Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Briktru


Sa bintana ay tanaw na nila ang pagdating ng mag-asawang Luis at Flor. Nagkatinginan sina Ka Cosme at Ka Dodong at sabay na ngumiti. Noon pa nila pinaplano kung paano humarap sa isang alyado. Kinakabahan ang dalawang kasama.

Puro oryentasyon ang baon nina Ka Cosme at Ka Dodong. Pinagpraktisan pa nila ang mangyayari, nagdrama pa sila. Nabuo sa kanilang isipan na parang basketbol ito, unang syut lang ang mahirap. Bagamat bago ito sa kanilang karanasan, kailangan nilang mangahas dahil nakasalalay sa pag-uusap ang nalalapit na pag-aaral ng Pambansa Demokratikong Paaralan (Padepa).

"Tao po, magandang umaga po," sabi nina Luis at Flor.

"Tuloy, tuloy kayo," sagot ng may-ari ng bahay. Sa bahay na ito itinakda ang paghaharap nina Luis at Flor at ng hukbong bayan.

"Maupo kayo. Magbasa muna kayo at aalis muna ako. Sandali lang." Iniabot sa mag-asawa ang isang isyu ng Pasa Bilis, ang pangmasang pahayagan ng rehiyon. Muntik nang mapunit ang dyaryo sa mga kamay ng mag-asawa dahil sabay nila itong hinablot.

Hindi nagtagal, dumungaw mula sa kusina ang tatlong myembro ng Armed Propaganda Team (APT). "Magandang umaga po," pagbati ng nauuna, ang tim lider ng grupo.

"Magandang umaga rin," sagot ng mag-asawang medyo kinakabahan.

"Ako pala si Kasamang Cosme, sila sina Kasamang Randy at Kasamang Dodong."

"Ako naman si Luis at ang aking misis na si Flor."

Pagkatapos magkamayan, umupo sina Ka Cosme at Ka Dodong habang nagpapakulo ng tubig si Ka Randy sa kusina. Huminga nang malalim si Ka Cosme bago niya binasag ang katahimikan.

"Manong Luis, hindi na po kami magpapaliguy-ligoy pa. Nakipagkita kami sa inyo dahil nais naming makipag-unawaan. Hindi naman marahil kaila sa inyo ang pagkilos namin sa inyong lugar."

"Siguro naman po'y alam na rin ninyo na dalawa na ang gubyerno sa kanayunan, ang gubyerno ng mga mapagsamantala at ang gubyerno nating mamamayan," dagdag na paliwanag ni Ka Dodong.

"Oo," sagot ni Manong Luis matapos maibuga ang usok ng kanyang sigarilyo. "Matagal na naming gustong makipagkita sa mga kasama. Dito sa amin, kami na lang siguro ang hindi pa nalalapitan."

"Akala pa nga namin, pinagdududahan n'yo kami bilang intelidyens," sabi naman ni Manang Flor.

"Kumukulo na ang tubig, magkape na tayo," sabi ni Ka Randy mula sa kusina. Naudlot ang pag-uusap. Buti na lang, inalok sila ng kape at hindi muna kailangang tugunan ang maselang bagay na sinabi ni Manang Flor.

Nagpatuloy ang pag-uusap habang nagkakape.

"Hindi po kami nagdududa sa inyong pagkatao," naisagot na rin sa wakas ni Ka Cosme. "Huli na po kayong nilapitan dahil inoorganisa pa po namin ang mga magsasakang may matinding problema sa kanilang pananim. Sana po'y marapatin ninyo na maipaliwanag namin nang mas maayos."

"Uhmm, kaya pala," reaksyon ni Manang Flor.

"Mayroon ba kaming maitutulong?" dagdag ni Manong Luis. Sa sinabi niyang 'yon, gumaan na ang loob ni Ka Cosme.

"Mabuti po at sa inyo nagmula ang ganyang kataga. Lumalawak, lumalim at lumalakas po ang ating kilusan. Kasabay nito, lumalaki rin ang ating mga pangangailangan. Kailangan nating magkaisa't magtulungan. At naririto po kami upang humingi ng tulong sa inyo, kung inyo pong mamarapatin."

Tumango si Manong Luis sabay tingin sa malayo, ngumiti, humithit nang malalim at ibinuga ang usok ng sigarilyo. Pinagmasdan niya ang galaw ng usok. Bumalik ang mga nagdaang panahon. Ang panahon ng paglihis. Ngayon, nakikita na niya ang kaibahan sa pagkilos nina Ka Cosme sa kanilang lugar__ sila na magagalang, tapat at hindi arogante.

Hindi kaila kay Manong Luis ang mga tulong na naidulot ng kilusan sa kanilang lugar__sa mga may sakit, sa patubig, sa bayanihan, sa mga pag-aaral at iba pang pangangailangan ng kanilang lugar. At alam niyang dito mapupunta ang kanyang kontribusyon. Hindi na ito sinabi ni Manong Luis kina Ka Cosme. Hindi na kailangan.

"O, inumin na ninyo ang kape't lumalamig na!" sabi ni Manang Flor na para bang matagal na niyang kaibigan ang mga kaharap. Sabay nilang hinigop ang medyo maligamgam nang kape.

Tinawag si Ka Dodong ni Ka Randy na kanina pa nakikinig malapit sa kusina. "Kas, baka gusto niyo pa ng mainit na kape? Heto't kumukulo na."

"Oo nga, bakit hindi?" sagot ni Ka Dodong, sabay pasok sa kusina.

"Kas, pang buwanan 'yan, e ang pang-Padepa? Sa susunod na araw na ito at ni bigas wala pa tayo," pabulong na tanong ni Ka Randy.

Naramdaman ni Ka Dodong ang pag-aalala ni Ka Randy at pakalma niyang sinabing, "Huwag kang mag-alala, hinding-hindi natin malilimutan 'yan."

"Pakikuha mo muna ako ng sigarilyo," sabi ni Ka Randy.

"Magbilot ka muna diyan ng tabako, malapit nang matapos ito, maghahagilap na lang tayo mamaya," sagot ni Ka Dodong.

Nang bumalik si Ka Dodong, nagkakamayan na at paalis na ang mag-asawang alyado.

"Sandali lang po, sandali lang," sigaw ni Ka Randy at patakbo itong nanaog. Kinabahan si Ka Dodong, baka humingi si Ka Randy para sa Padepa, wrong timing na. Ngunit iaabot lang pala ni Ka Randy kay Manong Luis ang isang kopya ng Pasa Bilis.

"Meron na kami," sabi ni Manang Flor.

"Bago ito," sagot ni Ka Randy.

"Salamat, aalis na kami," pamamaalam ng mag-asawa.

"Salamat din," wika ni Ka Randy.

Humihingal na bumalik si Ka Randy at nag-aalalang pabulong na nagtanong, "Paano na ang Padepa?"

"Oo nga," dagdag ni Ka Dodong.

Nakayuko ito at sinabing, "Ay naku! Mga kas, nakalimutan ko!"

Masikip ang dibdib na umuwi ang tatlo. Mabigat ang kanilang mga paa. Walang imikan.

Ngunit bigla na lang bumulalas ng tawa si Ka Cosme. "Biro lang, mga kas, nangakong tutulong ang mag-asawa. Matutuloy din ang ating Padepa!" At napasabay ang dalawa sa kanyang pagtawa. "Sa wakas, briktru talaga!"



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.