Paksa ng Sigaw ng Bayan ang mga kagila-gilalas na pag-aalsa ng bayan. Unang nayanig ang estado ng mga malawakang kilos-protesta sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, bagay na nagtulak kay Ferdinand Marcos para ibaba ang Batas Militar. Tuluyan namang napatalsik ang pasistang diktador sa People Power ng 1986. Sa People Power 2 ng 2001, muling pinabagsak ng taumbayan ang isa pang mandarambong, si Joseph Estrada.
Tiyak na pinahihina ng mga pag-aalsang bayan ang reaksyunaryong sistema, subalit panandaliang lunas lamang sa krisis pampulitika ang dulot nito. Ang katotohanan, nananatili sa poder ang mga burukrata-kapitalista at panginoong maylupa na papet at kasapakat ng imperyalista. Tao lamang ang napapalitan at hindi ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan na pamana at patuloy na sinusuhayan ng imperyalismong US. Nagpa-patuloy din, kung gayon, ang paghihirap ng mamamayan.
Hangga't hindi nagagapi ang mga salot sa lipunan, muli at muling huhugos sa lansangan ang taumbayan. Ang mahalaga ay laging nakaugnay ang mga pag-aalsang bayan sa kabuuang pakikibaka ng sambayanan para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
|