Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Hunyo 2003
Maikling Kwento
TOC Lawan




Pinagpapawisan si Lawan sa pagsunod sa kanyang ama. Kahit nasa kasibulan ang kanyang mga paa ay tila hindi pa rin ubra sa paghahabol sa ama. Maliksi�t malakas pa rin si Taong Adang sa pag-ahon at pagbaba sa bundok.

Madaling-araw pa sila pumasok sa gubat ng Bundok Diapalang. Kagabi�y nakarinig si Taong Adang ng huni ng malaking usa. Ito ang hinahabol nila ngayong tatlo nina Kadig, ang kanilang aso.

Talagang pagod na si Lawan. Napansin ito ng kanyang ama nang maupo siya sa malapad na bato sa gitna ng ilog. Magpapahinga muna siya. Mababaw ang Diarasin ngayon kaya�t madali siyang nakatawid papalapit sa bato. Dito muna siya naupo para malamigan ang nag-iinit niyang katawan. Walang ingat niyang inilapag sa kalaparan ng bato ang hawak na sibat. Di nagtagal ay nahiga na siya.

Huminto sa pagtakbo si Taong Adang nang malingunan siyang humiga sa bato. Binalikan siya ng ama, kasunod si Kadig.

�Ano ka ba Lawan? Hindi pa nga tayo maghapong tumatakbo ay napagod ka na. Sayang kung di natin mahuli ang usa. Nakita mo namang matabang-mataba iyon.� Nagsasalita ang ama sa kanilang lenggwahe, wika ng liping Ilongot sa bahaging iyon ng Bundok Diapalang. Tumatanaw ang bundok sa Dagat Pasipiko. Pasipiko raw ang tawag sa malaking dagat na kanilang nilalanguyan. Ang nagbansag dito ay ang mapuputing taong nagtangka at nabigong sakupin ang kanilang lugar. Sa pangunguna ni Taong Adang, na siya nilang pinuno, magiting nilang nilabanan ang mga nanugod na di nila kabalat at kasalita. Samantalang ang mga pamayanan sa Dinapgat ay nasakop lahat ng lahing puti.

Kastila raw ang mga taong ito, sabi ng ama kay Lawan. Ilang tag-araw na ring walang balita si Taong Adang tungkol sa kanila. Ang naibabalita naman ngayon ay may ibang lahi nang pumalit na sumakop sa Dinapgat, na ngayon ay tinatawag nang Baler. Ayon sa balita, mga �Amerkano� raw ang bagong mananakop. May malaking kampo silang nakatayo sa Baler.

�Talaga pong napagod na ako, ama. Karot lang naman ang kinain natin kaninang umaga.� Ipinatong ni Lawan ang kanang kamay sa kanyang mukha, panangga niya sa sikat ng araw. Wala siyang saplot pang-itaas. Kaeng lang ang kanyang suot. Siya man ay nanghihinayang na hindi mahuli ang usa. Panahon ng pamumulaklak ng dapdap. Mainit ang panahon. Magala ang mga hayop sa gubat � nanginginain, matataba. Dinila-dilaan ni Kadig ang paa ni Lawan.

�Sige, maiwan ka muna rito at ako ang maghahabol. Pagtirik ng araw at di pa kami bumabalik ni Kadig ay magkita tayo sa Taboyong.�

�Opo, ama.� Alam ni Lawan ang Taboyong. Ito ang lugar sa itaas ng Ilog Dimase. Dito ipinanganak ang kanyang ama. Narito ang kanilang mga kaangkan. Nasa Taboyong na rin ang kanyang ina, nag-iinson ng kanilang bagong bukas na kaingin. Tuwing magbubukas, magtatanim at mag-aani lang ng palay-kaingin sila pumupunta sa Taboyong. Pinili ni Taong Adang na tumira sila sa Ditale. Nasa paanan ito ng Bundok Diapalang, malapit din sa dagat. Dito, nakapangingisda ang kanyang ama at nakapagtatanim ng gulay at prutas.

Narinig ni Lawan ang pag-alis ng ama at ni Kadig. Lumalagubong ang tubig ng ilog sa kanilang pagtakbo.

Nanatiling nakahiga sa malaking bato si Lawan. Bagamat gusto niyang isinasama ng kanyang ama sa pangangaso, minsan ay inaabot din siya ng pagkahapo. Lalo na nitong mayroong lumalabas na dugo sa kanyang sinapupunan. Ikalawang pagkakataon na ito. Ang sabi ng kanyang ina ay maaari na siyang mag-asawa. Ngunit kung hindi siya sasama, sino pa ang isasama ng ama? Siya ang nag-iisang anak ng kanyang mga magulang.

Nang tumirik na ang araw at wala pa ang ama, dahan-dahan nang tumayo si Lawan at tinungo ang daan pa-Taboyong. Tila hirap na hirap pa siyang bitbitin ang kanyang sibat. Ngunit nang maalala ang laging tagubilin ng ama ay tinanganan niya ang sibat na tila lulusob sa kalaban, handa sa anumang panganib. Inayos din niya ang sakbat na badang. Pinakamahusay na mandirigma sa kanilang lugar si Taong Adang. Kagagalitan siya ng ama pag makitang hindi maayos ang kanyang paghawak sa sandata.

Wala ang ama ni Lawan nang dumating ang mga Amerikano. Nasa Taboyong, nag-aani ng palay.

Panahon iyon na kalilipas lang ng taglamig. Tahimik ang dagat. Maliliit ang alon at maaliwalas ang panahon.

Si Lawan ang unang nakakita sa mga paparating na sakay ng kabayo. Binabaybay nila ang gilid ng aplaya. Noon lang siya nakakita ng ganoon karaming kalalakihan na nakasakay lahat sa kabayo. Hindi mabilang ni Lawan sa daliri ang mga dumating. Noon lang din siya nakakita ng lalaki na hindi niya kabalat, malalaking tao kahit nakasakay sa kabayo. May mga hawak na bakal ang mga dumating. Pawang nakasombrero at may sapin sa paa na tila kinortehang balat ng hayop. Mga dayuhan, ito ang naisip ni Lawan.

Kasama niya ang kanyang pinsan at kababatang babae, si Oplig. Nasa aplaya sila noon at nangunguha ng gambang. Ginagawang kwintas at hikaw ang gambang. Ginto kung tawagin ito ng mga dumadayo sa Ditale na mahilig humingi nito. Marami nito sa aplaya ng Ditale. Nagkalat lang. Ngunit ang higit na malalaki ay nasa paanan ng bundok.

�Mga dayuhan. Mga Amerkano siguro!� sigaw ni Lawan kay Oplig. Itinuro niya sa pinsan ang mga paparating, na tinititigan na rin noon ni Oplig. Natakot si Lawan. Niyaya niya si Oplig na tumakbo na silang papalayo.

Tumakbo sina Lawan hanggang sa palispisan ng bundok. Nadatnan din nila roon ang karamihan ng kanilang kalipi. Tinanaw nina Lawan ang pagkakagulo ng mga dayuhan na tuwang-tuwang nagsibaba mula sa kani-kanilang kabayo. Kanya-kanyang dampot ng gambang. Ang ilan ay nagpapaputok ng kanilang dala-dalang bakal. Sa kalauna�y nalaman ni Lawan na mga baril pala ang mga bakal na iyon, higit na nakamamatay at malakas kaysa sa kanilang sibat at pana.

Akala ni Lawan ay aalis din agad ang mga dumating. Ngunit nang maggabi na�t magkanya-kanya na sila ng tulugan, natiyak ni Lawan na magtatagal ang mga dayuhan sa kanilang lugar.

Napilitan si Lawan na tumungo sa Taboyong upang tawagin ang kanyang ama.

Sinadyang magpagabi ng uwi nina Lawan at Taong Adang sa Ditale. Mula sa isang sukal na malapit sa bahay nila, pinanood ng mag-ama ang galaw ng mga dayuhan. Tahimik ang paligid. Hindi pa bumabalik ang mga tao sa kani-kanilang bahay. Inokupa ng mga Amerikano ang karamihan sa kanilang mga kubo.

Hinanap nina Lawan ang pinagtaguan ng kanilang mga kasamahan at doon sila nagtipon at natulog nang gabing iyon. Tulad ng kanyang mga kalipi, sanay siyang matulog kahit dahon lang ng anahaw ang sapin sa lupa. Ngunit hindi natulog si Lawan. Alam niyang mag-uusap-usap ang matatandang naroon. Nakinig siyang mabuti sa usapan. Si Taong Adang ang lalapit at makikipag-usap bukas sa mga dayuhan. Siguradong isasama siya ng kanyang ama.

Sa senyas ng kamay nagkausap si Taong Adang at ang pinuno ng mga Amerikano. Nasa harapan sila ng bahay nina Lawan. Bahay nila ang tinulugan ng lalaking kausap.

Pilit ang ngiti ng Amerikano kay Taong Adang. Tantya ni Lawan ay higit na bata ang pinuno ng mga dayuhan kaysa sa kanyang ama. Tila mabait pero maiilap ang mata at laging nakahawak sa kanyang baril. Hindi maunawaan ni Lawan kung bakit balot na balot sa kasuotan ang dayuhan. May sapin na sa paa ay mayroon pang balot ang ulo. Makakapal pa ang suot sa buong katawan. Di tulad nila na ang bahaging ibaba lang ang kanilang tinatakpan.

Kung hindi lang sobrang maputi, maganda ang tingin ni Lawan sa mukha ng kausap ng ama. Mandirigma rin marahil, naisip niya. Matikas ang tindig at tila matapang. Ngunit bawat buka ng bibig para magsalita at bawat taas ng kamay upang sumenyas sa ama, naaamoy ni Lawan ang mabaho niyang hininga at anghit sa katawan. Ibig masuka ng dalaga.

Panay ang sulyap ng Amerikano kay Lawan. Naramdaman niya ang pagtitig ng lalaki sa hantad niyang dibdib.

Naintindihan ni Lawan ang takbo ng kanilang pag-uusap. Ibig ng dayo na bumalik muna sa Baler ngunit babalik din agad sa lugar nina Lawan. Mas marami na. Gusto pang manghiram ng ilang bangka. Wala pang maghapon ang byahe ng bangka patungong Baler. Kung sasakay ng kabayo o maglalakad ay aabutin ng dalawa o higit pang araw.

Pumayag si Taong Adang na magpahiram ng bangka. Ngunit kailangang ihanda muna ito para sa malayong paglalakbay. Kinabukasan na maaaring magbyahe. Dumura lamang sa lupa si Taong Adang nang ulitin ng kausap ang kagustuhan nilang mamalagi sa lugar nina Lawan.

Habang nag-uusap si Taong Adang at ang pinuno ng mga dayuhan, nasulyapan ni Lawan ang isa pang Amerikano na pinupuntirya ang lahat ng makita niyang kalipi ni Lawan at saka sisigaw ng �Bang! Wan monki ded!� Bigla naman silang magtatawanan. Nag-init ang loob ni Lawan kahit hindi niya naintindihan ang pinagtatawanan ng mga Amerikano.

Nang umaga ring iyon, pagkatapos ng pag-uusap ni Taong Adang at ng pinuno ng mga Amerikano, bumalik na ang mga taga-Ditale sa kani-kanilang kubo. Gumala ang mga dayuhan sa kung saan-saang sulok sa lugar nina Lawan. May dala-dalang piko at supot na kulay lumot. May ilan ding nanatiling malapit sa kumpol ng mga kubo at tila binabantayan ang kilos nina Lawan. Totoo nga pala ang kanyang hinala, mga mandirigma sila. Mga sundalo, sabi ng kanyang ama.

Kinagabihan, narinig ni Lawan at ng kanyang mga magulang ang hagulgol ni Oplig. Nang puntahan ni Taong Adang ang kubo nina Oplig ay agad ding sumunod si Lawan kahit tutol ang kanyang ina. Nakita ni Lawan na hinarang at pinigilan ng mga dayuhan ang kanyang ama. Agad siyang nagtago sa dilim. Mula sa kanyang pinagkublihan, kitang-kita ni Lawan ang nangyayari sa ama at sa loob ng kubo nina Oplig.

Nakatali nang padipa sa dingding ng kubo si Oplig. Wala itong kaeng. Nakahubad. Ang mga magulang at kapatid ni Oplig ay nakatihaya sa sahig ng kubo. Natantya ni Lawan na ito rin ang nakita ng kanyang ama. Patuloy na nagpumiglas at nagsisigaw si Taong Adang.

Dahil malakas si Taong Adang, nakawala ito mula sa mga pumipigil sa kanya. Binaril ang kanyang ama ng lalaking kausap kaninang umaga. Ngunit nagawa pa ring tumakbong papalayo ni Taong Adang. Napahandusay siya malapit kay Lawan.

Agad hinila ni Lawan ang kanyang ama at itinago sa kasukalan. Tumakbo siya sa kanilang bahay at sinabihan ang ina na umalis muna at magtago. Kinuha ni Lawan ang badang ni Taong Adang, saka niya binalikan ang pinagtaguan sa ama.

Patuloy na hinanap ng mga sundalong Amerikano si Taong Adang. Pinagbabaril nila ang bawat kubong madaanan. Alam ni Lawan na sa malao�t madali ay matatagpuan sila ng mga dayuhan. Idinikit ni Lawan ang kanyang tainga sa bibig ni Taong Adang, mahinang-mahina na ang paghinga ng kanyang ama.

Dinaklot ni Lawan ang mahabang buhok ng ama saka iwinasiwas ang badang. Wala na halos pumuslit na dugo sa naputol na leeg ng kanyang ama. Hinubad ni Lawan ang kanyang kaeng. Dito ibinalot ang ulo ng ama, saka mabilis na tumalilis sa papalapit nang mga sundalo. Mawawalan ng karangalan ang kanyang ama kung mahawakan ng kaaway ang kanyang ulo.

Tinungo ni Lawan ang kapasigan at pinakawalan lahat sa laot ang mga bangka. Sa kapasigan na rin niya ibinaon ang ulo ni Taong Adang.

Kinabukasan, nangislap ang buong katawan ni Lawan sa tama ng papasikat na araw. Kasama niyang lahat ng kaliping may kakayahang manandata, lalaki man o babae. Nakadapa ang lahat sa talampas, liban kay Lawan na nakatayo at matamang sinisipat ang daan mula sa kanilang lugar. Maraming nakasalansang bato sa kanyang harapan. Hinaharangan ang mga bato ng batang na nakatali ang magkabilang dulo sa malalaking puno. Nakasukbit sa baywang ni Lawan ang badang ng kanyang ama. Aabangan nila ang pagdaan ng mga dayuhan sa talampas na iyon.

Nang papalapit na ang inaabangan ay tinagpas ni Lawan ang tali ng batang. Hindi naging sagka ang mga punong bansot at talahib sa gilid ng talampas. Narinig nina Lawan ang sigawan at daing ng mga nadaganan ng malalaking bato. Marami agad ang namatay na sundalo. Ang ibang nakaiwas sa bato ay hindi nakaligtas sa mga pana at sibat nina Lawan.

Nang matiyak ni Lawan na patay nang lahat ng kalaban ay tumakbo siyang pababa mula sa talampas. Agad ding nagsunuran ang kanyang mga kasamahan. Nagkikislapan ang kanilang iwinawasiwas na badang. Lahat ng ulo ng kalaban ay inihiwalay sa katawan.

Pagkatapos mamula sa dugo ng kanilang kaaway, nilapitan ni Lawan ang lalaking kausap ng kanyang ama. Wasak ang kanyang katawan sa dagan ng malaking bato. Dinampot ni Lawan ang nawasak ding supot na dala ng Amerikano. Nang iangat niya ay naglaglagan ang gintong may halo pang buhangin at putik.

Ang mga Ilongot:

Ang mga katutubong Ilongot ay matatagpuan sa mga bulubundukin ng Sierra Madre at Caraballo. Ang pangkat sa kwentong ito ay mula sa Ditale, Dipaculao, Aurora sa gitnang-silangang bahagi ng Luzon. Magpahanggang ngayon ay nakatayo ang komunidad ng mga Ilongot sa Ditale.

Sa tradisyunal na kulturang Ilongot, nakatali ang kababaihan sa gawaing-bahay at bukid, samantalang ang kalalakihan ay malayang nakalalabas ng pamayanan upang maglakbay at mangaso. Dulot ng karanasan sa labas ng komunidad, ipinagpapalagay na mas maraming natitipong kaalaman ang kalalakihan kaya�t sila ang humahawak ng karapatang mamugot ng ulo. Sagrado ang ulo para sa mga Ilongot. Isinasagawa nila ang pamumugot ng ulo bilang paraan ng pangangalaga sa kanilang karangalan o di kaya�y para itaas ang kanilang katayuan sa lipunan. Sinaunang bahagi na ito ng kulturang Ilongot. Nahinto na ang kaugalian ng pamumugot ng ulo noong dekada 1970 sa panahon ng Batas Militar.

Talasalitaan:

karot
-laman ng halamang ugat
kaeng -tapis
badang-malapad na itak
gambang-ginto



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.