Sa dakong huli, ikaw
Ay parang pinangos na tubo
At tuyong sapal na nang iluwa
Sa pusalian ng sentral.
Dumadagundong ang mga bagon
sa riles ng iyong naninikip
na dibdib,
pinipitpit ang bawat tumilapong
tibtib ng iyong buhay.
Ang silbato'y mga tili
Ng iyong paghinding
Hindi naibulalas sa hanging
Naninikit sa lapot ng mulasis
At walang kipkip na mga pangako
Kundi ang mga bagasong
Gangga-puwing,
Nangangamoy sa salaping
Di lalapag sa iyong palad,
Sa iyong palad na walang guhit
Ng kapalarang di nangitim
Sa grasa ng kapagurang
Pinagsasamantalahan.
Naging katawan mo
Ang iyong kasuotan, kulubot,
Kupasin,
May mantsa ng kirot sa bawat punit,
Ngunit sa pagtatagni-tagni'y
Napagdudugtong ang siwang ng langit
Ng iyong pagmamahal.
Pinanday mo ang mga bakal
Hanggang maging sintigas ng bakal
Ang iyong mga kamay,
Ngunit para sa iyong mga palad,
Isang butil ng asukal.
Isang butil ng asukal lamang ba
Ang babauning hapunan ng iyong
Gunita?
Ang mga makina ba'y nagkakalampagan
Upang pagsapit ng tag-araw
Ay walang maririnig kundi
Ang langitngit ng kinakalawang na bagon
At hikbi ng pag-usbong
Ng mga kabute sa tubuhan?
Ang ani ba ng iyong paggawa'y
Mga matang walang tilamsik
Ng nagbabagang asitelin,
Mga labing tikom, hindi maihayag
Ang ngalan at lakas ng uri?
Isang butil ng asukal
Sa iyong palad,
Kaybusilak, pagkat ang kamay mo'y
Iyong dinumhan. Lagumin mo
Iyang butil sa iyong pawisang
Palad, itikom na ang naghihingalong
Mga daliri, ang iyong kamao'y
May hugis ng isang daigdig
Na nakaamba.
Iyong banaagin, sa kabila
Ng nakalambong na dilim,
Ang isang panahong
Hindi na magpapabukas:
Kaytindi ng sapok ng araw,
Nakasisilaw ang talim ng mga karit.
Sabay-sabay ang lagapak
Ng tubo sa parang:
Atin!
Nakabibingi ang mga makina.
Bumubulwak ang mga kumukulong
Pulot sa mga higanteng kawa.
Pumuputok ang mga almasen
Sa kaban-kabang butil
Ng ating paggawa:
Atin!
Sa talsik ng dugo'y
Tumitingkad ang kulay
Ng kasaysayang ang kauri mo
Ang nagwawagayway.
Sa noo mo'y nag-aapoy
Ang pinagbuklod na kaapihan.
Sa siklab ng iyong huling
Paghinga'y nagsisimula
Ang titis ng tagumpay.
Dare to Struggle, Dare to Win!
Tomo I, Blg. 3-4, Abril- Mayo 1973
|