Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Agosto 1999
Sanaysay
TOC Paglilingkod*


*Unang inilathala sa Himagsik, isang pahayagan sa Gitnang Luzon.

Gaya lamang sana ng iba pang nagdaan ang araw na �yon. Isang sandali sa pagitan ng pagtupad sa mga rebolusyonaryong tungkulin habang sumisimsim ng mainit na kape sa kusina ng himpilan.

Ngunit nagkataong ang magkakaharap noo�y nagmula sa uring petiburgesya. Mga kasamang, tulad ng sumulat, ay namulat at umunlad sa kalunsuran bago sumanib sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Karamihan sa nagkadaup-palad ay nagmula sa kilusang kabataan-estudyante, maliban sa isa na nanggaling sa sektor pangkalusugan.

Sila�y mga intelektwal. Sa buong kasaysayan ng demokratikong rebolusyong bayan, hindi na rin mabilang ang mga tulad nila na naninidigan para sa mithiin ng masang anakpawis, sukdulang ibuwis ang kanilang buhay. Mga intelektwal na gaya nina Ma. Lorena Barros, Edgar Jopson, Dr. Bobby de la Paz.

�Si Ka Kiko, �yung pinaslang na kasama sa Bongabon, Nueva Ecija noong 1993, peti-b rin �yon,� wika ni Ka Manuel.

� Wilfredo Gacosta, Emmanuel Lacaba, Alex Boncayao�

�Bakit, peti-b din ba si Boncayao?� tanong ni Ka Via, ang nag-iisang babae sa grupo at isang propesyunal pangkalusugan. �Hindi ba manggagawa siya?�

Patlang. Si Alex Boncayao, o si Ka Omeng, ay namatay sa San Jose, Nueva Ecija noong 1983. Natigil saglit ang mga pagmumuni-muni.

Kaya�t upang dumaloy muli ang talakayan, inihapag ko na ang unang tanong: Bakit kayo naghukbo?

Para Sa Masa

Sa mainit na salimbayan ng pagbabalik-tanaw, makikilatis ang di matawarang pagpahalaga sa pangangailangan ng Digmang Bayan, at sa lipos na diwa ng paglillingkod sa masang anakpawis.

�Kung walang Hukbong Bayan, wala kahit ano ang mamamayan,� banggit ni Ka Manuel, na hinango ang butil ng diwa ni Kasamang Mao Zedong.

Si Ka Manuel ay kahalubilo na ng yunit ng BHB mula pa pagkabata, at mula nang maorganisa sa Kabataang Makabayan (KM) sa baryo, ay tuluy-tuloy nang gumampan ng iba�t ibang mga rebolusyonaryong tungkulin.

�Dapat noon pang 1991 ay naghukbo na ako,� dagdag pa niya. �Pero dahil na rin sa pakiusap ng aking mga magulang, nag-aral muna ako sa kolehiyo. Matapos ang tatlong taon, talagang hindi ko na rin kaya. Isa pa, under surveillance na ako ng kaaway. Kaya �yun, sumampa na ako.�

�Itinalaga ako ng Partido,� paliwanag naman ni Ka Gabriel. Ilang taon rin siyang kumilos sa kilusang kabataan-estudyante sa lokalidad bago tinanggap ang tungkulin sa BHB. �Ipinaliwanag nila sa akin ang pangangailangan sa aking kasanayan, at batay roon ay tinanggap ko ang gawain.�

Lahat sila�y dumaan sa proseso ng rebolusyonaryong integrasyon sa BHB bago nagpasyang aktwal na sumapi.

�Dahil may pinag-aralan, madaling masapol ng mga intelektwal ang mga batayang pagsusuri sa lipunan, gayundin ang pangangailangan ng armadong pakikibaka,� dagdag pa ni Ka Gabriel. �Ngunit ibang usapin ang manindigan at kumilos para sa interes ng iba.�

�Likas sa mga intelektwal ang pag-iisip ng sariling kapakanan lamang,� singit naman ni Ka Michael. �Karaniwan din ang paggigiit ng sariling pananaw, pagiging arogante o mapagmataas.�

Ang ganitong pananaw ay nakaugat sa pagkakaroon ng mataas na antas ng pinag-aralan, o di kaya naman ay kaunting puhunan at kabuhayan.

�Minsan kahit alam naman nila ang kalagayan, mahirap silang mapakilos dahil lulong na sa burges na paghahabol ng karera,� susog ni Ka Gabriel. �Sa kabilang banda, iginigiit naman ang sariling pananaw kahit hindi angkop, o kaya�y taliwas sa aktwal na kalagayan.�

Sa loob ng BHB, unti-unting nilulusaw ang pagiging arogante o mapagmataas, ayon sa prinsipyo ng demokrasya sa tatlong larangan (ekonomya, pulitika at militar), at sa pamamagitan ng pagsusulong ng linyang masa.

�Dapat matuto mula sa anakpawis, makisalamuha sa kanila,� ang naging tugon ni Ka Via, na sinang-ayunan ng lahat. �At higit sa lahat, makiisa sa kanilang pakikibaka.�

Sa tono ng kanyang pagsasalita, di maitatago ang malalim na pang-unawa at mahigpit na pagsandig sa prinsipyo ng paglilingkod. Ngunit kaiba sa ibang kasamang nakikipagtalakayan, napanday ang kamulatan ni Ka Via nang siya�y isa nang ganap na propesyunal.

�Bago ako naugnayan, talagang gusto ko lang noon ang tumulong sa mahihirap; parang estilong serbisyo lang ba,� kuwento niya.

Sa proseso ng tuloy-tuloy na pakikipamuhay sa mga magsasaka at sa ilang komunidad ng maralitang lungsod sa Maynila, at kasabay din ng mga pag-aaral, namulat si Ka Via sa kahalagahan ng digmang bayan. Ngayon halos dalawang taon na siyang naglilingkod sa Hukbong Bayan.

Pagharap sa Buhay at Kamatayang Pakikibaka

Ang buhay ng BHB ay umiinog sa kahirapan at sakripisyo. Ang ubod nito, sabihin pa, ay ang buhay at kamatayang pakikibaka. At dito, aminado ang lahat ng mga kasama -- na mistulang nagtatalakayang-buhay ngayon -- na hindi ganoon kadali ang naging proseso ng kanilang pag-aangkop.

�Ang pagsampa kasi sa hukbo o ang pagyakap nang buong-buo sa armadong pakikibaka ay parang tuluyang pagtalikod na rin sa maalwan o maginhawang buhay nating kinagisnan,� wika ni Ka Via.

�Kanta �yan, a!� tudyo ni Ka Rafael, isa ring kasamang mula sa kabataan-estudyante at humigit-kumulang ay limang taon na sa Bagong Hukbong Bayan.

�Buhay na nagisnan, puno ng ginhawa� Buhay na kumupkop�� hindi na naituloy ni Ka Rafael ang pag-awit. Nakalimutan na niya ang karugtong.

Ayon pa sa mga kasama, karaniwang pangyayari ang kahirapang pisikal. Lalung-lalo na sa mga unang buwan ng pagsanib. Mga kahirapang tulad halimbawa ng halos walang-katapusang paglalakad. Mga pag-aangkop sa pang-araw-araw na kilos-gerilya. Pagluluto, paglalaba ng sariling damit�

�Pagkain ng gulay,� dagdag ni Ka Manuel, ang pinakabata sa grupo, bagamat isa sa pinakamatagal sa hukbo. Edad 17 lamang siya nang sumampa noong 1994. �Hindi kasi ako nasanay kumain ng gulay sa amin.�

�Noong unang linggo ko sa hukbo, nabulabog kami dahil sa kilos-kaaway,� kuwento naman ni Ka Manuel.

�Nilabhan ko pa naman ang lahat ng damit ko. Kaya noong ipasya ng iskwad lider naming mag-pak-ap kami, �nakupo, ang bigat-bigat ng dala ko. Nang matulog ako, suot-suot ko yung ammo belt ko, tapos yakap ko yung armalayt.� Naiiling si Ka Manuel sa kanyang pagkukuwento.

�Nagsimula akong magkumpara, nag-isip kung ano�ng mangyayari kung hindi ako naghukbo.�

�Paano mo niresolba ang ganong tunggalian?� tanong ko sa kanya.

�Nakipagtalakayan ako sa mga kasama. Kinilala ang kalagayang kahit mga propesyunal ay walang magandang bukas sa lipunang umiiral��

Tunggalian ng Dalawang Linya

Ayon pa kay Ka Manuel, lagi�t laging nagtu-tunggalian ang pananaw na burges at proletaryado sa isip mismo ng isang kasamang peti-burges. Nagaganap ito sa porma ng pagdadalawang-isip ng isang indibidwal na kasama.

�Usapin kasi ito ng pagbalik sa mga nakagisnang pamumuhay o kaya�y paghahabol ng karera, o paninindigan para sa rebolusyon,� paglilinaw ni Ka Rafael.

Paano ito nireresolba? �Iniisip kong ang paglilingkod nang walang kapalit ang pinakamarangal na propesyon sa mundo,� sagot ni Ka Gabriel.

�Ang susi talaga sa pagresolba ng mga tunggalian -- o sangandaan, �ika nga -- ay ang tuluy-tuloy na paglubog sa gawaing masa,� si Ka Rafael ang nagsalita, na sinang-ayunan ng lahat.

�Paano sa kongkreto?� tanong kong tila nangungulit.

�Tuluy-tuloy na pakikipagtalakayan sa mga kasama at sa masa, pag-alam ng kanilang kalagayan,� sagot ni Ka Gabriel.

�Dapat ding nilalagom mo ang iyong karanasan, para makita ang mga naging kahinaan at maiwasto ito. At kasabay nito, mapatibay ang kalakasan,� sabi naman ni Ka Rafael.

At siyempre, bahagi na ng pagpapanibagong-hubog ang pagpapalalim ng paggagap sa Marxismo-Leninismo sa pamamagitan ng mga pormal na pag-aaral at masigasig na pagbabasa.

Sa mas mataas na antas, nakaapekto rin ang 2LS o tunggalian ng dalawang linya na naganap sa buong rehiyon ng Gitnang Luzon upang umigting ang krisis sa paninindigan sa ilang kasama.

�Ako, nagpasya akong sumanib sa BHB dahil sa pagkilala sa pangangailangang maglingkod sa masang anakpawis, ayon sa diwa ng IDKP (Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto),� paliwanag ni Ka Rafael, na nahinog sa lantarang kampanyang anti-Partido sa panahong 1991-93 sa Manila-Rizal. �S�yempre, nakakayanig din �yong katotohanang may hibo pa rin pala ng paglihis ang pinaggagawa mo mula nang sumanib sa Hukbo.�

Pinakamatindi ang naging epekto kay Ka Michael.

�Bumitaw na talaga ako sa armadong pakikibaka,� pagbabalik-tanaw niya. �Bagamat, naroon pa rin ang paninindigang maglingkod sa masa, rebisyunista na ang linya. Tatlong buwan din akong nagpalulong sa burges na pamumuhay sa lungsod. Bandang huli, hindi rin ako nakatiis, umugnay din akong muli sa YS (kabataan-estudyante).�

Sa pag-ugnay niya sa mga dating kakolektibo, naisandal siya sa pader, nakipaglinawan hinggil sa mga usaping kaugnay ng digmang bayan at muling niyakap ang armadong pakikibaka. Hindi naging madulas ang reintegrasyon niya sa hukbo. Ngunit sa tulong ng mga kasama ay naging matatag ang kanyang paninindigan.

Ang totoo, kawalan ng pagpapanibagong-hubog sa mga namumunong kadre ang naging ugat ng 2LS sa rehiyon.

Paghuhubog sa Sarili

Sa pagkukumpara, hindi maiwasang maitanong ang mga aktitud o pananaw na nabago mula nang sumanib sa Hukbo.

�Unang-una kong natutunan ang pagiging mapagtimpi,� bungad ni Ka Gabriel. �Sa sarili man o resulta ng gawain.�

�Dito sa kanayunan, hindi maaaring magtakda ng mataas na ekspektasyon,� dagdag ni Ka Michael. �Kailangang unawain lagi na nakatali sa produksyon ang mga magsasaka, hindi tulad ng mga kabataan.�

Hindi ba nakakainip?

�Sa dami ba naman ng maaaring gawin at kailangang gawin, hindi maiinip ang sinumang kasama,� si Ka Gabriel ang nagsalita. ��Yun nga lang makinig ka sa masa, alamin ang kanilang karaingan, baka kulang pa�ng oras.�

�Para sa akin, pinakamahalagang aral ang organisadong pagkilos ng BHB,� boluntaryo ni Ka Michael. �May hatian ng gawain. Mismong paggising o paglakad, organisado dapat.�

�Sa hukbo kasi, maisasabuhay ang pagpapailalim ng pansariling interes sa interes ng nakakarami,� dagdag ni Ka Via. �Kapag sumobra halimbawa ang kuha mo sa isyu, mayroong kasama ang mababawasan ng kakainin. Pag umalis ka sa pwesto mo sa pormasyon laluna�t nakahimpil, mailalagay mo sa panganib ang yunit.�

�Susi sa paghuhubog ng sarili ang pagiging bukas sa pagpuna at pagpuna sa sarili,� susog pa ni Ka Rafael.

Mahaba ang naging usapan. Mga bagay ukol sa buhay-buhay sa loob ng hukbo. Isang bagay ang naging malinaw: sa pagsapi sa BHB, matatagpuan ang esensya ng pagyakap sa rebolusyonaryong interes ng masang anakpawis.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.