Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC Ang Mga Dulang Mapagpalaya sa Unang Panahon ng Kilusang Manggagawa


Sa simula ng pananakop ng imperyalismong Amerikano, mainit na nagsalimbayan at nagsalubong ang mga manggagawang Pilipino at ang pagtatanghal ng makabayang dula o tinawag na �subersibong� dula na kapanahon nito. Kaya naman hindi na kataka-taka kung bakit halos lahat ng mga naunang kongreso, kumperensya at malalaking pulong at rali ng mga manggagawa ay idinaraos sa mga teatro at sinehan (hindi lamang sa mga sabungan). Ilan dito ang Teatro Libertad, Teatro Obrero, Teatro Zorilla, Cine Oriental, Opera House at Metropolitan Theatre. Hindi lamang arena ng pagtatanghal at aliwan ang mga teatro at sinehan noon, kundi tagpuan sa pagbubuklod at lunsaran ng militanteng pagkilos ng mga manggagawa.

Gunitain natin ang kauna-unahang pagdiriwang ng Mayo Uno sa Pilipinas noong 1903:

"Buong umaga, lumibot ang banda sa Kamaynilaan; sa tanghali, programa sa Teatro Nacional sa Sta. Cruz hinggil sa kabuluhan ng Mayo Uno, pag-uunyon at pagkakaisa; bandang alas-dos ng hapon, nagtipon sila sa Binondo Church at nagmartsa tungong Sta. Cruz Church para dumugtong sa isa pang grupo; ang mahabang martsa ay dumaan sa Echague, San Miguel, Gen. Soriano at dumiretso sa Malacanang; may mga karosa, bandila, parol, at musikong banda; nagtalumpati si Dominador Gomez (pangulo ng UOD) sa tapat ng Malacanang; wala si Taft sa Malacanang; nagmartsa ang mga manggagawa tungo sa hipodromo ng Sta. Mesa at pansamantalang nag-uwian; sa gabi, isa namang programang pangkultura sa Teatro Nacional."

Sadyang napakainit ang pagtangkilik at paglahok ng masang Pilipino sa mga dulang makabayan at mapagpalaya. Ito ay dahil na rin sa nagsilbing daluyan ang mga ito ng kanilang pagpapahayag ng protesta at paglaban sa pananalakay ng imperyalistang Estados Unidos. Masasalamin din sa mga dulang ito ang maigting na tunggalian sa pagitan ng mga uring anakpawis at uring mapagsamantala, ng mga Pilipino laban sa mga dayuhang kaaway- ang mga Kastila, mga Amerikano at ang kanilang mga kasabwat. At lagi-laging ang nakikitang sagot ay armadong paglaban at ang nagkakaisang lakas ng mga manggagawa at uring anakpawis. Kaya hindi nga malayong bansagang seditious plays ang naturang mga dula. Seditious para sa mga bagong mananakop at mapagsamantala.

Juan Abad, Juan Matapang Cruz at Aurelio Tolentino--sila ang ilan sa mga tampok na manunulat ng dula na ginamit ang drama para ipahayag ang kanilang mga paninindigan. Sentimental man ang orihinal na katangian, umako na ito ng kakaibang karakter para salaminin ang mga suliraning hinarap ng Inangbayan.

Ang tatlong pinakakagila-gilalas sa mga dulang anti-imperyalista ay ang Tanikalang Guinto ni Juan Abad, ang Hindi Aco Patay ni Juan Cruz Matapang at ang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino. Kasama ang tatlong dulang ito sa tinukoy ng editoryal ng Manila Times noong ika -16 ng Mayo, 1903, na mga dulang isinulat upang pukawin ang mga Pilipinong lumaban sa mga imperyalistang Amerikano.

Maliban sa mga anti-imperyalistang dula, hindi rin iilan ang mga dulang nalikha na naglarawan naman sa makauring tunggalian sa pagitan ng anakpawis at ng mga naghaharing-uri. Isa na rito ang Bagong Kristo ni Aurelio Tolentino na unang itinanghal noong 1907. Ang dulang ito ang itinuring na kauna-unahang "sosyalistang" drama o dula hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Asya. Ang Bagong Kristo ay isa rin sa mga unang pagsisikap na mailapat ang buhay ni Kristo sa nagbabagong panahon. Isang signipikanteng tagumpay sa panahong kailanma'y di dapat pakialaman ang dogma ng simbahang Katoliko.

Walang habas na panunugis at panggigipit ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga reaksyunaryong tauhan ng gubyerno ang naranasan ng mga sumulat, nagsitanghal at manonood ng mga dulang makabayan. Nakapagngangalit halimbawa

ang ginawa ng mga imperyalista sa kaso ng Kahapon, Ngayon at Bukas na hinuli at ikinulong ang mga artista sampu ng lahat ng manonood sa kalagitnaan mismo ng pagtatanghal nito. Sampung Amerikano ang sumama sa mga manonood. Nang dumating sa eksenang yayapakan ang bandila ng Estados Unidos, nagwawalang pumanhik sa entablado ang mga dayuhang manonood, pinatigil ang palabas, pinagbubugbog ang mga nagtatanghal at pinagsisira ang mga props at kagamitan sa entablado.

Ang balita sa Manila Cablenews, isang pahayagan noong panahong iyon, ay marami ang nasaktan sa kaguluhan. Iniulat naman ng Manila Times, makaraan ang dalawang araw matapos ang pag-aresto, na nang iwawagayway na ni Bb. Felisa Roxas, (isa sa mga karakter sa dula), ang watawat ng Katipunan habang ibinabasura naman ng isang karakter ang watawat ng imperyalista, isang Amerikano ang biglang pumanhik sa entablado. Binugbog ang artista at itinapon sa baba ng entablado nang una ulo. Riot ang kinalabasan ng pakikialam ng mga dayuhan.

Ang dulang ito na nasa Tagalog ay sinasabing pinakamahalagang kontribusyon ni Tolentino sa dramang Pilipino, pinaka-sensesyunal sa panahon ng mga seditious plays.

Dahil sa dulang ito sinentensyahan si Tolentino ng dalawang taong pagkabilanggo at pinagmulta ng $2,000 sa anyo ng ginto. Siyam na beses nakulong si Tolentino dahil sa walang tigil nitong pagtatanghal ng mga dulang subersibo.

Tinuring ding subersibo ang dulang Hindi Aco Patay ni Juan Matapang Cruz. Sa isang pagtatanghal nito, isang lasing na sundalong Amerikano ang biglang naghagis ng bote ng beer sa "Araw ng Katipunan" habang papataas ito sa isang eksena. Pinagsisira naman ng kanyang mga kasamahang sundalo ang iba't ibang kagamitan sa set. Noong Mayo ng taon ding iyon, pinatigil ang pagtatanghal ng dula sa kalagitnaan nito sa Teatro Nueva Luna, Malabon. Pinaghuhuli at ikinulong ang buong tropa, kasama si Juan Matapang Cruz at pati ang kanyang asawa.

Sa kabila ng mga ito, lubos pa ring tinanggap ng manonood ang mga dulang sedisyoso kaya naman pati sila'y kalimitang kasama ng mga inaarestong mga manunulat, artista, manedyer, teknisyan at iba pang manggagawa sa teatro. Tampok ang pagbubunyi ng mga manonood sa tuwing iwawagayway ang bandila ng Katipunan at sisigaw ng kalayaan ang mga nagsisipagtanghal.

Kahit sabihin pang ilang ulit na pinaghuhuli ang mga aktor, manunulat at manonood at kinukumpiska ang mga makina at props tulad ng lumilipad na agila, mga kabaong at bandila ng Pilipinas. Kahit sabihin pang kadalasan, ang mga personahe sa iba't ibang eksena ay gumagamit ng mga simbolo at biglaang pagtatalumpati upang lituhin ang dayuhan, nagpatuloy ang pagdami ng mga tanghalang nagpapalabas ng mga dulang mapagpalaya at makamasa.

Karamihan sa mga artista at manggagawa sa teatro ay mga manggagawa ng sigarilyo at mga magsasaka. Si Juan Matapang Cruz, ang sumulat ng Hindi Aco Patay, ang pinakamasugid sa pagrekluta ng mga artista mula sa hanay ng uring manggagawa. Kung kaya't tatawagin ding zarzuela ng uring anakpawis ang mga subersibong dula dahil mga anakpawis ang nagdidirek, mga anakpawis ang umaarte at ang laman ay para sa mga anakpawis.

Sadyang may mga dulang walang kamatayan gaya ng iba pang sining--hangga't ang mga ito'y tumatarok sa puso't damdamin ng masa, hangga't ang mga ito'y naaangkop at iniaangkop sa mga bagong paghamon ng kasalukuyan. Walang kupas, ika nga.

Ang Kahapon, Ngayon at Bukas, halimbawa, ay makailang beses nang itinanghal sa panahon ng batas-militar. Sa kabuuan man, baha-bahagi o bilang isang adaptasyon lamang. Ito'y naging isang epektibong paraan ng paggunita sa kasaysayan at bilang pagprotesta sa rehimeng US-Marcos. Ang adaptasyon, na ginawa naman ni Chris Millado noong 1991, ay gumamit ng tatlong Taga-ilog (ang rebeldeng bida sa dula) mula sa iba't - ibang panahon ng kasaysayan--prekolonyal na datu, ang rebolusyonaryong lider laban sa mga Kastila at ang isang rebeldeng NPA sa bagong panahon.

Noong 1981, ang Hindi Aco Patay at ang pag-aresto at paglilitis kay Juan Matapang Cruz ay ginawan din ng adaptasyon sa dulang Estados Unidos bersus Cruz, Abad at Tolentino ni Bonifacio Ilagan sa direksyon ni Behn Cervantes sa UP Diliman.

Ang Bagong Kristo naman ay halos naging tradisyonal nang iniaangkop sa kasalukuyang kalagayan at mga suliranin ng masang api sa tuwing sasapit ang mahal na araw.

Puno ng simbolismo at talinghaga pero madaling mabasa ang diwa ng mga dulang subersibo noon. Sa pangalan pa lamang ng mga tauhan sa dula ay mababasa na ang layunin ng mga ito. Sa Kahapon, Ngayon at Bukas, nariyan ang bidang tauhan, si Taga-ilog, na kumatawan sa Pilipinong rebolusyonaryo. Si Walangtutol, ang Pilipinong pasibo at anak ni Inangbayan na sumimbolo sa bayang Pilipinas. Ang kanyang ama naman ay si Kalayaan. Si Matanglawin ang gubyerno ng Espana, si Halimaw ang Kastilang pari at si Bagong Sibol ang Amerika.

Napanday sa gitna ng matinding pagmamanman at panunupil ang pagtatanghal ng mga dulang subersibo. Kung ang iskrip lamang ng Kahapon, Ngayon at Bukas ang pagbabatayan, maaaring hindi ito masamain ng mga Amerikano at maging batayan para hatulan ng sedisyon si Tolentino at ang mga artista. Pero ang dula ay hindi lamang basta gumagamit ng mga karakter, simbolo, talinghaga at mga pahayag. Gumamit din ito ng mga stage effects (tulad ng paglitaw ng mga puntod habang lumulubog si Inangbayan, ang pagpormasyon sa entablado ng ipinagbabawal na bandila ng Pilipinas ng mga naglalabas-masok na mga babae, ang pabigla-biglang pag-awit ng Himno Nacional (Pambansang Awit), o ang biglaang pagtatalumpati ng isang nakatagong bayani at iba pang diyalogo (na wala sa iskrip) pero kapag itatanghal ay naroroon. Panloloko raw ito, ayon pa sa mga awtoridad ng Imperyalismong Estados Unidos.

At bakit nga ba hindi. Hindi ba panlilinlang ang sinasabi ng imperyalismong Amerikano na sila raw ay mga tunay na kaibigan?



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.