Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Sanaysay
TOC Si Lyndon at Si Liam


PUMALAHAW NG sigaw si Lyndon, sabay igkas paakyat sa isang puno ng kape. Putlang-putla at nanginginig, lumundag siya ilang saglit pa mula sa puno at ikinasa ang isyung Garand.

Noon ko lang nakitang nagitla at nagalit si Lyndon nang ganun. Sa loob ng mahigit tatlong taon naming pagiging magkakolektib, marami-rami na ring reyd o aksyong depensiba ang kanyang naranasan at talagang wala pa akong maalala na naging ganun ang reaksyon niya. Kasi naman, ang mistulang sumalakay sa kanya sa pagkakataong iyon ay ang s'ya na nga yatang pinakakinatatakutan niya: ahas!

Sabihin na ngang sadyang palabiro ang mga kasama, kaya nga't dala ng katuwaa'y hinagisan nila ng patay na ahas si Lyndon, subalit minsa'y may mga birong hindi na nakakatawa. Mangyari pa, ang mga paminsan-minsang birong ito'y maaaring tukuying "inosenteng" ekspresyon o manipestasyon ng tagong diskriminasyon.

Sa ilang pagkakataon, ito ang nagiging paksa ng pagtatalo ng mga kasama. Kailan nga ba nagiging pagkutya ang biro? Bakit seryosong bagay, halimbawa, para kay Lyndon ang paghagis sa kanya ng ahas? O sa iba pang pagkakataon, masasabi din bang biro (sabihin pang pinalagpas naman ito ni Lyndon at tinawanan pa nga) ang imbes na gisingin siya nang maayos ay sukat ba namang kilitiin siya na naging dahilan tuloy ng paglagapak niya sa putik mula sa duyan? Sa madaling salita, gagawin ba ng mga kasama ang mga "kapilyuhang" ito kung si Lyndon ay hindi isang bakla?

Si Lyndon - nagmula sa uring mababang-panggitnang magsasaka at ulila nang lubos - ay isang baklang Pulang mandirigma. Noong 1998 lamang nagpasya si Lyndon na ipahayag sa mga kasama ang tungkol dito. Ito'y matapos ng mahabang panahon ng pagkukubli, ng masalimuot na pag-aalinlangan kung handa ba ang mga kasama at masa - at maging ang kanyang sarili - na tanggapin ang ganitong katotohanan.

Hindi simpleng personal na krisis ang pinagdaanan ni Lyndon bago siya lubos na magladlad. Humantong pa nga ito minsan sa pagtatangka niyang umuwi. Ngunit nang magpapaalam na siya sa mga lumad, natulala siya at naantig sa kanyang narinig: "Kung hindi ka pa kayang tanggapin nang lubos ng ilang mga kasama dahil sa iyong kasarian, tatanggapin ka namin." Hindi biro ang ganitong pagbibitiw ng salita ng mga lumad, lalung-lalu na kung iisipin ang lalim ng pyudal na katangian ng kanilang kultura. Pagpapatunay lamang ito ng kanilang lubos na pakikiisa at kahandaang umunawa at tumanggap ng mga bagay o kaisipang bago at rebolusyonaryo. At ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naririto pa ngayon sa rebolusyon si Lyndon.

Sadya ngang napalapit na si Lyndon sa mga lumad. Sino nga ba sa kanila ang hindi mapapalapit sa isang Pulang mandirigmang siya rin nilang magiting na guro? Isa kasi si Lyndon sa mga nangasiwa at namuno sa paglulunsad ng di lamang isa kundi limang paaralang "litnum" (literasiya at numerasiya). Para sa mga lumad, isang susi ang programang pang-edukasyong ito sa layunin nilang lumaya mula sa Kristiyanong sobinismo at sa pagsasamantala ng ilang negosyante. Kaya nga't kahit may banta pa ng pagkilos ng mga kaaway, sinusundo na ng mga lumad ang kanilang gurong si Lyndon sa kanyang posting para ihatid sa mapagpalayang paaralan.

Sadya ngang napalapit na si Lyndon sa mga lumad. May isang pangyayari pa nga na upang lalupang tumibay ang pagkakaisa ng Hukbo at masa, isa sa mga datu ang nagpahayag na ipapaasawa ang kanyang anak kay Lyndon. Kumplikado ang ganitong sitwasyon. Una, dahil bagama't iginagalang ng kilusan ang kanilang kultura sa pagpapakasal, hindi makatutugon dito si Lyndon sapagkat tungkulin ng Partidona ipaliwanag at isapraktika ang sarili nitong patakaran hinggil dito. Pangalawa, sa tradisyon ng mga lumad, isang malaking insulto na maaaring mangahulugan ng pagbabayad at maging ng kamatayan kapag hindi natupad ang ipinahayag ng isang datu. Sa kabila nito, hindi nag-alinlangan si Lyndon na harapin ang hamon na ito at ipaliwanag sa pinakamalinaw, naaayon sa prinsipyo at mapagkaisang paraan ang patakaran ng kilusan sa usapin ng pakikipagrelasyon at pag-aasawa.

Sadya ngang napalapit na si Lyndon sa mga lumad. Gaya ng pagkalapit niya sa akin at sa iba pang kasama - kabilang na dito ang ilan na hindi pa rin lubos na natatanggap ang kanyang pagkabakla. Isa na nga si Lyndon sa mga kasamang kapansin-pansin ang pagiging mapagkumbaba, simple, hindi makasarili, maunawain at matimpiin. Ang kanyang mga halimbawa ang patuloy na nagtuturo sa akin kung ano ang tunay na diwa ng paglilingkod sa masa, simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Kung may kasamang nangangailangan ng malong, ipahihiram niya ang sa kanya at titiisin ang matinding ginaw ng gabi; kung may nasiraan ng sapatos, huhubarin niya ang sa kanya at maglalakad nang nakayapak.

Ang kanyang pagharap sa mga kasalimuotan ng tuluy-tuloy na pagkilos, kasama na ang usapin ng pagtanggap ng kilusan at masa sa kanyang kasarian, ay di matatawarang inspirasyon sa akin at iba pang mga kasama upang higit pang magpakatatag sa rebolusyon. Hindi ko na kakolektib si Lyndon ngayon pero saulado ko pa ang kagiliw-giliw niyang payo sa akin nang minsang magkaugnayan kami sa radyo at dinaingan ko siya tungkol sa mga nararamdaman kong hirap: "Handa ka ngang tamaan ng sibat, di ba? Kaya mo 'yan. Negative na ako. Bye!"

SA PAGTATASA ng isang inilunsad na ambus, muli na namang napatunayan ang karaniwan nang tinutukoy na mga salik para sa isang matagumpay na opensibang taktikal. Nariyan, halimbawa, ang masinsing pagpaplano, ang pagkakaisa ng palabang diwa ng Hukbo, at ang tapat na suporta ng masa. Sa pagkakataong ito, napatunayan ding hindi sagka ang pagiging bakla ng isang rebolusyonaryo upang makapag-ambag ng kagitingan sa inilulunsad na matagalang digmang bayan.

Ilan nga lamang ang nag-akalang si Liam, isang kasamang maaaring tinuring na "mahina" ng karamihan dahil isa siyang bakla, ang isa sa mga nakapigil sa mga kaaway nang papaatras na ang mga kasama sa nasabing matagumpay na TO. Totoong katapangan, sabi pa ng mga kasama, ang kanilang nakita sa kanya.

Kasing totoo rin ng kanyang karaniwan nang napakalakas at nakakahawang tawa (sabi nga ng isang kasama, kita na ang tonsil!). Nasanay na nga ang mga kasama sa isang Liam na masayahin, palabiro, at paminsan-minsa'y pakembut-kembot. Maging ang usapin ng pag-aalay ng buhay sa rebolusyon ay kaya niyang ilahad sa isang magaan at kagiliw-giliw na paraan: kapag siya raw ay namatay, biro niya, siya raw ay nakangiti at nakataas pa ang mga kilay!

Mahigit apat na taon nang kumikilos sa kanayunan si Liam. Nagmula sa uring petiburges at nagtapos sa isang kilalang unibersidad, isa si Liam ngayon sa mga responsableng kasama sa Kawanihan sa Kultura ng rehiyon. Dito niya namamaksimisa ang kanyang mga kakayahan sa panitikan at teatro. Sa katunayan, noon pa mang hindi pa siya pultaym sa kanayunan, isa na si Liam sa mga nagsulong ng rebolusyonaryong gawaing pangkultura sa patag, bilang organisador para sa lokal na ARMAS (Artista at Manunulat ng Sambayanan).

Bukod sa gawain sa sining at panitikan, napanday na rin ang kanyang kakayahan sa pagbibigay ng edukasyon, nang sa unang dalawang taon niya sa sonang gerilya ay naitalaga siya sa istap ng Kawanihan sa Instruksyon. Hinding-hindi makakalimutan ng naging mga mag-aaral niya - bukod pa syempre sa malalim niyang pagkagagap sa iba't ibang rebolusyonaryong paksa - ang kanyang napakasaya at mapanlikhang pamamaraan ng pagtuturo. Minsan, tinanong siya ng mga mag-aaral kung bakit "baka" ang anyo ng palitan sa kalakalan noong unang panahon. Ang sagot niya: "Isipin n'yo na lang kung tigre!"

Subalit hindi naman sa lahat nang panahon ay biro na lamang ang maririnig mula kay Liam. Sa isang kursong pampartido, halimbawa, na isa siya sa mga instruktor, naging madamdamin at seryoso ang kanyang paglilinaw hinggil sa mga bakla - bagay namang nakatulong nang malaki sa isang CO na makaigpaw sa mga reserbasyon niya sa pagkilala ng kilusan sa mga kagaya ni Liam.

Patuloy pa rin sa kasalukuyan ang ginagawang paglilinaw ni Liam sa iba pang mga kasama tungkol sa nabanggit na usapin; sa aktwal na talakayan man o kahit na mismo sa simpleng paggampan niya sa iba't ibang rebolusyonaryong tungkulin, kabilang na nga ang sa gawaing militar. Malaki ang kanyang pag-asa na sa gitna ng tuluy-tuloy na pagrerebolusyon para sa tunay na kalayaan at demokrasya, unti-unti na ring maiwawasto ang mga maling kaisipan tungkol sa mga bakla.

At syempre pa, gaya ng iba pang kasama - lalaki, babae, bakla, tomboy - ganun din ang pag-asa niya para sa isang rebolusyonaryong karelasyon. Ito'y isang karapatan na malinaw nang kinilala sa inamyendahang patakaran sa pakikipagrelasyon sa loob ng Partido, bagay na nagpapakita ng kalawakan ng pag-iisip at pagtanggap ng rebolusyonaryong kilusan.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.