Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Introduksyon
TOC Isang Maningning na Pagpupugay sa Isandaang Taong Pakikibaka ng Manggagawang Pilipino (1902-2002)


Isang magandang paraan ng pagdiriwang sa ika-isandaang taong anibersaryo ng kilusang manggagawa sa Pilipinas ang paglalathala ng kalipunan ng mga obrang pampanitikan na maningning na sumasariwa at nagpupugay sa buhay at patuloy na pakikibaka ng uring manggagawa. Sa pamamagitan ng mga obrang ito, matutunghayan ang matatag na paninindigan at ang magiting na paglaban ng mga manggagawang Pilipino hindi lamang para sa interes ng kanilang uri kundi para sa pagpapalaya ng buong bayan.

Noong Pebrero 2, 1902, sa may Teatro Variedades Sampaloc, Maynila, nagtipon-tipon ang may 140 manggagawa para buuin ang Union Obrera Democratica (UOD). Ito ang kauna-unahang pederasyon ng manggagawa sa Pilipinas. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagbuklod ang iba't ibang unyon at grupo ng manggagawa mula sa iba't ibang linya ng paggawa; mga manggagawa sa imprenta, asukarera, pabrika ng tabako at sigarilyo, at maging ang mga barbero, sastre, sapatero, karpintero, mekaniko, mananahi, empleyado sa Customs Office at Manila Railroad. Nang lumaon, sinaklaw ng pederasyon ang gumagawa ng karitela at pati ang mga artista sa zarzuela.

Isang mapagpasyang igpaw ang pagkakabuo ng UOD dahil ipinundar nito ang batayang makauri at pampulitikang kamalayan ng masang manggagawang Pilipino para harapin ang mas matitinding labanan. Sa Kongreso nito, mainit na dinala ng mga delegado ang islogan ng Unang Internasyunal; "Ang kalayaan ng uring manggagawa ay tungkulin mismo ng mga manggagawa." Binuo rin dito ang isang konstitusyong dala ang ilang sosyalistang prinsipyo at militanteng nanawagan sa pagkakaisa ng lahat ng manggagawa at ng buong sambayanang Pilipino para labanan ang pananalakay ng Imperyalismong Estados Unidos.

Ang pagkakahati ng mga obra mula sa kahapon (mula sa pagkakabuo ng UOD) hanggang sa muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay batay sa mga panandang-pangyayaring naganap sa bawat panahon. May mahalagang kinalaman ang mga ito sa pagsusulong ng kilusang manggagawa tulad, halimbawa, ng pagdating ng mga kaisipang Sosyalista at Marxista sa Pilipinas, ang pakikibaka laban sa pananakop ng Imperyalismong US, ang pagkakabuo ng KMU, ang pakikipagtunggali sa mga dilawan at oportunistang taksil, atbp. Wika nga, ito ang telon ng pagbabanyuhay ng mga obra na nagpapahayag sa harap ng paniniil, nanghihikayat sa harap ng pangungubkob, nagpapakilos at nagpapalahok sa mga manggagawa at buong mamamayan sa harap ng angil ng pagdarahop, panunupil at kamatayan.

Imposible talagang magkasya sa isang isyu ng Ulos ang sanlaksang likhang-sining na nagsasalin ng ningning at diwa ng isandaang taong pakikibaka ng uring manggagawa.Gayunpaman, isang munting panuntunan ang isyung ito para sa mga nabuong obserbasyon sa katangian at pagyabong ng proletaryong panitikan sa kontemporaryong panahon.

Higit sa lahat, ang isyung ito ng Ulos ay alay sa masang manggagawang Pilipino at sa lahat ng nakikibakang mamamayan para sa pambansang demokrasya at kalayaan.

Ang Magiting at Maningning na Kahapon

Ang mga naunang welga ng manggagawa sa Pilipinas ay nangyari sa mga imprenta at pahayagan. Kung kaya't hindi kataka-taka na marami sa mga lider -manggagawang sumulpot ay mga peryodista at manunulat. Mula rito, mabilis na lumaki at lumakas ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Sumibol ang magigiting na makabayan at proletaryadong lider-manggagawa, peryodista, manunulat at makatang nagmula mismo sa hanay ng mga manggagawa.

Ang ilan sa kanila, na kahit galing sa uring petiburgis, nakapag-aral at nag-angkin ng kasanayan sa pagsusulat, ay buong tatag na tinalikuran ang landas na kadalasang tinatahak ng isang karaniwang intelektwal, isinapuso ang paninindigan ng uring proletaryado at naglingkod sa sambayanan.

Kaya sa isyung ito, ating babalikan ang makulay na buhay ng ilan sa mga sumulpot na lider-obrero at ang kanilang mga obrang nagpaalab sa makabayang damdamin ng mga manggagawa at ng buong bayan. Una na rito si Isabelo delos Reyes, ang unang pangulo ng UOD na mula sa kanyang pahayagang Independencia y Revolucion (Independensya at Rebolusyon), ay nanawagan ng patuloy na paglaban sa imperyalismong Estados Unidos. Sa kanyang talambuhay ay mababasa ang ilang sipi mula sa kanyang dula na Pobres y Ricos (Mahirap at Mayaman), na sinasabing nagtataglay ng sosyalistang diwa.

Sa kasagsagan ng tuwirang paghahari ng imperyalismong Estados Unidos sa bansa, nariyan naman si Crisanto Evangelista, ang kauna-unahang pangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas, na naglatag ng daan para sa ibayong pagsulong at pagtalas ng kilusang mapagpalaya. Sa kanyang sanaysay na Pagbabangon ng Bayang Dukha ang Katuturan ng Pasko ng mga Manggagawa na Ipinagbubunyi (Mayo 1, 1934), mababasa ang matayog niyang pagdakila sa Mayo Uno bilang pandaigdigang araw ng manggagawa. Gayundin ang pagdakila sa uring manggagawa sa kanyang popular na tulang Ang Sigaw ng Dukha.

Pagkatapos ng Ikalawang Digmang Pandaigdig, lumitaw naman ang katulad ni Amado V. Hernandez. Mahigit 500 ang naisulat niyang tula. Isa na rito ang walang kamatayang tulang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan. Sa napiling tulang Ang Bayani, makikita ang matinding hangad ni Ka Amado na mapalaya ang uring manggagawa. Masasalamin sa tulang ito na siya'y hindi lamang isang tagamasid, o isang manunulat sa taas ng toreng garing. Bagkus siya'y direktang kasangkot sa kilusang manggagawa , natututo at nakauunawa sa kanilang mga hinagpis at adhikain.

"Sambundok na ginto ang aking dinungkal,

kahi't na kaputol, di binahagihan!

ang aking inani'y sambukiring palay,

nguni't wala akong isaing man lamang!

ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay

habang nasa bingit ako ng libingan!"

Hindi magiging lubos ang kalipunang ito kung hindi tutuntunin ang tinahak na buhay ni Carlos Bulosan. Sa panahon ng maramihang migrasyon ng mga manggagawa sa US, inilabas noong 1943 ni Carlos Bulosan ang kanyang nobelang Nasa Puso ang Amerika (America is in the Heart) na nagpasiklab sa isyu laban sa rasismo na dinaranas ng mga Pilipino sa US. Hindi kalabisan kung ituturing na isa sa pinaka-dakilang bayaning migranteng manggagawa o OFW (Ovearseas Filipino Worker) si Bulosan dahil sa tuloy-tuloy niyang pakikipaglaban para sa karapatan at interes ng mga migrante sa US. Sa kanyang pagkamatay ay kinilala si Bulosan bilang dakilang lider at makata ng Ikatlong Daigdig.

Marami pang ibang lider-manggagawang peryodista, artista, manunulat at makatang sumibol at nakisangkot sa buhay at pakikibaka ng uring manggagawa at ng bayan sa ika-20 siglo. Kabilang na rito sina Faustino Aguilar, Hermenegildo Cruz, Gabriel Francisco, Aurelio Tolentino, Carlos Francisco at iba pa, pero sapat nang sabihing nakaukit na sila sa kamalayan ng uring manggagawa at ng buong sambayanang Pilipino.

Subalit wala nang higit na dadakila pa sa ipinamalas na katapangan at kagitingan mismo ng nakararaming manggagawang Pilipino sa pakikipaglaban para sa mga demokratiko at makabayang interes at adhikain ng mamamayang Pilipino. Ito ang nilaman ng mga tula, nobela, awitin, sanaysay at ang mga tinawag na seditious plays o dulang subersibo na sumulpot sa maagang panahon ng kasaysayan ng kilusang manggagawa.
Mga obrang halos walang sawang isinasadula nang kabuuan o baha-bahagi man dahil sa kaangkupan at halaga ng mga ito sa kasalukuyang panahon.

Kaya sa artikulong Ang mga Subersibong Dula sa Maagang Panahon ng Kilusang Manggagawa maikling isasalaysay ang makulay at sabihin pang sensational na papel ng mga subersibong dula na, sa panahon nito ay naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay at pagkilos ng masang anakpawis. Mga dula, na ayon pa sa ilan ay naging senyales ng paglaya ng zarzuela na dati rati'y para sa mga "ilustrado" tungo sa pagsulpot ng teatrong mula sa masa at para sa masa.

Sa larangan naman ng nobela, matutunghayan ang ilang siniping bahagi ng isang nobelang nagpupugay sa uring manggagawa, ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar. Isa ring lider-manggagawang peryodista na naging mahusay na manunulat ng dula. Sinalamin ng nobelang ito ang matibay na paggagap at malalim na pag-unawa ni Ka Aguilar sa konsepto at aktwal na katangian ng rebolusyunaryong makauring pakikibaka. Wika niya: "Ang rebolusyon sa esensya ay marahas na kung saan ibinabagsak ng isang uri ang isa pang uri."

Anupa't sa maagang bahagi pa lamang ng ika-20 siglo ay usaping sosyalismo na ang tinatalakay sa nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Lumabas noong 1906, itinuring itong kauna-unahang nobelang proletaryado hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asya. At bilang dagdag na aralin sa patuloy na paglikha ng proletaryong panitikan, sinagot ni Salvador P. Lopez ang katanungang "Ano ang Proletaryong Panitikan?", mula sa libro nitong Literature and Society.

Kung panulaan naman ang pag-uusapan, mabulas na ito bago pa man dumating ang mga Amerikano. Sa maraming makatang sumulpot, tampok dito si Jose Corazon de Jesus (na mas kilala sa pangalang Huseng Batute) sa pagpapamalas ng katangi-tanging galing sa paglikha ng mga tula ng pag-ibig. Subalit hindi lamang makata ng pag-ibig si Batute. Sa mahigit 400 niyang tula, halos isandaan ang tungkol sa pakikisangkot sa pulitika, buhay at pakikibaka ng uring anakpawis. Isa na rito ang kanyang walang kamatayang tula at awiting Ang Bayan Ko. Pero para sa isyung ito, pinili ang tula niyang Ang Manggagawa dahil sa napakatimyas na pagpupugay nito sa uring manggagawa
bilang tunay na tagapaglikha sa daigdig at sa buong santinakpan. Itinuturing na isang Marxista o sosyalistang pagtukoy sa uring manggagawa ang tulang ito.

Dumaan sa madugo at masalimuot na pakikitunggali ang kilusang manggagawa sa panimula hanggang matapos ang Ikalawang Digmang Pandaigdig nang mapalayas ang mga mananakop na Hapones hanggang sa pagpasok sa dekada 1960. Muling mahaharap sa panibagong panunupil at panggigipit ang mga manggagawa at ang malawak na mamamayan sa pagbalik ng imperyalismong US. Gayundin ang literatura at panitikang Pilipino. Nangibabaw ang Ingles bilang pangunahing wika sa bansa at ang panitikang Ingles bilang pamantayan ng panitikang Pilipino. Lumawig ang isang kulturang pyudal, burges at kolonyal.

Subalit hindi mapipigil ang kasaysayan. Dahil hindi maihihiwalay ang personal na buhay ng mga manunulat at makata sa pulitikal na aspeto ng buhay, patuloy na umusbong ang mga makabayan at makamasang panitikan hanggang sa mga sumunod na dekada. Maging ang ilan sa mga kinilalang manunulat at makatang Pilipino sa wikang Ingles ay nagpamalas ng pagmamalasakit sa uring anakpawis at sa kalayaan ng bansa. Hindi nga nagtagal, muling nagpanibagong sigla ang makabayan at pangmasang panitikang Pilipino, sa Ingles man at sa sariling wika sa kumpas ng bagong pambansa-demokratikong rebolusyon.

Mga Bagong Obra sa Bagong Panahon

Ang muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968, sa pangunguna ni Jose Ma. Sison, ay isang panandang bato sa kasaysayan ng kilusang manggagawa sa Pilipinas. Lubhang malaking pag-unlad ito sa kamalayan, pulitika at organisasyon ng uring manggagawa sa Pilipinas. Noong Marso 29, 1969, itinatag naman ang Bagong Hukbong Bayan o New People's Army.

Inilatag ng Partido ang pagtataguyod at pagsulong ng isang makabayan, pangmasa at syentipikong rebolusyon sa kultura. Sa pagpasok ng dekada 1970, sumiklab ang Sigwa ng Unang Kwarto, at isinilang ang bagong henerasyon ng mga manunulat at makata ng bayan at ng uring manggagawa. Higit sa anumang panahon, sa mga sumunod na dekada at hanggang sa kasalukuyan, nasaksihan natin ang mga rebolusyonaryong tula, dula, kwento at iba pang obrang pansining na inalay sa uring manggagawa.

Isang tampok na halimbawa ang mga dula, skit at yaong tinatawag na `dulangsangan` (street plays). Hindi maitatatwa na namayani ang dulang proletaryo sa mga taon ng dekada 1970. Marami sa mga ito ay mga dulang inilalapit sa masang pinaglilingkuran nito, ang mga manggagawa. Kaya't karaniwan, ang mga ganitong dula'y makikita sa kalye, kapag may martsa; sa mga pabrika, kapag may piket o welga; sa mga pinagdarausan ng teach-in; o sa bukid man o saanmang lugar na maaaring pagtipunan ng mga manggagawa.

Hindi lamang karukhaan ng mga manggagawa, ng kalyo at ugat sa kanilang mga braso ang ipinakita sa mga dula. Nanawagan din sila ng pagkilos, ng pagbubuo ng tunay na rebolusyonaryong unyon, ng pakikipagkapit-bisig sa iba pang demokratikong uri hanggang sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan at ng pagtanaw sa sosyalismo. Ganito ang tema ng dulang Welga! Welga! ng Panday Sining. Isinakwento sa artikulong Welga! Welga! at Piketlayn ng Bayan ang kapangyarihan ng proletaryong dula.

Maraming tula rin ang maaaring banggitin. Mula sa librong Ang mga Rebolusyonaryong Tula: mula 1972-80's at sa iba pang koleksyon, nahalukay ang ilang tulang nag-aalay sa mga bagong martir ng kilusang manggagawa sa bagong panahon tulad ng Mayo Uno (Alay kay Liza Balando), at ang Elihiya kay Bert Olalia (halaw ni Pete Lacaba mula kay Nina Serrano).

Sa pagpasok sa bagong panahon, kapansin-pansin ang pagsibol at patuloy na pag-agos ng mga tulang mula sa kanayunan ng iba't ibang rehiyon tulad ng Ang Anak ng Minero mula Cordillera, Ihayag Mo Ang Iyong Poot, Anakpawis ni Kasamang Vox, isang kadre at Pulang mandirigma sa Cagayan Valley hanggang sa Ang Himig ng Digmang Bayan na nagmula naman sa Silangang Mindanao. Mga senyales ng paglaganap ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan sa pangunguna ng BHB. Panibagong pagpapahalaga naman ang ibinigay ni E. San Juan kay Crisanto Evangelista sa kanyang tulang Pasyon ng Manggagawa.

Kasabay ng obra ng mga bagong kabataang manunulat, nariyan din ang mga tulang tulad ng Ang Manggagawa ni Kris Montanez at Ang Gitnang Kapatagan ni Jose Ma. Sison - mga datihan nang pangalan sa larangan ng rebolusyonaryong sining at panitikan.

Bukod sa mga panitikang nabanggit na, tumampok din ang ilang pelikulang pang-manggagawa. Katulad ng moro-moro, zarzuela, bodabil noong unang panahon, ang pelikula ay dinala rito ng mga dayuhang mananakop at ginamit para patatagin ang kanilang paghahari. Subalit katulad rin ng mga sinaunang zarzuela, ang pelikula ay maaaring gawing mabisang sandata para pukawin at pakilusin ang mamamayan, kahit na sa gitna ng matinding pasismo. Sa panahon ng pasistang diktadura, niyanig sa galit ng pelikulang Sakada ni Behn Cervantes ang diktadurang Marcos, kung kaya naman na-ban ang pelikula. Sa pelikulang ito narinig ang awiting Bakit Kaya Nagkaganyan. Sa dekada 1980, napanood naman ang Sister Stella L ni Mike de Leon, na nagpasikat sa awiting Manggagawa. Isang malakas na sampal naman sa patakaran ng rehimeng US-Ramos sa mga "bagong bayani" ng bansa, ang ipinarating ng pelikulang Flor Contemplacion ni Joel Lamangan.

Marami pang ibang anyo ng sining na matutunghayan ang matatag na paninindigan, talas ng pananaw at katapangan sa pakikibaka ng manggagawang Pilipino. Nariyan ang mga poster, komiks, mural, effigy at mga awiting nagpapataas ng moral, nagbibigay-aliw, nagpapasigla at nagpapakilos at higit sa lahat ay tumutugon sa mga kagyat na suliranin at isyu ng masang manggagawa. Sa balagtasang Kontra-Diksyon ni Ka Lope Bagtas, madadalumat na ang pakikibaka ng uring manggagawa para sa karampot na dagdag sa sahod ay isang buhay-at-kamatayang pakikibaka ng masang anakpawis.

Sa kalahatan, ang mga bagong sibol na rebolusyonaryo at proletaryong panitikan ay kakakitaan ng mga sumusunod: ang makasining at matalas na pagdala ng linya at mga panawagan ng pambansa-demokratikong kilusan; inspirado ng Dakilang Proletaryadong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina at ang malaking papel ng mga grupong pangkultura ng kabataan, laluna sa unang bahagi ng dekada '70. Tampok dito ang Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayan (PAKSA), Panday Sining, Gintong Silahis, Kamanyang, Tanghalang Bayan, at sa larangan ng sining biswal ang Nagkakaisang Progresibong Artista at Arkitekto (NPAA). Sa mga sumunod na dekada sumulpot ang mga bagong grupo at organisasyong pangkultura ng manggagawa, kabataan, estudyante, mga propesyunal na artista at manunulat na patuloy na lumilikha, tumatangkilik at nagsusulong ng proletaryong sining at panitikan.

Sa talumpati ni Jose Ma. Sison sa pagbubuo ng Makabayang Alyansa sa Sining Anakpawis (MASA) noong 1985, mas nilinaw niya ang lakas at papel ng sining sa buhay at pakikibaka ng masang anakpawis. Aniya:

"Tungkulin ng artista na masapol ang esensyal at tipikal sa panlipunang sitwasyon at gumawa ng likhang-sining bilang isang magandang kabuuan na tumitibok na sa nadaramang karanasan ng tao, ay naglalahad pa ng pangkalahatang kabuluhan. Ang katangi-tanging likhang-sining ay kapwa nakaaaliw at nakapagpapaliwanag."

"Ang mga likhang-sining para sa mga manggagawa ay hindi lamang para sa makaisang-panig na paglalarawan ng kondisyon sa ekonomya at pulitika at mga pakikibakang manggagawa. Ang mga obrang ito ay dapat ring magsilbing inspirasyon ng mas maraming manggagawa upang makilahok sa pakikibaka at maitaas ito sa mga bagong antas. May diyalektikong ugnayan ang gawaing pangkultura at iba pang anyo ng pakikibaka."

Mga Bagong Martir at ang

Patuloy na Pakikibaka

Mahaba na ang binaybay at sinuong ng Rebolusyonaryong Kilusang Manggagawa. Sa loob ng 100 taon, dalawang kilusang pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas ang tinahak nito. Dalawang makasaysayang People Power o pag-aalsang Edsa ang militante din niyang nilahukan. At sa bawat pagkakataong ito, saksi ang buong mamamayan sa matalas at militanteng pangunguna ng uring manggagawa sa paglaban sa mga sagad-saring reaksyunaryong uri at pamahalaan, sa mga oportunista at dilawang unyon at mga rebisyunistang taksil na mga kaaway ng uring manggagawa at ng sambayanang Pilipino.

Pawis, dugo at buhay ang puhunan at patuloy na iniaalay ng manggagawang Pilipino para makamit ang demokrasya at pambansang kalayaan. Kung kaya't sa isyung ito ay mataos ding pinararangalan ang mga bagong martir ng uring manggagawa sa panahon ng bagong pambansa-demokratikong kilusan. Pinangungunahan ito ni Kasamang Bert Olalia, tinaguriang "Grand Old Man" o "Angry Old Man" ng kilusang unyon. Mahahabi ng buhay ni Ka Bert ang halos buong kasaysayan ng kilusang unyon sa bansa. Binabaybay din sa isyung ito ang mahabang buhay ni Ceferino Lacara o mas kilala sa pangalang Ka Tatang.

Sa loob ng 100 taon, nagkalaman, nagkakulay at nagkaroon ng bagong rebolusyonaryong hugis at anyo sa mga dula, tula, nobela, pelikula at iba pang obra ang mga hinaing at adhikain ng nakikibakang manggagawang Pilipino. Nagbabago ang tungkulin ng mga likhang-sining sa bawat yugto ng kasaysayan. Ang malinaw ay ginamit at patuloy itong ginagamit bilang matalas na sandata ng pagbabago, ng paglaban sa dayuhan at lokal na mananalanta. Sandata para sa paglaya ng uring manggagawa at ng buong mamamayan, at sa pagtatatag ng isang bagong malayang lipunan, hanggang sa pag bukang-liwayway ng sosyalismo.

Kasabay ng mainit na pagsalungat sa mga "agilang" naglipana sa ating kapaligiran ngayon, ang bawat obrang sining ay nagiging salamin ng mga bagong tunggalian sa lipunan, ng mga bagong paghamon. Ang mga obra'y hindi na sa birhen inihahandog kundi sa Inangbayan. Ang bawat hampas ng kamao at maso ay iniuumang hindi na sa mga Kastila kundi sa mga bagong dayuhang nagkukunwaring mga kaibigan at sa mga lokal na reaksyunaryong kaaway. Nariyan pa rin ang pag-iibigan at kababalaghan sa mga dula, kwento at tula. May hinagpis pa rin ang simula. Pero ngayon, ang mga ito ay nilalagyan na ng mga bagong sangkap at kalamnang rebolusyonaryo, sa nagpapatuloy na pakikibaka laban sa rehimeng US-Arroyo.

Dagdag pa ni Jose Ma Sison:

"Mahalaga at kinakailangang bahagi ng kilusang manggagawa ang gawaing pangkultura. Upang lumitaw na taliba ng pambansa-demokratikong rebolusyon, kailangang magbunsod ng mga pakikibaka at magkamit ng mga tagumpay ang proletaryado, hindi lamang sa ekonomya at pulitika, kundi pati sa kultura."



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.