paano ko maipauunawa sa kanya
kung bakit ako nabubuhay kasama ang libu-libo
mga taga-bundok, mga magsasakang walang lupa�t kapalaran
mga obrerong pagod, mga kabataang walang-kapagurang naghahanap,
mga propesyunal na ang suweldo�y di rin sapat?
paano niya makikita ang aking nakikita
ang luha at dugo ng daantaon?
paano niya maririnig ang aking naririnig
ang kalam ng sikmura, ang taghoy ng galit?
paano ko siya mapapaniwala na ang buhay ay nilulubos
�di para sa sarili o sa sariling pamilya lamang
kundi para rin sa mga naghihikahos at pinagkakaitan
upang sa gayon, sila rin ay mabuhay at �di lamang tawaging buhay?
paano ko maiapauunawa sa kanya
na ang kalayaan ay ipinaglalaban at hindi ibinibigay
na ang kapayapaan ay inihahatid ng digmaan
na ang dagat ay inaaburido ng alon
na may kapanatagan pagkatapos ng unos at lindol
na siya mismo ay madugong umalpas sa aking sinapupunan?
paano ko maipadarama sa kanya
ang dalamhati ng isang batang ina
na pilit na inilayo sa kanyang unang sanggol
nang ibaba ng pasista ang batas militar?
paano ko maipadarama sa kanya
ang pagkabalisa at kabiguan ng isang batang asawa
sa nakalilitong balita tungkol sa kasama�t kabiyak?
paano ko maipadarama sa kanya
ang labingwalong taong pangungulila ng isang ina
sa kanyang panganay na anak at dugo?
paano ko maipadarama sa kanya
ang galak at pagkakuntento kapag siya�y aking kasama
ang kawalan at kawalang-katiyakan kapag kami�y nagpapalaman?
ipinaalala n�ya sa akin ang isang pangako
na siya�y aking babalikan
tinanong niya kung gaano katagal, inisip niya kung bakit ganoon katagal.
nakita ko at nadama ang kanyang dalamhati
kung gayon, isusuko ko ba ang aking paninindigan
tatalikuran ko ba ang aking panata
kapalit ng aking anak at ng kanyang mga kapatid?
ngunit paano ko haharapin ang daigdig?
paano ko haharapin ang buhay?
at ikaw, paano kita haharapin?
pagkat kapag nagkaganon, anak, hindi na ako
ang inang nakilala mo
paano ko sasabihin sa kanya
na ang kalooban ko�y namamayagpag pa rin at di pa napapagod
para sa kalayaang kay tagal ko nang ipinaglalaban?
paano ko sasabihin sa kanya
na sa aking pagbabalik
hatid ng ngiti ko�t tingin ang tagumpay
habang masigabong naghihiyawan at nagpapalakpakan ang sanlaksa
para sa natamong kalayaan?
ngunit paano ko rin sasabihin sa kanya
na maari ngang hindi ako lubos na palarin
upang maabutan ko ang katuparan ng lahat ng ito?
paano ko sasabihin sa kanya
na sadyang ganon ang buhay
sapagkat �di biro, bagkus dakila ang hinihiling na alay ng rebolusyon?
|