Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Mga Wais na Misis


Habang naglalaba ang ilang kababaihan sa ilog, bigla na lang bumulaga mula sa kasukalan ang isang iskwad ng mga sundalo.

"May nakita ba kayong mga NPA?" mabagsik na tanong ng sarhento, ang lider ng grupo.

Nagkalabitan ang mga naglalaba kung sino ang sasagot, ibig sabihin sino ang marunong managalog.

"Isang bulan na sir, dumaan dito," sagot ng isa.

Nagkatinginan at alerto ang nanlalalim na mga mata ng walong sundalo na animo'y mga tandang na naulanan.

"Ba't hindi n'yo inireport?" mapanakot na tanong ng sarhento. "Siguro mga asawa o mga anak ninyo ang iba sa kanila, ano?"

"Hindi, sir, nagauma lang ang aming mga bana," sagot ng isang babae.

"'Pag may nakita kaming mga NPA sa bahay n'yo, madadamay kayo. Kaya irereport ninyo sa detatsment kung may NPA dito sa lugar n'yo," paalala ng pasistang sundalo.

"Alis na mo, sir?" tanong ng isang babae nang papaalis na ang mga sundalo.

"Mukhang pinapaalis n'yo na yata kami," sagot ng sarhento na palipat-lipat ang tingin sa mga babae. Maya-maya'y napansin niya ang santambak na labahin ng isa. "Marami ka yatang labahin, manang?" tanong nito.

"Daghan akong anak, sir," sagot ng tinanong.

"Baka NPA ang iba d'yan ha, manang?"

"Hindi, sir, nagsasaka lang talaga kami, sir."

Nang makaalis na ang mga sundalo, biglang lumitaw mula sa masukal na lugar sa tabing-ilog ang isang babaeng nakayapak lamang. "Naipasa ko na," humihingal na sambit nito.

Napa-hay salamat ang babaeng santambak ang labada habang dali-daling kinuha ng iba ang mga damit na kanila pala. At sa kailaliman nito, lumantad ang isang pares na dyaket at pantalong patig!

"Bakit ikaw pa kasi ang naglaba niyan?"

"Hay, ganito talaga kapag matagal nang hindi nakikita ang anak!" sabi ng babaeng santambak ang labada, sabay banlaw sa mga patig.

"Ay! Bumalik ang mga sundalo!"

"Asan?Asan?" reaksyon ng babaeng santambak ang labada. Matapos masiguro ang paligid ay kinuha niya ang isang palu-palo at itinutok na parang baril sa nagtatawanang kasamahan niya.

"Sige kayo, may patig na ako, may armas pa! Pwede na akong mag-NPA!"



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.