Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ngayon hanggang bukang-liwayway
TOC 1903-1983
Ama ng Militanteng Unyonismo


Sa gitna ng pinakamadilim na araw sa ilalim ng pasistang diktadurang Marcos, isang lider-anakpawis ang umangat upang ipagpatuloy ang militante�t makabayang tradisyon ng uring manggagawang Pilipino.

Si Felixberto "Ka Bert" Olalia ay tinaguriang "Grand Old Man" o "Angry Old Man" ng kilusang unyon. Siya ay higit na kilala bilang beteranong lider-manggagawa na nagtatag sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang militanteng sentrong unyon.
Dahil dito, matayog na nagwawagayway ngayon ang bandera ng tunay na unyonismo sa bansa

pagkaraan ng mahabang panahon na ito'y marahas na sinikil ng mga awtoridad, partikular mula noong mga 1950.

At dahil rin dito, si Ka Bert ay walang habas na inusig ng mga galamay ng mapanupil na estado. Sa 64 taong karanasan niya sa kilusang paggawa, tatlong ulit siyang inaresto't ikinulong, pinaratangang subersibo at kaaway ng gobyerno.

"Gusto kong masaksihan ang pagbabago," malakas na bulalas ni Ka Bert minsan sa kanyang mga kapanalig. "Halos lahat ng buhay ko - magmula nang ako'y 16 ay inialay ko sa simulain ng paggawa. Dapat akong mabuhay upang masaksihan ito."

Pero hindi na natupad ang kanyang pangarap.

Noong Agosto 13, 1982, si Ka Bert ay dinakip ng mga alagad ng pasistang rehimeng Marcos. Kasama niyang naaresto ang 34 pang lider-manggagawa at unyonista sa ilalim ng KMU at Pagkakaisa ng mga Manggagawang Pilipino (PMP).

Sa edad niyang 79, si Ka Bert ay ibinartolina na naging dahilan ng pagkahulog ng kanyang katawan at paglala ng kanyang karamdaman. Noong Mayo 1, 1983, si Ka Bert ay ipinailalim na lamang sa house arrest sa utos ni Presidente Marcos. Ngunit huli na ang lahat. Agaw-buhay na siya noon, bunga ng mga komplikasyon sa baga, spinal column, at iba pang parte ng katawan na nakuha niya habang nakakulong.

Noong Disyembre 4, 1983, nalagutan ng hininga ang beteranong unyonista sa edad na 80. Kay Ka Lando niya iniwan ang kanyang huling habilin; "Huwag kayong mabibigo. Magtagumpay kayo."

Saklaw ng buhay ni Ka Bert ang halos buong kasaysayan ng kilusang unyon sa bansa. Sa 64 taong inialay niya sa kilusang paggawa, nasaksihan niya ang halos lahat ng mahahalagang yugto ng pag-unlad ng unyonismo at marahil hindi na mapapantayan ang bukal ng napakayamang karanasan na nakuha niya rito.

Isinilang noong Agosto 5, 1903, si Ka Bert ay nagmula at lumaki sa isang pamilya ng maralitang magsasaka sa Bacolor, Pampanga. Gayunman, sinikap pa rin niyang matuto mula sa sariling pag-aaral. Ang kanyang kakulangan ng pormal na edukasyon ay hindi naging sagabal sa pag-unlad niya bilang unyonista at lider-manggagawa dahil sa katunayan, sa pamamagitan ng simpleng tiyaga at pagsisikap, sa kalaunan, ay nadaig pa niya ang abogadong nakapagtapos ng kolehiyo sa pagiging eksperto sa mga batas-paggawa.

Sa murang edad na 16, si Ka Bert ay namasukan sa isang pabrika ng tsinelas sa may Avenida Rizal, Maynila. Makaraan ang isang taon dito, noong 1920, ay sumama siya sa pagtatatag ng Union de Chineleros Y Zapateros de Filipinas (UCZF), isang unyon ng mga manggagawa ng tsinelas at sapatos, at nahirang bilang kalihim nito.

Bilang malapit na kasangga at matapat na mag-aaral ni Evangelista, si Ka Bert ay agad sumapi sa PKP at aktibong nakilahok sa mga pagkilos nito. Bagaman noong 1931 ay idineklarang iligal ang bagong tatag na Partido, nagpatuloy si Ka Bert sa pagkilos dito.

Nang lusubin ng mga Hapon ang Pilipinas, sina Ka Bert at iba pang mga progresibong lider-unyon ay kagyat na bumaling sa pakikidigmang gerilya alinsunod sa panawagan ng PKP.

Pagkaraan ng digmaan, si Ka Bert ay bumalik agad sa pagkilos sa hanay ng mga manggagawa. Noong 1945, itinayo ang Committee on Labor Organizations para muling ibuwelo ang kilusang unyon. Nang
lumaon, ang komite ay pinangalanang Congress of Labor Organizations (CLO) at ang dakilang makata at manunulat na si Amado V. Hernandez ang nahirang na tagapangulo samantalang si Ka Bert naman ang tumayong ingat-yaman.

Mabilis na nakapwesto sa unahan ng mga pakikibakang manggagawa ang CLO at sa loob ng maikling panahon ay nakakuha agad ito ng 78 kasaping unyon at 100,000 indibidwal na myembro. Naging tampok ang CLO bilang kauna-unahang ganap na sentrong unyon na may pambansang katangian gayundin si Ka Bert bilang isa sa mga pangunahin at pinagpipitaganang lider-manggagawa sa panahong ito.

Samantala, noong 1949, nahirang si Ka Bert bilang pambansang pangulo ng Kalipunan ng mga Kaisahang Manggagawa (KKM), isang bagong tayong pederasyon ng mga unyon. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lumahok ang KKM sa sumisigabong kilusang welga at mga pangmasang demonstrasyon, kabilang ang isang aksyong masa na tumuligsa sa pagpapadala ng mga sundalong Pilipino sa digmaang Koreano noong 1950.

Ngunit nang taon ding iyon, bumaling na rin ang estado sa lantarang pandarahas at panunupil. Sinuspinde ni Presidente Elpidio Quirino ang pribilehiyo ng Writ of Habeas Corpus at kasunod nito ay sinimulan na ang madugong kampanya laban sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) na nasa pamumuno ng PKP.

Hindi nakaligtas si Ka Bert sa ginawang paninibasib na ito ng estado sa kilusang paggawa. Noong Setyembre 11, 1951, pati siya ay hinuli ng militar at kinasuhan ng rebelyon.

Tatlong taon sa loob ng bilangguan si Ka Bert bagaman ang talagang sentensya sa kanya ay isang taon lamang. Nang makalaya siya, agad niyang inasikaso ang pagbubuo ng Samahan ng Makabayang Pilipino (SMP) at makaraan ang ilang buwan, ng Confederation of Labor of the Philippines (CLP). Sa panahong ito, naging aktibo rin siya sa muling pagbwelo ng kilusang magsasaka matapos madurog ang pag-aalsang Huk.

Noong 1962, nakasama ni Ka Bert sina Ignacio Lacsina, Cipriano Cid at ang lider estudyante noon na si Jose Ma. Sison sa pagbubuo ng Lapiang Manggagawa (LM), isang hayag na partidong pampulitika ng mga anakpawis.

Saksi si Ka Bert sa muling paglakas ng makabayang kilusan sa pagpasok ng dekada 1970. Nang sumambulat ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, hinikayat niyang lumahok dito ang mga unyonista sa pamumuno niya, kaalinsabay sa pakikipag-ugnayan niya sa mga bagong tatag na militante at progresibong mga pederasyong manggagawa.

Nang ibaba ang batas militar, sa ikalawang pagkakataon ay nahagip si Ka Bert ng panunupil ng estado. Kasama ng iba pang lider-makabayan mula sa iba't ibang sektor at ng oposisyon, siya'y napiit sa bilangguan nang mahigit limang buwan. Ngunit gaya ng inaasahan, nagpatuloy pa rin siya sa kilusang paggawa nang siya'y makalaya.

Iisa ang hangarin at pangarap ni Ka Bert sa napakahabang panahon na ginugol sa kilusang paggawa. "Ang nais ko'y isang pamahalaang pinatatakbo ng mga manggagawa. Habang ito'y hindi natin nakakamit," aniya, "ang mga manggagawa'y mabubuhay at mamamatay na pinagsasamantalahan."

Kaya hinamon ni Ka Bert ang rehimeng Marcos sa diumano'y layunin nitong pag-isahin ang buong kilusang paggawa batay sa patakarang One Union, One Industry. Sa proseso, mabisa niyang inilantad ang tunay na motibo ng diktadura na kontrolin ang kilusang paggawa at kapunin ito. Nabantad sa kanya ang tunay na katangian ng dilawang sentro, ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), bilang instrumento ng mga pasista at ng mga imperyalistang tumangkilik dito.

Samantala, unti-unting nakakabangon na noon ang militanteng kilusang paggawa. Noong Oktubre 1975, pumutok ang welga sa La Tondena. Mula noon, nagtuloy-tuloy na ang kilusang welga at sinabayan pa ito ng papalaking mga demonstrasyon ng mamamayan sa kalunsuran at ng maiigting na pakikibakang masa ng mga maralitang tagalunsod at kabataang estudyante.

Dumating din ang panahong nagkabunga ang mga pagsisikap na ibangon muli ang militanteng kilusang paggawa at dito'y sentral ang naging papel ni Ka Bert Olalia. Sa pamumuno ni Ka Bert, itinatag noong Mayo 1, 1980 ang Kilusang Mayo Uno (KMU).

Mula't sapul, iginuhit na agad ng KMU ang saligang pagkakaiba nito bilang isang bloke sa kilusang paggawa na nagtataguyod sa tunay, palaban at makabayang unyonismo. Sa mahusay na liderato ni Ka Bert, agad na nakapwesto ang KMU sa unahan ng makapangyarihang bugso ng mga welga mula 1980 hanggang sa kasalukuyan.

Ngunit higit na naaalala si Ka Bert sa kanyang matindi't magiting na paglaban sa mga kontra-manggagawang batas ng diktadurang Marcos, lalo na ang BP 130 at BP 227 na sumusupil sa karapatang magwelga. At dahil talagang hindi na mapigil ng rehimeng Marcos ang tuluy-tuloy na paglakas ng KMU at ng militanteng kilusang paggawa, ginamit na nito ang huling baraha. Inaresto si Ka Bert at tinangkang gawing iligal ang KMU.

Hindi nito nadurog ang KMU, bagkus ay lalo pa itong lumawak at lumakas. Hindi nito napigil ang patuloy na pagbugso ng mga welga at sa katunayan ay higit pang umigting at lumaganap ang mga ito.

Namatay si Ka Bert, bagaman sa gitna ng lahat nito, hindi maisasantabi ang malaking kontribusyon niya sa pagsusulong ng mga dakilang mithiin ng uring manggagawa. Ang mga katulad ni Ka Bert ay habang panahong nabubuhay. Gaya ng parangal ng KMU sa kanyang alaala, "hindi lamang simulain ang kanyang iniwan kundi rumaragasang kilusan."



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.