Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Agosto 1999
Pambungad
TOC Ang Rebolusyonaryong Sining at Panitikan sa Gitna ng Tumitinding Krisis Panlipunan


Damang-dama ngayon ng malawak na masang Pilipino ang hagupit ng panibago�t papatinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan sa ilalim ng rehimeng US-Estrada. Gayunpaman makaaasa ang bagong tutang gubyerno na hindi magdadalawang-isip sa paglaban ang masa. Gayundin � lalu�t higit sa inspirasyon ng sunud-sunod na inaaning mga tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto � makaaasa ang masa na sa kanilang pagbabalikwas laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at burukrata-kapitalismo, patuloy silang pagkakaisahin at pamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

At sa kagyat na pagtugon sa ganitong pagkakataon � sa masinsing pagpapaigting ng palabang diwa�t praktika ng demokratikong rebolusyong bayan � inaasahan ding magiging maagap ang mapanlikhang pagtalima ng mga kadre, pulang mandirigma at masang aktibista sa hamon ng rebolusyonaryong sining at panitikan.

Sa katauhan � sa katutaan � ni Estrada, garapalan ngayong pinasasagpang ng reaksyunaryong estado ang bayan sa di mabusog-busog nitong among imperyalista. Nito lamang Mayo, nabigyan-daan ang tuwirang panghihimasok ng pwersang militar ng Estados Unidos sa bansa nang maratipika sa Senado ang Visiting Forces Agreement. Susundan pa ito ng pakanang charter change o cha-cha; bagay na higit pang mag-iinstitusyonalisa at magpapahigpit sa pagkontrol ng dayuhang monopolyo kapital sa ekonomiya ng Pilipinas.

Samakatwid, ibayong lumalalim ang interes at lumalawak ang saklaw ng pangungubabaw ng Imperyalismong US sa buhay ng sambayanang Pilipino. Sa tulang Bangungot ni Kasamang Sonia Gerilya, ginamit mismo bilang imahen ang bandila ng Amerika upang bigyang-patotoo ang puntong ito:

"Ang mga pulang guhit

sa bandila mo --

ilan na nga ba ang mga ito? --

ay mga rehas na nakatundos

sa bawat kurba,

sa bawat tadyang

ng aming baybayin."

Sa katauhan � sa kakronihan � ni Estrada, mabilis na nilulubos ngayon ng reaksyunaryong estado ang pagbuhay sa multo ni Marcos. Ang mga malalaking komprador at burukratang dating kasakapatan ng yumaong diktador, sampu ng mga kamag-anakan nito, ay nananalasa na namang muli sa pinaka-estratehikong poder sa negosyo�t burukrasya. Sila na di pa nababayaran ang dinambong na yaman at inutang na dugo sa bayan.

Tampok ang temang ito sa satirikal na panulaan ni Kasamang Ester Redentor sa kanyang pyesang Papuri sa Boss-Dyip:

"Sa katakawa�y di pahuhuli si Danding

Sa kopra, tubo at sa tagay ng San Miguel Beer,

Kay Lucio piloto nama�y perang-papel na eroplano,

Habang tuloy ang pag-awit ni Imelda ng �Dahil Sa Iyo�

Salat-salat ang alahas na animo�y nagrorosaryo...�

Sa ganitong satirikong tono rin nagsasalimbayan ang mga imahen ni Kasamang Jose Maria Sison sa kanyang Karnabal. Bagamat naisulat ilang dekada na ang nakararaan (1959), kapansin-pansing tumutugma pa rin sa kasalukuyang panahon ang pinapaksa ng tulang ito; bagay na nagpapatunay lamang sa patuloy na pananaig ng kabulukan � ng kapalaluan at kapayasohan � ng burukrata-kapitalismo:

"Sa anarkikong ayos ng mga tolda ng monopolista

Nagpapakitang-gilas ang mga halimaw na mapagsamantala.

Ang mga propesyunal at pulitiko

Na sa alambre ng ambisyo�y tumutulay at sumisirko

Ay bihasa rin sa pagkahayop ng mga leon, elepante at kabayo,

Sa pagkahayok ng mga oso at tsonggo..."

Sa katauhan � sa pagka-sanggano � ni Estrada, inihahasik ngayon ng reaksyunaryong estado sa mamamaya�t sa rebolusyonaryong kilusan ang sagad-sagarang panunupil at pandarahas. Pagkatapos ng pagkabigo ng usapang pangkapayapaan, namamayagpag na namang muli ang militar upang, sa huling pagkakataon, anila, ay malubos na ang pagkabigo ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Mula sa mga propagandang anti-komunista at anti-Joma na inooperasyong-pinta sa mga pader ng kalunsuran, hanggang sa mga malawakang operasyong-kubkob sa mga sonang gerilya, malinaw na nagsisinsin ang estado sa opensiba. Mula sa pandarahas at pandarakip sa mga lider-masa at personahe ng kilusang masa sa lungsod hanggang sa muling pagpapalakas sa mga pormasyong CAFGU sa kanayunan, malinaw ang mga senyales ng lantay-pasismo at batas militar.

Ang tulang Ipinagmamalaki Nila ni Kasamang Kris Tambang, sabihin pang walang tiyak na panahong pinatutungkulan, ay kapwa bangungot ng nagdaang batas militar at babalang pangitain ng umaalagwang bagong lantay-pasistang rehimen.

Sinadyang pagtabihin sa isyung ito ng ULOS ang nasabing pyesa ni Kris Tambang at ang tulang Tres-Otso sa Ikatatlumpu ni Kasamang Mario Ruso upang higit na mapatingkad ang pagkakaiba ng militar sa mga pulang mandirigma.

Sa isang panig ng digmang bayan, naroroon ang reaksyunaryong sandatahan, na ang sukdulang pagkamanhid at kahambugan ay binigyang-buhay ni Kris Tambang sa isang maitim subalit makatotohanang pagsasalarawan:

�Ipinagmamalaki nila

Na ang kanilang kwintas

Ay gawa sa ngipin ng pulahan

At ang utak ng rebelde

Ay kanila lamang pampulutan��

Sa kabila naman ay ang Bagong Hukbong Bayan, at sa mga taludtod ni Mario Ruso, ang masang anakpawis mismo ang pinagsasalita upang sa ika-tatlumpung anibersaryo nito ay bigyan ng pinakapayak subalit pinakataimtim na pagpupugay:

�Kilala namin ang mga mandirigmang ito

kung paanong sa araw-araw

Kinukupkop ng aming mga dampa at kubo

ang kanilang nag-aalab na anino

Sapagkat sila ang namumukod-tangi sa lahat

ng aming mga mahal sa buhay at mga anak��

Tatlong dekada na nga ang Bagong Hukbong Bayan. Tatlong dekada na rin ang namumunong taliba nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Mga dekadang ngayo�y hindi lamang ginugunita kundi patuloy na pinaghahalawan ng buhay na mga aral. Mga aral na hindi lamang kinakabisa kundi s�yang laging tuntungan ng kawastuhan ng paninindigan -- at ng paninindigang magwasto. Alang-alang sa masa. Alang-alang sa ikatatagumpay ng rebolusyon.

Sa ganitong balangkas at diwa halos magsilbing sumada ng tatlumpung taon ng Partido ang tulang Mapulang Pagpupugay ni Kasamang Lorenzo Magpunyagi, na sa huli�y malinaw ang diin at hamon sa paglubos sa tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto:

�Mula roon ay patuloy kang naglayag sa laot

Higit na matatag, higit na matibay

Kapasyahang isulong ang rebolusyon

Handang harapin ang bagong hamon

Lagi na�y katuwang mo ang masa

Sa pagsulong sa ulan tuwing may unos

Sila ang walang kupas na tala ng iyong buhay,

Ang kabuuan ng iyong buhay��

At ilan na nga ba ang tumalima sa hamong ito? Ilan na nga ba ang mariing nagpasyang pagtibayin ang prinsipyo ng bagong pambansa demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba? Itanong pa, ilan na nga ba ang mga bagong martir ng ating matagalang digmang bayan?

Isinasama sa isyung ito ng ULOS ang mga akda ng mga bagong rebolusyonaryong martir na sina Kasamang Lennon, Mayang Algarme at Mary Gene Dumaplin sa dalawang kadahilanan. Pangunahin, upang bigyang-parangal ang mga dakilang buhay na inialay nila bilang mga kadre ng rebolusyon. At ikalawa, upang ipakita kung paanong nagiging bahagi ng kumprehensibong gawain at tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersang gaya nila, ang pagpupursige sa paglinang ng rebolusyonaryong sining at panitikan.

Ilang beses na ring napalawig sa teoretikal na antas ang kahalagahan ng ganitong pagpupursige. Marami nang mga sulatin ang nagsinsing balangkasin ang mga aral at gabay sa praktika ng rebolusyong pangkultura. Ang Panitikan at Paninindigan, halimbawa, ni Kasamang Jose Maria Sison (na isinasama sa isyung ito bilang bahagi ng regular na pagtatampok ng ULOS sa mga akdang panunuri at teoretikal) ay malinaw na pagtatambuli sa kahalagahan ng panitikan sa rebolusyon at ng makauring oryentasyon sa sining.

Sa pamamagitan ng pagtangan sa oryentasyong ito, ang mga mulat na artista at manunulat ay makalilikha ng mga obrang magpapalalim sa arsenal ng rebolusyonaryong propaganda ng kilusan. Napatunayan na sa maraming pagkakataon ang di matawarang kapangyarihan ng mga pangkulturang sandatang ito. Sa iba�t ibang antas at pamamaraan, ang mga rebolusyonaryong likhang sining ay nagbibigay ng kakaibang tingkad at kung gayon ng mabisang pagtatampok sa mga pagsusuri, linya at patakaran ng rebolusyon.

Ang tulang Walang Pag-aari ni Kasamang Sikhay Laya, halimbawa, ay isang tuwirang pagtitilad, batay sa Marxistang pananaw, sa panlipunang kalikasan ng lakas-paggawa ng uring proletaryado sa loob ng isang kapitalistang relasyon:

�Sa ayaw mo man at sa gusto

Katumbas ng nais nilang presyo

Ikaw ay lalagda sa kontrata

At sa loob ng walong oras o higit pa

Kasama ng iyong lakas-paggawa

Ika�y buong-buong pag-aari nila

Pagkat ni anuma�y wala kang pag-aari

Kundi kakayahang lumikha para sa may-ari��

Sa awit na Imperyalismo ng rebolusyonaryong martir na si Ka Lennon (Melchor Llago Jr.), animo�y ang dakilang komunistang si Lenin ang nagsasalita:

�Ang imperyalismo

Pinakasukdulang yugto

Ng mismong kapitalismo

Ang bisperas ng sosyalismo�

Sa Datos ng Buhay, epektibo namang ginamit ni Kasamang May Amor ang balangkas ng SI bilang isang bagong porma ng panulaan upang, pagkatapos pagsalitain ang masang magsasaka sa isang maikling panayam, ay ipahiwatig na ang tanging magwawakas sa kanyang kadustahan ay ang rebolusyong agraryo:

�Paano na lang sila?

(Walang sagot, malayo ang tingin)

Paano na lang ang ganitong klaseng buhay?

(Walang sagot, nakatingin lamang sa aking armalayt).�

Rebolusyong agraryo rin ang pinaksa ng tulang Pag-alpas sa Konserbatismo ni Emil Magalat. Kasabay ng ahitasyong iwaksi ang bagahe ng mga kamalian ng nakaraan ay ang maikling pagbaybay sa mga batayang sangkap ng anti-pyudal na pakikibaka sa kanayunan; mula sa minimum na rekisito hanggang sa pagtatayo ng organo ng kapangyarihang pampulitika:

�Kayraming dapat isahapag:

paano ibaba ang upa sa lupa at itaas ang sahod

paano itatayo ang mga komiteng pang-organisa

paano parurusahan ang mga traydor

paano iluluwal ang makapangyarihang lakas ng masa.�

Labas pa sa mga opisyal na dokumento ng paglalagom at pagtatasa, ang mga lrebolusyonaryong ikhang-sining ay nagsisilbi ring talaan ng pang-araw-araw na buhay-at-kamatayang pakikibaka. Ang Tiagew ni Kasamang Bimmulon Sumkad, halimbawa, ay mahihinuhang halaw sa tala-arawan ng isang pulang mandirigma o ng mismong yunit na kinabibilangan. Anupa�t bago matapos ang nasabing kwento, ang pangunahing tauhan ay magsusulat din sa kanyang tala-arawan:

�Bago matulog, nagsulat muna si ka Lisa�Gawa na rin ng kapaguran, hindi niya kaagad nakuhang makatulog sa hinihigaan niyang latag na sako. Tinitigan niya ang dilaw na buwan at ngumiti, magaan ang pakiramdam habang sinasariwa ang napagkaisahan ng masa at mga kasama � mga gawaing pagdating ng umaga�y pagtutulungan nilang tapusin.�

Malinaw kung gayon, na ang sining at panitikan ay nagiging isang makulay na porma ng dokumentasyon ng rebolusyonaryong kilusan.

At sa pamamagitan ng mga ito, maaaring makapagpalitan ng mga karanasan ang mga rebolusyonaryong pwersa. Ang mga palitang ito, sa maraming pagkakataon, ay matamang pinaghahalawan ng mga aral, inspirasyon at ibayong ahitasyon upang patuloy pang magsikhay sa pagkilos.

Pansinin, halimbawa, ang mistulang sagutan ng mga tulang Sa Aking Panganay ni Kasamang Pinay at Sa Ama�t Inang Nagmamahal ni Ka Ken.

Isinasalaysay sa unang tula ang lunggati ng isang rebolusyonaryong ina. Sa partikular, tinatalakay nito ang kahirapang ipaunawa sa kanyang anak kung bakit lagi�t lagi silang kailangang magkalayo:

�ngunit paano ko rin sasabihin sa kanya

na maari ngang hindi ako lubos na palarin

upang maabutan ko ang katuparan ng lahat ng ito

paano ko sasabihin sa kanya

na sadyang ganoon ang buhay

sapagkat dakila ang hinihiling na alay ng rebolusyon��

Sa ikalawang tula naman, namamaalam ang isang anak sa kanyang mga magulang bago tumulak patungo sa sonang gerilya:

�Huwag mangambang anak ay mangungulila

Sapagkat sa paroroona�y libo pang mga magulang

Ang handang kumupkop at lubos ang pagkalinga

Gayundin, hindi kayo mawawalan

Bagkus ay masusuklian ng libo pang mga anak

Na binigkis ng digmang bayan.�

Habang malinaw na tinutukoy, batay sa makauring pagsusuri, na ang panlipunang salalayan ng mga pangunahing lumilikha ng sining at panitikan ay nagmumula sa uring petiburgesya, mariin ding iginigiit ang pangangailangang sila ay marebolusyonisa. Isang sukatan ng pagiging epektibo�t makatotohanan ng kanilang mga rebolusyonaryong likhang sining ay kung matapat nitong nasasalamin ang kongkretong buhay at pakikibaka ng masang anakpawis.

Susi dito ang puspusang pakikipamuhay sa batayang masa at ang sabayang pagwawaksi sa mga burges na aktitud at kultura. Kinakailangan ito upang lalu pang lipusin ang rebolusyonaryong paglilingkod, labas pa sa balangkas ng paglikha ng sining at panitikan. Kung gayon, kaugnay ng ideolohikal na salik ng rebolusyong pangkultura, ang rebolusyonaryong sining at panitikan ay nilalayon ding maging bahagi ng masaklaw at pangmatagalang gabay sa pagpapanibagong-hubog.

Ang Paglilingkod ni Kasamang Namnama T. Pinagsikka ay isang maikling testimonya ng pag-igpaw ng mga petiburges na intelektwal sa kanilang mga limitasyon at kahinaan sa gitna ng makauring tunggalian.

Labas pa sa mga nailalathala sa ULOS, isang di mapabubulaanang obserbasyon sa kasalukuyan ang kakaibang kasiglahan sa pagpupursige ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mga gawaing pangkultura, partikular sa larangan ng sining at panitikan.

Kapansin-pansin ang paparaming bilang ng mga nabubuo at namimintinang mga iskwad pangkultura sa mga larangan ng iba�t ibang rehiyon. Patunay ito na naisasabuhay ang kumprehensibong katangian ng Bagong Hukbong Bayan bilang isang pampulitika, pangmilitar, pang-produksyon at pangkulturang organisasyong masa.

Sa iba�t ibang rehiyon din, regular na nakapaglalabas ng mga koleksyong naglalaman ng mga rebolusyonaryong akda. Nariyan ang Punla ng Bikol; ang Dagitab ng Timog Katagalugan, ang Dangadang ng Hilagang Luzon, at iba pa. Mapapansing marami sa inilalathala sa ULOS ay mga nailabas na sa mga nabanggit na dyornal. Maging ang mga iba pang publikasyon na hindi tuwirang pampanitikan ay sinasamahan na rin ng mga tula o maikling kwento.

Nagagamit naman ang sining biswal upang maging gabay ng masa at mga kasama sa pag-unawa sa mga aralin. Ang mga publikasyong inilalathala ay lagi nang may mga drowing upang higit na maging interesante ang mga dokumento�t babasahin. Marahil isa na nga sa pinakamatingkad na halimbawa ay ang pagkakalimbag ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Isinalarawan na ngayo�y nakapagbibigay ng bagong sigla sa masa upang yakapin ang gawaing pag-aaral. Kasama rin sa isyung ito ng ULOS ang isang komiks na inaasahang makapagpapasigla sa mga talakayan. Makapaghihikayat rin ito sa mga kasamang may hilig sa pagguhit. Idagdag pa rito ang mga mural na ginagamit naman sa mga pagdiriwang at mobilisasyon.

Sa musika, patuloy na nakalilikha ng mga bagong rebolusyonaryong awit sa maraming larangan. Patuloy na nagagamit ang iba�t ibang tradisyunal na porma na pinagyayaman ng rebolusyonaryong nilalaman. Sa kasalukuyan, inirerekord na ng mga rehiyon ang mga bagong awit na ito, kasama ng mgaawiting matagal nang napopularisa sa masa at Pulang mandirigma.

Ang mga bagong dulang itinanghal sa iba�t ibang lugar sa nakaraang pagdiriwang ng anibersaryo ng BHB at ng PKP ay patunay na nauunawaan ng mga kadreng pangkultura ang bisa ng teatro bilang isang makapangyarihang porma ng propaganda. Kinakailangan na lamang na sinsinin ang dokumentasyon nito upang maitanghal pa nang kung ilang beses maging sa labas ng erya kung saan ito isinulat at unang ipinalabas.

Gayundin ang kasiglahan ng gawaing pangkultura sa hayag na pakikibaka sa kalunsuran, sa gitna ng anti-imperyalista, anti-pasista at maging anti-pyudal na mga pagkilos. Lahat ng porma ng sining at panitikan ay malikhaing ginagamit at inaangkop sa iba�t ibang gawain sa pang-araw-araw na pag-oorganisa, lalo na sa mga kampanyang masa. Mula sa mga makukulay na poster na inooperasyong-dikit sa mga pader hanggang sa mga t-shirt na tinatatakan ng mga islogang may disenyo. Mula sa mga dulaang-iglap sa mga pasilyo ng paaralan hanggang sa mga konsyerto sa mga mobilisasyon.

Masinsin ding nakapagtatalaga ngayon � permanente man o pansamantala � ng mga komiteng pangkultura sa loob ng iba�t ibang organisasyon at institusyong masa. Kasabay nito ang pagbubuklod at mismong pag-oorganisa sa mga artista�t manunulat ng kalunsuran sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga alyansa at organisasyong pangkultura.

Ang mga mahahalagang aral ng mahabang karanasan sa rebolusyonaryong gawaing pangkultura ay kasalukuyan na ring binabalangkas at binubuo bilang tugon sa panawagan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto kaugnay ng pagtitiyak sa mga paglalagom.

Sa diwa ng pagpuna at pagpuna sa sarili, makatutulong ang mga ito sa agad na pagtukoy sa mga kahinaan at pagkakamali; sa malalimang pagpapatimo sa kawastuhan ng rebolusyonaryong linyang pampulitika at pangmasa. Sa pamamagitan ng mga ito, ibayo pang makokonsolida ang mga rebolusyonaryong artista at manunulat sa ideolohiya, pulitika at organisasyon; ibayo pang mabibigyan ng wastong gabay ang papaunlad na tunguhin ng rebolusyong pangkultura sa sining at panitikan.

Kung gayon, sa gitna ng papatinding pagbulusok ng palagiang krisis panlipunan, nariyan ang hanay ng paparaming bilang ng mga artista at manunulat na armado ng mga awit at tulang may wastong palabang diwa at paninindigang rebolusyonaryo. At sa kagyat na pagharap sa kabulukan ng reaksiyunaryong tutang estado ng kasalukuyang rehimeng US-Estrada, patuloy na gagamitin ng ating kilusan ang mapanlikhang kakayahan upang abutin ang masa at pagkaisahin sila sa umiigting na pakikibaka, hanggang sa makamit ang tagumpay:

A, dam�hin, ang ngayo�y ipadadama natin sa kanilang mga bungo

Bawat andap ng mga matang didiklap sa sangmilyong puso at sulo

Bawat kambal na tainga�y bagwis sa kaulapa�t katig ng bangkang pulo

Bawat dila�y bandilang tinina sa apog at sa dugong kumukulo

Bawat ilong ng komunistang bulka�y apaw na ilog ng silakbo

Dam�hin, pagbawi ng tao sa kanyang pagkatao�y �di na nalalayo.

(Pagbawi, Sonia Gerilya)



Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.