Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Pahayag
TOC Mangahas na Magpalawak at Patatagin ang Ating Hanay, Kamtin ang Higit na Rebolusyonaryong Pakikiisa sa Sambayanan!


Ipinagdiriwang ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) ang ika-13 anibersaryo nito ngayong Enero 11, taglay ang pag-asa ng pakikibaka sa bagong milenyo at ang kumpyansa sa tagumpay ng rebolusyon ng sambayanan. Ang ARMAS ay rebolusyonaryong organisasyon ng mga artista, manunulat at manggagawang pangkultura na nagmula sa iba't ibang uri at sektor. Ito ay nakaanib sa Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas at kumikilala sa patnubay at pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Binuo ang Armas noong Enero 11, 1987 sa isang sonang gerilya sa Bikol nang magsama-sama ang mga progresibo at rebolusyonaryong manunulat at artista at mga aktibista at manggagawang pangkultura na nakipaglaban sa diktadurang US-Marcos, at yaong mga kumbinsidong balewala ang mga pangako ng pag-aalsa ng mamamayan sa EDSA noong 1986. Gayunpaman, binabalikan ng ARMAS ang pinanggalingan nito mula sa dalawang dekadang rebolusyonaryong gawaing pangkultura bago pa man at sa buong panahon ng pasistang lagim ng diktadurang US-Marcos.

Sa maraming taon, signipikante ang naging gawain ng ARMAS - mapasyudad man o mapasonang gerilya - sa paglikha, paglathala at pagpopularisa ng huwarang progresibo at rebolusyonaryong mga tula, dula, sining-biswal, myural, awit, pagtatanghal at iba pa. Aktibo itong nakilahok sa pambansang malawakang mga protesta at mobilisasyong multisektoral, sektoral, antipyudal, anti-pasista, at anti-imperyalistang pagkilos. Naglunsad ito ng pangkulturang mga workshop at pagsasanay sa iba't ibang sektor sa pambansang saklaw. Nakapag-ambag din ang mga pagtatanghal at pangkulturang palitan at ugnayan nito sa gawaing internasyunal ng pambansa-demokratikong kilusan.

Gayunpaman, hindi nakaligtas ang ARMAS sa mga pagkakamali sa ideolohiya, pulitika at organisasyon na pumilay sa buong rebolusyonaryong kilusan mula dekada 1980 hanggang 1992. Sa ngayon, nakapagsagawa na tayo ng mga inisyal na pagtatasa at paglalagom ng mga karanasan sa iba't ibang larangan ng gawain sa kultura at sining.

Pagkakataon ang ika-13 anibersaryo ng ARMAS upang magalak at sumulong, kasabay ang mapagkumbabang pagtangan sa mga aral ng nakaraan. Taglay ngayon nito ang higit na kaalaman at pagpapanibagong lakas at sigasig para isulong ang makabayan, syentipiko at kulturang pangmasa.
Sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, pinagtutuunan ngayon ng pansin ang gawaing masa at integrasyon sa batayang masa, pagtungo sa kanayunan para sumapi sa Hukbong Bayan at maglingkod sa masang magsasaka, pag-aaral sa Marxismo, Leninismo at Maoismo, ang paglulunsad ng pamumuna at pagpuna-sa-sarili at maging ang batayang pangkulturang pag-oorganisa sa mga eskwelahan, pagawaan at maralitang komunidad sa urban.

Ang mga nabanggit ang ilan sa nakitang susi para sa tuluy-tuloy na pagsibol at pag-unlad ng maraming bilang ng mga kadre at aktibistang pangkultura at sa masiglang paglikha at paglaganap ng mga rebolusyonaryong likhang-sining. Pagwawasto ito sa dating pananaw at praktika na halos "service arm" na lamang ng grandyosong mga masang mobilisasyon sa syudad ang gawaing pangkultura. Isang penomena na umiral at lumaganap noong dekada 1980.

Patuloy din ang pagpapaunlad natin sa pampulitika at artistikong kasanayan at kakayahan ng mga manggagawa at kadreng pangkultura habang walang humpay na itinatakwil at nilalabanan ang mga petiburgesyang tendensya tulad ng indibidwalismo, sektaryanismo, elitismo at oportunismo.

Pagkakataon ang ika-13 anibersaryo ng ARMAS upang magalak at sumulong, kasabay ang mapagkumbabang pagtangan sa mga aral ng nakaraan. Taglay ngayon nito ang higit na kaalaman at pagpapanibagong lakas at sigasig para isulong ang makabayan, syentipiko at kulturang pangmasa.

Salamat sa bulok na rehimeng US-Estrada na naghuhukay ng kanyang sariling libingan. Lumalakas ang malawak na rebolusyonaryong kilusan samantalang napapatunayan ng sambayanan na walang maibibigay na magandang kinabukasan ang rehimeng ito na anti-mamamayan at maka-imperyalista. Sa ngayon, dumadaluyong sa mga lunsod ang malawakang protesta ng mamamayan para sa kanilang mga demokratikong karapatan habang dumarami ang mga taktikang opensiba ng Bagong Hukbong Bayan.

Apektado din ng krisis sa ating lipunan ang maraming bilang ng artista at manunulat. Nasasakal sila hindi lamang ng tumitinding krisis sa ekonomya, kundi ng mga anti-demokratikong patakaraimeng US-Estrada. Saksi tayo sa panggigipit nito sa mga manunulat at artista sa "mass media" at sa pelikula. Malinaw na sinasangkalan ng rehimeng Estrada ang isyu ng "bold films" para ipataw ang malawakang pagsikil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan kabilang na ang kalayaan sa pamamahayag at sining. Nariyan pa ang tumitinding imperyalistang pangkulturang opensiba na labis na pumipinsala hindi lamang sa mga lokal na artista at manunulat kundi sa buong mamamayan.

Tayo sa ARMAS at iba pang progresibo at rebolusyonaryong artista at manunulat ay pursigido at determinadong labanan at wasakin ang matagal nang pyudal, kolonyal, at reaksyunaryong kultura at isulong ang pambansa, syentipiko at kulturang pangmasa--isang pagkilos na di maihihiwalay na bahagi ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Tiyak namin sa mga susunod na dekada ang tagumpay ng rebolusyon na lilikha ng bago, mapagpalaya at demokratikong kultura.#

Pukawin, organisahin at pakilusin ang maraming bilang ng mga artista, manunulat, manggagawang pangkultura, mag-aaral at may hilig sa sining!

Makisalamuha at matuto mula sa masa!

Tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Lumikha at magpopularisa ng mga rebolusyonaryong

likhang-sining!

Enero 11, 2000



Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.