasok ng SEM.

Kinaumagahan, ipinatawag namin ang SP (sangay ng Partido) para palalimin ang mga napag-usapan. Pero bago ang isyu ng pagmimina, pangayaw pa rin ang nais pag-usapan ng mga lumad. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo, laluna sa usapin ng paghiram ng armas sa yunit.

Nagsalimbayan ang malalakas na tinig ng mga lumad hanggang sa maya-maya'y narinig nila ang ugong ng isang makina. Mahina pa sa simula pero papalakas ito nang papalakas. Nakakabinging pakinggan!

Buldoser! Sa init ng debate, hindi namin namalayan ang pagdating ng mga higanteng makina. Dahan-dahan itong umakyat hanggang sa makapasok sa baryo. Hanggang marating ang mga kubo. Agad-agad nitong sinimulan ang pagbuwal sa mga pananim at sa isang kubong malayo sa karamihan. Animo'y isang malaking busaw (halimaw) ang umatake sa Batiawan sa katanghaliang tapat.

Tumakbo ang datu papunta sa buldoser ngunit parang walang nakitang tao ang opereytor. Patuloy ito sa pagbubuldoser.

Hinugot ng isang bagani ang kanyang pana. Ngunit paglingon niya, nakita niya ang isang platun ng Army at mga security guard ng kumpanya, papalapit sa kanya.

"Atras! May kaaway! Atras!" sigaw ni Ka Bagwis. Dali-daling nagtakbuhan ang mga lumad.

Sa takbuhan, kasama na pala namin si Datu Mansulimay at ang mga myembro ng SP papunta sa dating postingan namin sa gubat. Noong oras ding iyon, kasama ang mga lider ng komunidad, pinag-usapan namin ang pangyayari at kung ano ang dapat naming gawin.

"Hindi tayo makapapayag sa panghihimasok ng mga dayuhan! 'Yang halimaw na minahan!" galit na galit na pahayag ng datu.

Malalim na ang gabi nang matapos ang pulong. Isang malaking pangayaw ang napagkasunduan. Pero hindi na laban sa kapwa Dibabawon kundi laban sa SEM.

Ewan kung bakit noong mga oras na 'yon, hindi ako nakaramdam ng pagod o takot. Magaan ang aking pakiramdam, laluna nang ipinaalala sa amin ni Ka Bagwis na kinakailangan naming maagang gumising para sa isang importanteng lakad kinabukasan. Pupunta kami sa kabilang sityo. Sa komunidad ni Datu Mosandong, na siyang target sana ng pangayaw ni Datu Mansulimay. Aayusin namin ang pagtigil ng pangayaw na laban sa isa't isa. Isang tampuda o ritwal ng pagbabalik-loob ang magaganap. Puputulin ang tali at ititigil ang pag-aaway-away.

Ito ang kwento kung bakit narito kami ngayon. Dito sa dalawang burol na puno ng mga pana't sibat, patibong at mga bagani. Samantalang sa kabilang ibayo, mayroon ding nakapusisyon na mga taga-Katihan sa pangunguna ni Datu Mosandong. Isang malaking pangayaw ang magaganap laban sa mga mapagsamantala.
Kaming nasa APT ang papagitna. Ang maglilinaw sa dalawang grupo. Hay! Salamat na lang at nangyari ito. Hindi talaga dapat nag-aaway ang kapwa lumad.

"Tayong mga lumad, dapat nagkakaisa, dahil meron pang mas malaking kaaway na dapat nating harapin," matapang na sermon ni Datu Mansulimay. Masayang-masaya ako sa aking narinig.

Ito ang kwento kung bakit narito kami ngayon. Dito sa dalawang burol na puno ng mga pana't sibat, patibong at mga bagani. Samantalang sa kabilang ibayo, mayroon ding nakapusisyon na mga taga-Katihan sa pangunguna ni Datu Mosandong. Isang malaking pangayaw ang magaganap laban sa mga mapagsamantala.

Ngayong araw. O kinabukasan ba kaya? Siguradong dadaan sa bahaging ito ang mga sundalo ng SEM. Kasama ang Army. Tingnan natin kung sino'ng matapang. Kinakabahan ako sa dugong aagos. Pero di ako nagpapahalata ng takot. Narito kami sa pinakaligtas na lugar.

At anuman ang mangyari, sigurado akong hindi kami pababayaan ng masang Dibabawon.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.